Chapter 17

2.6K 93 0
                                    

"WALA ka bang balak na lumabas dito?" Puno ng dismaya ang mukha ni Parisse nang iikot ang mata sa aklatan. "Mamasyal naman tayo, Ate Liatris!" yaya nito.

"Wala akong oras na mamasyal. Marami pa akong kailangang pag-aralan." Bagamat wala ang guro niya sa araw na iyon ay nakahilera na ang mga libro na kailangan niyang basahin. Mabuti na lang at matiyaga siyang mag-aral. Kasama iyon sa kasanayang nakuha niya noong nasa poder pa siya ng mga Vinca.

"Ayaw mo bang mag-ensayo sa pakikipaglaban?" tanong nito.

Biglang bumigat ang loob niya nang maalala ang mga sandata niya na matagal na niyang di nagagamit. Di na rin siya halos lumalabas ng palasyo. Kung lalabas man siya ay para dumalaw at makipag-ugnayan sa iba't ibang mamamayan.

"Di ko na raw kailangang humawak ng sandata sabi ni Cid. Iba na ang responsable sa pagprotekta sa Tarragon. Harapin ko na lang daw ang gawaing nakaatang sa akin bilang prinsesa."

Humikab ito at inunat ang mga kamay. "Chauvinistic pig! Killjoy talaga si Kuya. Killjoy silang lahat. Sino naman ang nagsabi na ang susunod na reyna ay di na kailangang humawak ng sandata. Gusto mo bang kalawangin na lang ang mga sandata mo? Ang galing-galing mo tapos di mo magagamit ang kakayahan mo."

"May magagawa ba ako?" Bilang susunod na reyna ng Tarragon, may bago na siyang responsibilidad na dapat harapin. At doon niya itinutuon ang pansin.

"Huwag mong pansinin si Kuya. Takot lang iyon dahil mas magaling ka sa kanya. Takot siyang ma-under. Iyong takot sa asawa." Humagikgik ito. "Kaya mabuti pa mag-ensayo ka na lang. Tumakas tayo dito."

"Marami pa akong pag-aaralan."

Tiningnan nito ang librong binabasa niya. "Ako na lang ang magku-kwento niyan sa iyo. Turuan mo akong gumamit ng sandata."

"Paano kita tuturuan kung wala akong gamit?" Itinago ni Cid ang gamit niya dahil di naman daw niya magagamit ang mga iyon. Maging ang damit niya na suot noong Vinca pa siya ay naroon din. Sinturon lang niya ang naiwan sa kanya dahil na rin sa pakiusap niya. Iyon na lang ang natitira sa kanya bilang Vinca.

Nakangiti nitong ipinakita sa kanya ang bag niya. "Nakuha ko sa sagradong silid! Ano? Tatakas na ba tayo?"

"Saan tayo dadaan?"

Isinenyas ng hinlalaki nito ang balkonahe na nakaharap sa likuran ng palasyo. Tanaw na nila doon ang kakahuyan. "Doon!" Bago pa niya ito mapigilan ay sumampa na ito sa balkonahe at tumalon.

"Parisse!" tawag niya dito.

Mataas ang balkonahe na iyon. Ang alam niya ay wala naman itong kakayahang lumipad. Nang makita niya ay nakalutang ito dahil nakatuntong ito sa mga kaibigan nitong bubuyog. "Ikaw naman. Ipapasalo kita sa mga kaibigan ko."

"Hindi na. Kaya ko na ito." Tumuntong siya sa balkonahe at tumalon. Tatlong beses siyang umikot sa ere bago bumagsak nang nakabaluktot ang tuhod at isa ay bahagyang nakasayad sa lupa.

"Wow! Para kang ninja!" Pumalakpak ito. "Ang galing!"

Tumayo siya. "Sabihin mo sa mga bubuyog mo na ibaba ka. Kailangan na nating umalis bago pa may makakita sa atin. Baka di na kita maturuan."

"Oo nga pala." Maya maya pa ay mabilis na silang lumusot sa kakahuyan.

"Parisse, bakit mo ako ginagawan ng pabor?" tanong niya.

"Kasi gusto kita. Gusto ko kasi iyong mga babaeng palaban. Karamihan ng mga babae dito sa Tarragon, laging nakasunod sa mga lalaki."

"Hindi ba iyon naman ang dapat?" Ayon iyon sa batas ng Tarragon.

"Sa kaharian ninyo ano ba ang paniniwala?"

"Walang karapatan na kahit ano ang mga lalaki. Puro babae ang masusunod."

"Kakaiba pala sa inyo. Kaya siguro takot si Kuya sa iyo."

"Hindi ba mas gusto mo si Iris para kay Cid?" Naalala pa niya kung paano nitong ipagtanggol ang pagmamahalan nina Cid at Iris.

"Gusto ko kung sinuman ang magustuhan ni Kuya. Pero nang ikaw ang piliin ng kuwintas at nalaman ko ang buong istorya kung paano mo dinepensahan si Kuya Cid kahit na ikaw ang mamatay, nagustuhan na kita para sa kanya. Alam ko kasi na mahal na mahal mo ang kuya ko."

"Paano mo nalaman?"

"Mahilig akong magbasa ng romance novel, di ba? At kahit pa di ako magbasa, tingin mo lang sa kuya ko parang siya na ang nag-iisang lalaki sa mundo. Ganoon ang nagmamahal. Parang siya lang ang tao sa mundo. Wala kang pakialam sa iba. At mas gugustuhin mong masaktan kaysa ang taong mahal mo. Sa palagay ko tama na ikaw ang pinili ng Luha ng Hari."

"Bakit si Cid hindi iyon nakikita?" Kung di pa ito pinagbantaan ng mga magulang nito, pipiliin nitong lisanin na lang ang Tarragon kaysa makasama siya.

"Bigyan mo lang siya nang kaunting panahon. Ayaw niya sa lahat ay pinipilit siya. Gusto niya malaya siyang makakapili at magpapasya. Tingnan mo, bandang huli mababagok din ang ulo no'n. Malalaman din niya na ikaw ang para sa kanya." 

Flame Flower #Wattys2019 CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon