Chapter 25

2.7K 93 1
                                    


"Kailangan kong ibuwis ang buhay ko. Ako ang pinili para maging prinsesa nila. Dahil doon di niya makakasama ang babaeng mahal niya. Ngayong malayo na ako sa kanila, maari na silang magkasama." Walang nararamdamang pagsisisi si Liatris. Maliban sa di niya maipapaalam kay Cid na magkakaroon na sila ng anak.

"Liatris, nakalimutan mo na ba na sa ating mga Vinca, walang sinusukuan? Bakit di mo ipinaglaban ang nararamdaman mo?"

"Hindi napipilit ang pag-ibig, Ina. Di dahil lumayo ako sa kanya, duwag na ako. Sa palagay ko mas naging matapang ako dahil natanggap ko ang katotohanan na di niya ako mahal. Masakit pero mas naging malakas ako dahil doon. Sa tingin ko kakayanin ko na ang lahat."

Mas kakayanin niya ang lahat para sa magiging anak nila ni Cid. Ngunit di tulad niya, malalaman nito kung anong klaseng ama mayroon ito. Isang ama na maipagmamalaki nito kahit na kanino.

"Mas matapang at matalino ka na, Liatris," papuri nito. Ang kauna-unahang papuri na nakuha niya mula sa ina.

"Dahil natuklasan ko na mas malawak ang mundong ito. Maraming bagay na maaring matutunan ang bawat Vinca na maaring magpaunlad sa atin. Di ko kayo masisisi kung nais ninyong protektahan ang kaharian. Pero kung tatanggalin ang mga harang at hahayaan ninyo kaming harapin ang mga pagsubok sa labas ng kaharian, masaktan man kami ay magiging mas matatag kami. Dahil doon, mahihigitan namin ang aming sarili at mas mapapabuti ang kaharian," paliwanag niya. Natutunan niya na kapag nasaktan ay nagiging mamatag ang isang nilalang.

Niyakap siya nito. "Natutuwa ako dahil naging anak kita. At may dapat kang malaman, Liatris. Minahal ko ang ama mo at mahal din niya ako. Pero tinalikuran ko siya dahil pinili ko na mas maging mabuting reyna ng mga Vinca. Ayokong maging mahina dahil sa pagmamahal ko sa kanya. Naging duwag ako sa nararamdaman ko. Hindi ko siya ipinaglaban. Di tulad mo. Mas matapang ka sa akin."

Nagmamadali itong tumakbo sa pinto upang itago ang luha. Tinawag niya ito bago pa ito makalabas sa pinto. "Ina!"

"Ano iyon?" tanong nito ngunit di lumingon.

"Masaya ako dahil nabuo ako dahil sa pagmamamahal. Pero di ako malungkot na lumaking walang ama. Dahil maganda ang pagpapalaki ninyo sa akin. Hindi ako magiging ganito katatag kung hindi dahil sa inyo."

"Salamat," wika nito at lumabas ng silid.

Maaring lumaki ka rin katulad ko, anak. Di mo rin masisilayan ang iyong ama. Pero mamahalin kita. Magiging masaya rin tayong dalawa.

NAPAUNGOL si Liatris. Maganda ang panaginip niya. Hinahagkan daw siya ni Cid. Parang totoong-totoo ang panaginip niya. Kahit sa panaginip man lang ay makasama niya ito. "Oh, Cid!" usal niya sa pangalan nito.

"Mabuti naman at kilala mo pa pala ako," sabi nito.

"Cid?" Tuluyan siyang napadilat nang marinig ang boses nito. Di nga siya nananaginip. May kasama siya sa silid. Ibinuka niya ang palad at hinipan iyon. Nasindihan ang mga kandila sa paligid ng kama niya. Nang tuluyang magliwanag ay natagpuan niya si Cid na nakahiga sa tabi niya. "Anong ginagawa mo dito?"

"Gusto kong makita ka. Ibabalik na kita sa Tarragon."

"Hindi na ako babalik doon. Si Iris na ang pakasalan mo."

"Hindi si Iris ang prinsesa ko. Ikaw." Inilabas nito ang kuwintas ng Luha ng Hari at isinuot sa leeg niya. "At ikaw ang pakakasalan ko."

Nakadama siya ng lungkot. Nagbalik ito dahil siya ang pinili ng kuwintas. Hindi dahil mahal siya nito. "Umalis ka na, Cid. Hindi ako sasama sa iyo."

Humalukipkip ito at umupo sa ibabaw ng kama niya. "Kung di ka sasama sa akin, hindi ako aalis dito."

Itinulak niya ito. "Kapag nahuli ka ng mga kawal, gagawin ka nilang alipin."

"Mabuti iyon. Para di na ako aalis sa silid mo. Alipin mo ulit ako."

Nagpapadyak siya sa inis. Parang wala itong pakialam sa buhay nito. "Huwag ka ngang baliw, Cid. Kailangan ka ng Tarragon."

"Sabihin mo ulit sa akin iyan kapag ibinalik na ako ng mga kawal bilang alipin mo. Pero nasaan na nga ba ang mga kawal mo? Ang tagal naman." Bumaba ito sa kama. "Mabuti pa ako na lang ang hahanap sa kanila."

"Cid!" tawag niya dito nang lumabas ito sa silid niya.

"Bakit walang bantay dito?" tanong nito at nagpalinga-linga pa. "Ah, baka banda dito mayroon."

Pinigilan niya ang kamay nito. "Huwag diyan! Silid iyan ng Inang Reyna."

"Mabuti. Magpiprisinta na agad ako sa kanya bilang alipin mo."

Hinila niya ito. "Bumalik ka na sabi ng Tarragon? Ano ba?"

"Liatris, anong ingay ito?" tanong ni Reyna Salvia.

Walang takot na humarap si Cid dito. "Magandang gabi po, Mahal na Reyna," bati nito at magakang yumukod.

Nanlaki ang mata ni Reyna Salvia. "Pangahas! Mga kawal, hulihin siya!" 

Flame Flower #Wattys2019 CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon