NAG-INAT ng katawan si Razz matapos ang ginawa nilang reading ng script para sa stage play. Mabuti na lang at tapos na iyon dahil sa totoo lang, kumakalam na ang sikmura niya. Alas-otso y medya na pala ng gabi. Kaya pala nagre-reklamo na ang mga sundalo sa tiyan niya.
Matapos ang duty niya sa Dental Clinic ay agad na dumiretso sa barangay hall si Razz para tagpuin ang ibang cast ng stage play. Sa buong oras na naroon siya sa loob ng conference room, hindi niya alam kung paano niya natawid ng matiwasay ang reading na iyon. Bukod kasi sa presensiya ni Marvin na siyang dahilan kung bakit mabilis ang tibok ng puso niya. Madalas din niya itong nahuhuling nakatingin sa kanya. Pagkatapos ay bigla na lang siya nitong ngingitian o kaya naman ay kikindatan. Pabiro naman niya itong iniingusan o iniirapan. Pero hindi niyon binago ang nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Kahit na maayos at malinaw na sa kanilang dalawa ang nakaraan. Nananatili pa rin ang desisyon niyang iwasan ito. Alam niya kasing nasa alanganin na ang estado ng puso niya para dito. Nag-iingat lang siya.
Mabilis niyang inayos ang hawak niyang script at saka nagpaalam sa mga kasama, nang matapos na iyon.
"Doc, bakit nagmamadali ka yata?" tanong ng director nila.
"Uhm, ano...kasi, nagugutom na ako eh." Sagot niya. "Sige ha? Una na ako sa inyo."
Sinamantala niyang abala sa pakikipag-usap si Marvin sa isang opisyal ng Barangay na naka-duty ng gabing iyon. Naglalakad na siya pabalik ng Tanangco ng biglang may humawak sa kamay niya at hilahin siya. Pagtingin niya ay si Marvin. Tumatakbo ito kaya napatakbo din siya.
"Hoy ano ba! Bitiwan mo nga ako!" aniya, pilit pa niyang binabawi ang kamay niya.
"Bilis!" sigaw nito.
"Bakit ba tayo tumatakbo?" tanong niya, habang habol ang hininga.
"Nandiyan na 'yung aso ng barangay! Hinahabol tayo!!!" sigaw nito.
Ganoon na lang ang biglang panlalaki ng mata niya ng sa kanyang paglingon ay nakita niyang hinahabol nga sila ng aso, nagsisilbi itong isa mga mapagkakatiwalaang bantay ng barangay hall nila. Alam niyang mabait ito dahil turuan ito at hindi basta nangangagat. Pero gaya ng tao ay naaasar din kapag sadyang iniinis ito. At malamang, napagtripan na naman ni Marvin ang pobreng aso.
"Walanghiya ka Marvin! Inasar mo na naman si Putol! Pati ako dinamay mo!" sigaw niya dito habang hinahampas niya ng hawak niyang script ang braso nito. Ang tinutukoy niyang Putol ay ang aso, iyon ang ipinangalan dito dahil putol ang buntot nito.
Tumawa lang ng malakas si Marvin, habang patuloy sila sa pagtakbo. Hawak pa rin nito ang kamay niya.
"Ang sarap kasi n'yang asarin eh! Bilis! Baka abutan n'ya tayo" tumatawang wika nito.
Lalo niyang binilisan ang takbo ng marinig niyang kumakahol ito.
"Putol! Peace tayo!" sigaw pa niya sa humahabol sa kanila.
Pagdating nila ng Tanangco, mabilis silang naghanap ng mapagtataguan. Nang makita niya ang puno ng manga, mabilis siyang bumitaw sa kamay ni Marvin. Sa isang iglap, mabilis niyang naakyat ang puno, kasunod niya si Marvin. Agad na hinampas niya ito ng hawak niyang mga papel.
"Kahit kelan ka talaga Marvin! Pahamak ka!"
"Aray ko! Hindi naman nangangagat 'yang si Putol eh!" anito.
"Hindi nangangagat! Eh bakit nandito ka kasama ko! Sige, bumaba ka!"
"Ayoko nga!" mariing tanggi ni Marvin.
BINABASA MO ANG
Car Wash Boys Series 3: Marvin Ison
Romance"I'm in love with you from the start. And I'll be loving you 'till the end." Teaser: Razz has set her eyes on Marvin since high school. He was the campus most popular boy. Kulang na lamang ay tumalon ang puso niya palabas ng dibdib niya sa tuwing n...