Mythology - Mensis et Celicia

7 0 0
                                    

Maaari kayang mag-ibigan ang diyos at tao? Maaari kayang dahil sa isang pangako, isang kasal ang matitigil? O kaya, maaari kayang umibig ang isang nilalang sa unang pagkakita pa lamang? Kung papipiliin ka, anong pipiliin mo, buhay mo at mamamatay ang marami o buhay nila at ang kapalit ay ang iyong sarili?

Ito kwento ng dalawa sa pinakatanyag na diyos at diyosa ng Mitolohiya ng Zerova. Ang diyos at diyosa ng buwan—sina Mensis at Celicia.

....

Masiglang saliw ng musika at masayang mga halakhak ang namayani sa buong Alakitacia. Halimuyak ng puting rosas ang malalanghap sa hangin at makikitang napapalamutian ang mga kabahayan at kalsada ng puting balahibo ng ibong kilala sa tawag na Seiron.

Damang-dama ang kasiyahan alinmang sulok ng kaharian.

Maraming tao ang nagkalat sa lansangan. Suot-suot ng bawat isa ang pinakamarangya nilang mga kasuotan na napapalamutian din ng puting balahibo ng Seiron. Hindi rin mawawala ang makukulay na mga mamahaling bato at alahas na mga palamuti rin nila sa katawan.

Halos lahat ng mga babae ay may ornamentong pandisenyo sa buhok na gawa sa ginto at may nakalagay na balahibo ng ibon. Ang mga lalaki naman ay nakasuot ng kwintas na gawa sa pilak at napapalamutian rin ng balahibo ng ibon. Ang mga maliliit na kabataan naman ay nakasuot ng puti at tila mga anghel habang akay-akay ang maliit na basket na punong-puno ng mahalimuyak na puting mga rosas.

Magiliw ang mga tao saanmang sulok ng Alakitacia. Bukas ang pintuan ng kaharian sa maraming bisita na dumadayo pa mula sa mga karatig kaharian. Marami ang pagkaing nakahanda. Halos lahat ng mga kabahayan ay mga piging na pinagsasaluhan.

Ang engrandeng paghahandang ito ay dahil sa pagdiriwang ng Pista ng Buwan ng buong kaharian. Bagama't isang maliit na kaharian lamang, lahat ng mga tao sa Alakitacia ay debotado sa pagdiriwang ng mga minanang selebrasyon mula pa sa kanilang mga kanuno-nunuan.

Ang Pista ng Buwan ay iniaalay nila sa diyos nilang si Mensis, ang diyos ng buwan at ang tagapagbigay ng masaganang ani. Simbolo nya ang ibong Seiron at ang puting rosas. Ang pagdiriwang ay ginaganap tuwing unang araw ng buwan ng Vezra o mas kilala rin bilang buwan ng kabilugan ng buwan.

Sa selebrasyong ito, naghahanda ang mga tao ng marangyang salu-salo bawat pamilya. Pasasalamat nila ito sa kanilang diyos na nagbigay sa kanila ng masaganang ani sa nakalipas na buwan ng Ardhim, o buwan ng pag-ani. Nag-aalay rin sila ng sariwang mga prutas at gulay sa altar ni Mensis na makikita sa sentro ng kaharian.

Pinangungunahan ng hari ang pagdiriwang na ito. Kasama ang kanyang asawa at dalawang anak na babae, nangunguna sila sa pag-aalay ng sariwang ani mula mismo sa kanilang hardin.

Nakasanayan ito ng lahat sa loob ng mahabang panahon.

Ngunit, kumpara sa mga nagdaang Pista ng Buwan, ang pistang ito ay kakaiba. Kakaiba ito sa rason na, ito rin ang araw ng pag-iisang dibdib ng panganay na anak na babae ng hari at ng mapapangasawa nito. Ang mapapangasawa ng anak ng hari ay ang prinsepe ng Zhior, ang kahariang sagana sa mga mahuhusay na mga mandirigma.

Ganun lang ang saya ng mga tao sapagkat ang kanilang munting prinsesa ay makakapag-asawa na. Galak rin sila dahil hindi lang sa mabait kundi napaka-responsable rin ng susunod na hari ng kaharian. Ang pag-iisang dibdib ng prinsesa at ng prinsepe ang pangunahing topiko ng usapan ng lahat.

Ang kasalan ay magaganap sa sentro ng kaharian. Sa sentro ng kaharian kung saan makikita ang altar ng diyos na si Mensis. Dito karaniwan nilang ginaganap ang mga seremonya. Paniniwala nila, lahat ng mga pangako ay matutupad kung isinumpa ito sa harap ng banal na Mensis.

Napuno ng mga tao ang sentro. Lahat sabik na makita ang pag-iisang dibdib ng kanilang prinsesa. Halos lahat sa kaharian ay may matatamis na ngiti sa labi at may dalang mga regalo. Kahit mga bisita ay nakaabang at gusto ring makasaksi.

Tales of Time (Oneshot Story Compilation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon