Chapter 22

2.6K 83 1
                                    


MAY dalawampung kababaihan ang kasalukuyang nagsasanay sa ilalim ni Liatris. Balita niya ay dadami pa ang lalahok dahil na rin sa panghihikayat ni Parisse na isa sa mga estudyante niya. Pumalakpak siya. "Magaling!" Pangunahing galaw sa paghawak ng espada ang leksiyon nila sa araw na iyon. "Iyan muna ang pag-aaralan natin sa araw na ito. Sa isang araw na ulit tayo magkita-kita."

"Mauna na ako, Ate Liatris," sabi ni Parisse. "Babalik ako sa mundo ng tao ngayon. May birthday party ang kaibigan ko. Sa isang araw na ako babalik."

"Mag-iingat ka," sabi niya at hinalikan siya nito sa pisngi.

Nagpaalam na rin ang iba sa kanya. Sa tabi ng lawa sila ng nag-ensayo. Ngunit dala naman niya ang kabayo niya kaya makakabalik siya bago lumubog ang araw. Tinatanggal niya ang tali ng kabayo sa puno nang mapansin niya si Iris na nakatayo sa di kalayuan at nakatingin sa kanya.

"Nandito ka rin ba para mag-aral na lumaban?" tanong niya nang lapitan siya nito. "Tapos na ang pagsasanay para sa araw na ito. Bukas ka na lang bumalik."

"Abala ka pala sa pagiging prinsesa mo."

"Ginagawa ko lang ang tungkulin ko," aniya sa pormal na tono. Di binanggit sa kanya ni Cid na kasama nito si Iris. Kinalimutan na rin niya. Kung di pa nagpakita si Iris ay di na niya maalala.

"Alam ko na ngayon kung bakit ikaw ang pinili ng Luha ng Hari. Dahil isa kang magaling na pinuno. Maganda ang magagawa mo para sa Tarragon. Iyon ang sinabi ko kay Cid nang magkausap kami." Ngumiti ito. "Nakita mo kami, hindi ba? Hindi mo ba itatanong kung ano ang pinag-usapan namin?"

"Hindi ako interesado. Kailangan ko nang umalis," aniya at hinila ang kabayo palayo dito. Magsisilbing lason lang sa puso niya ang anumang sasabihin nito.

"Wala akong pakialam kung pakakasalan ka niya, Prinsesa Liatris. Kami ni Cid ang nagmamahalan. At wala kang magagawa doon."

Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ito. "At ano ang gusto mong gawin ko?"

"Gawin mo ang tungkulin mo bilang prinsesa at magiging Reyna ni Cid. Pero hinding-hindi mo makukuha ang puso ni Cid. Di ko hahadlangan ang kasal ninyo. Irerespeto ko ang tungkulin ni Cid sa Tarragon. Ang hihilingin ko lang ay hayaan mo siyang mahalin ako. Sa iyo ang trono pero sa akin ang puso niya."

"Naiintindihan ko," taas-noo niyang sabi at di ipinakita dito na sasaktan siya. Sumampa siya sa kabayo at mabilis iyong pinasibad palayo.

Ngayon ay maliwanag na sa kanya ang lugar niya sa buhay ni Cid. Siya nga ang prinsesa nito ngunit di siya nito matututunang mahalin. Kaya ba niyang manatili sa tabi nito habang alam niyang nasasaktan ito kapag magkasama sila?

At kaya bang tiisin ng nasasaktan niyang puso na hayaan itong magmahal ng iba habang ginagawa niya ang tungkulin bilang prinsesa nito? Kaya ba niyang maging palamuti lang sa buhay nito? 

Flame Flower #Wattys2019 CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon