Parable - Life Time

3 0 0
                                    

Si Merden ay isang batang mahilig umaksaya ng kanyang oras. Mapa-anong sitwasyon, ang paborito nyang mga salita ay: mamaya na, sandali, at may oras pa naman. Dahil sa gawi nyang ito, marami ang palaging nagpapaalala sa kanya.

Umpisa sa paggising: "Merden! Bangon na! Wag mong aksayahin ang oras mo!" Sa pagkain: "Merden! Wag mong aksayahin ang oras mo sa mga bagay na walang katuturan! Kumain ka na!" Sa pagpasok sa eskwela: "Merden, dalian mo na! Oras na ng eskwela!" Sa paggawa ng kanyang mga takdang aralin o proyekto: "Merden! Andyan ka naman at nag-aaksaya ng oras mo! Gawin mo na ang mga takdang-aralin mo!" At kahit sa pagtulog man: "Merden! Matulog ka na! Wag ka ng umaksaya pa ng oras mo sa walang kabuluhang mga bagay na yan!"

Pero kahit anong paalala ang gawin ng mga kasama nya sa bahay, eto palagi ang sagot nya: "Mamaya na Nay!" o "May oras pa naman Ate!"

Hindi nya manlang naisip na magbago at pinagpatuloy nalang ang masamang gawi.

Isang araw, nahuli sya sa isa nyang klaseng, isang matandang guro ang nagtuturo. Mga kinse minutos nang nag-umpisa ng ito, pero sya, kakarating pa lang nya. Dulot ng pagtakbo, humahangos syang tumigil sa pintuan.

"Paumanhin po Ma'am. Na-leyt po ako dahil tanghali na po ako nagising sa kakagawa ng project ko. Sorry po talaga..." saad nyang nakayuko pa at akap-akap ang ginawang proyekto.

Naiiling ang gurong pinapasok sya. Wala syang magawa kundi pagpasensyahan na lang ito. Pero dahil sa paulit-ulit na itong gawi ng bata, hindi na talaga ito makapagtiis. Nag-aalala sya sa maaaring maging bunga ng nakasanayang gawi nito. Naaawa sya sa bata.

Dahil sa mga dahilang ito, minabuti ng gurong mag-iwan na ng isang babala.

"Merden, hindi ko na mabilang kung nailang beses ka na nahuli sa klase ko." simula nito. Bakas ang pag-aalala at pangangaral sa mukha ng matandang guro. "Pero kung ako sa'yo mas mabuting pahalagahan mo ang oras mo. Bawat patak ng oras ay buhay, Merden. Ilang minuto lang ang sayangin mo at lahat ay maaaring mawala sa'yo. Hindi sa lahat ng sitwasyon, alam natin ang takbo tadhana, tandaan mong sadyang napaka-tuso nito. Pero pag ginamit lang natin ang ating oras sa tama, hindi tayo mapapahamak."

Wala mang naisagot si Merden sa babala ng gurong ito. Pero dahil nakasanayan na nya talagang mag-aksaya ng oras sa di importante bagay, pinagpatuloy nya ang gawi. "Matagal ko na itong ginagawa at wala namang masamang nangyayari sa'kin. Bakit ba ako mababahala? Isa pa, kasundo ko kaya ang oras." balewalang saad nya sa sarili.

Walang magawa ang mga taong labis-labis ang pagpapa-alala at pag-aalala sa kanya.

Dumating ang panahong lumisan sa kanilang bahay ang nakakatanda nyang kapatid na babae. Kasabay nun ang biglang pagkaroon rin ng malalang sakit ng kanyang ina. Dahil may trabaho na ang ama at bakasyon na rin naman, sya ang naatasang mangalaga dito.

Nung umpisa, dahil sa pag-aalala sa malalang sitwasyon ng ina, naging prioridad nya ito. Pero ng lumaon at nakita nyang unti-unti nang gumagaling mula sa kanyang sakit ang ina ay bumalik naman ang dating mapag-aksayang gawi nito. Sa panahong to, mas dumoble pa. Mas pinaglaanan nya ang napakaraming oras ang paboritong gawain kesa sa sariling ina.

Hanggang sa isang araw,

"Merden! Ubos na ang gamot ko. Maaari mo ba akong bilhan sa botika?" pasado alas-sais ng umaga nag-utos ang ina.

"Mamaya na 'Nay! Nasa pinakamagandang parte na po itong pinapanood ko." walang pakialam na sagot ni Merden. Pokus na pokus sya sa pinapanood na palabas.

"Sige, basta dalian mo ha?" tumango nalang si Merden habang ang ina ay bumalik sa kanyang ginagawa.

"Merden! Tanghali na! Nabili mo na ba ang pinapabili ko sa'yo?" baling ng ina sa anak na ngayo'y nakahilata sa sofa at nagbabasa naman ng isang makapal na aklat. Alas dose na ngayon ito ng katanghalian.

Balewalang hindi kumibo si Merden at pinagpatuloy lang pagbabasa. "Mamaya na 'Nay. Nakaka-thrill na po ng parte na to." isang nobela ang hawak-hawak nya't binabasa.

Napabuntong-hininga man pero pinagpasensyahan ng ina ang anak. Kung sya lang sana ang masusunod, gusto na nya sanang sya nalang ang bibili, pero dahil sa sakit nya, hindi sya maaaring maglakad ng napakalayo. Wala rin naman syang ibang utusan kundi ang nag-iisang kasama nya sa bahay-si Merden.

Ilang oras na ang lumipas, unti-unti nang nakaramdam ng panghihina ang ina ni Merden. Kahit medyo hirap na, naglakas syang lumakad patungo sa kinahihigaan ng anak na ngayo'y tulog na. Marahang ginising nya ang anak, "Mer-den a-anak, gu-mising k-ka mu-na dy-dyan." nahihirapang sambit nya habang hawak ang dibdib.

Naalimpungatan naman si Merden at nagmulat ng mata. Pero ng makita ang sitwasyon ng ina, ay agad itong nataranta't napaupo. "Nay! Nay! Ok lang po ba kayo?" dahil sa sobrang hina hindi na nakapagsalita ang ina at umiling na lang. Tumayo sya mula sa pagkaupo sa sofa at tinulungan ang inang makahiga ng komportable rito. Halatang nahihirapan na talaga ang ina.

"Sandali lang po 'Nay ah? Kukuha lang ako ng gamo- teka! Wala na pala kayong gamot!" inis syang napakamot ng ulo. Binalingan nya ang ina, "'Nay, dyan po muna kayo ha? Mabilis lang ako, bibili lang ako ng gamot nyo, okay?" isang tango naman ang sinagot ng ina.

Mabilis pa sa alas kwatrong kinuha ni Merden ang kanyang wallet at tumakbo patungong pinakamalapit na botika. Nung una, ang ina lang ang tanging nasa isip nya, pero ng mahagip ng mata nya ang isang magandang damit na naka-display sa isang shop ay napatigil sya. Naenganyo sya sa kariktang taglay nito.

Mga ilang minuto rin syang tumunganga doon bago mabalik sa reyalidad.

"Hala! Si Nanay!" iwinaksi nya ang magandang damit sa isip nya at mabilis na tumakbo sa botika. Ng makarating sya dito, agad nyang binili ang gamot at agad ring umuwi sa bahay nila. Agad nyang pinuntahan ang ina na syang nasa sofa parin, mukhang natutulog.

Yinugyog nya ito at ginising, "Nay! Nay! Gising na po! Gising na po kayo! Eto na pong gamot nyo!" pero kahit anong gawin nya hindi ito nagigising. Kapansin-pansin ang panglalamig nito ng hawakan ni Merden ang kamay nya. Nagsimula nang magsituluan ng mga luha nya. Hinigpitan nya ang hawak sa kamay ng ina. "Nay! Wag naman po kayong magbirong gan'to Nay! Please na po oh! Gumising kayo!"

Pero wala na syang nagawa, nawalan na ng buhay ang kanyang ina. At sa pinakamasakit na dahilan-dahil kanyang sariling kapabayaan.

Ng mga oras ding yun, labis-labis ang pagsisisi nya. Labis-labis ang lungkot ang sakit na nararamdaman nya. Sinisi nya ang oras, sinisi nya ang sarili. Ng panahong ding yun, bumalik sa kanya ang sinabi ng dati nyang guro, "Bawat patak ng oras ay buhay, Merden. Ilang minuto lang ang sayangin mo at lahat ay maaaring mawala sa'yo."

At doon na sya humagulgol at yinakap ang bangkay ng ina sabay paulit-ulit na usal ng mga salitang "paumanhin" at "patawad".

Tales of Time (Oneshot Story Compilation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon