Chapter 1

10.5K 211 7
                                    


Maharot ang pagsasayaw ng mga ilaw. Halos nakakabingi ang musika at punung-puno ng mga tao ang dance floor. Biyernes noon kaya punung-puno ang bar na pinuntahan ni Liatris kasama ang kaibigang si Achillea.

"Wala ka pa rin bang nagugustuhang lalaki?" kaswal nitong tanong sa kanya at inikot ang mata sa paligid.

Umiling siya at sumimsim ng alak. "Ikaw, may nagustuhan ka na ba?"

"Meron na. Marami sila," nakangiti nitong sabi at kinindatan ang lalaking nasa kabilang mesa. "Pero siyempre, kung sino ang unang lumapit, siya ang pipiliin ko. Ikaw, bakit di ka nakipagsayaw sa nagyaya sa iyo kanina? Guwapo naman siya."

"Ayoko sa kanya," matabang niyang sabi.

"At sa dinami-dami ng guwapong lalaki dito, wala ka pa ring gusto?" Humalakhak ito na parang nanunuya. "Kaya hanggang ngayon ay wala ka pa ring karanasan. Ano na lang ang sasabihin ng mga pinamumunuan mo? Na ang prinsesa ng mga Vinca ay di pa rin nahahalikan hanggang ngayon."

Di siya kabilang sa mundong iyon. Mula sila sa ibang mundo. Sa mundo ng espesyal na mga nilalang. Mas kilala ng mga tao bilang engkanto. At kabilang siya sa mga Vinca. Isang kaharian na pawang kababaihan lamang ang namamayani.

Ilang taon na siyang lihim na pinagtatawanan ng mga Vinca. Maging ang sarili niyang Inang Reyna ay napapasimangot kapag pinag-uusapan siya. Ang isang karaniwang Vinca ay nawawala ang pagkabirhen sa edad na labing-anim. At mula noon ay aktibo na ang mga ito sa pagpili ng mga lalaking gustong makasama. Isa iyong simbolo ng dominasyon ng mga kababaihan.

"Alam mo kung ano ang paniniwala ko," mariin niyang sabi.

"Tungkol sa pag-ibig? Kalokohan! Gumagaya ka na sa paniniwala ng mga baliw na pinangangatwiranan ang kahangalan nila. Walang pag-ibig, Liatris. Malamang inimbento lang iyan ng mga babaeng mahihina na handang magsakripisyo sa mga lalaki kahit na sinasaktan sila at ginagawang tanga. Walang lalaking marunong magmahal. Kailan ka ba maliliwanagan?"

"Sige na, Achillea. Tama ka na," sabi niya para matapos na ang usapan.

Naiintindihan niya ang sentimyento nito. Masaklap ang naging karanasan ng mga Vinca sa lalaki. Sa loob ng ilang daangtaon, naging alipin ang mga kababaihan ng malulupit na lalaki. Sinaktan lang ang mga babae ng kanilang asawa. Ginamit bilang tagadala ng anak.

Hanggang isang babae ang lumaban sa asawa niya. Si Reyna Gaillarda, ang unang babae na lumaban sa asawa nitong hari. Pinatay nito ang sariling asawa na walang ginawa kundi uminom, maggiyera at manakit ng babae. Si Reyna Gaillarda ang naging kauna-unahang pinuno ng mga Vinca. Una nitong ibinatas na gawing alipin ang mga lalaki.

Naghimagsik ang maraming lalaki. Ang mga naghimagsik ay ipinatapon sa kaharian. At ang mga naiwan ay tuluyan nang ginawang alipin. Nabaligtad na ang pangyayari. Mula noon ay simple lang ang silbi ng mga lalaki sa mga Vinca-sa pakikipagtalik at pagkakaroon ng anak. Ang kauna-unahang itinuturo ng isang Vinca sa kanyang anak ay huwag maniwala sa pag-ibig. Ang pag-ibig ay aalipin lamang sa isang babae. Magsisilbing kapangyarihan lang iyon para sa isang lalaki upang manakit ng babae.

Kumaway ang lalaking huling kinindatan ni Achillea. "Sa palagay mo ba ay siya ang pipiliin kong maging ama ng anak ko?" Eksperto si Achillea sa pang-aakit ng lalaki. Pinag-aralan nito ang gawi ang mga tao.

"Bakit hindi na lang isa sa alipin ang piliin mo? Hamak na mas guwapo ang mga alipin natin kaysa sa taong iyan."

"Dahil ayokong napipilitan lang ang lalaking magiging ama ng anak ko. Gusto ko, malaya din niya akong pinili. Di tulad sa mga alipin. Kailangan mo pang I-hipnotismo para lang paligayahin ako. Ayoko ng tau-tauhan. Mas nararamdaman kong babae ako kung nakakapili ako ng lalaking gusto ko at gusto rin ako. "

Flame Flower #Wattys2019 CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon