PROLOGO

64 2 0
  • Dedicated kay To Almighty God
                                    

Taong 1814

 

            Alam kong nasa panganib kami kaya kailangan naming tumakbo at iligtas ang aming mga sarili. Napakadilim sa loob ng kakahuyan at halos wala na akong makita ngunit hindi ako pinaghihinaan ng loob dahil alam ko na hawak niya ang aking mga kamay. Magkasabay naming tinatahak ang isang walang kasiguraduhang landas kaya’t sa gitna ng isang mapanganib na gabi ay hindi ako nangangamba dahil alam kong kasama ko siya.

            Akala ko ay tuluyan na kaming nakalayo sa mga taong humahabol sa amin ngunit laking gulat ko nang aking marinig ang papalapit at papalakas pa nilang mga yabag at tinig. Hindi dapat kami huminto at kailangang bilisan pa namin ang pagtakbo sapagkat tiyak na kamatayan ang naghihintay sa amin oras na kami ay kanilang maabutan. Humigpit pang lalo ang aking kapit sa kaniyang kamay at naramdaman ko naman ang kaniyang pagtugon na nagbigay naman sa akin ng kapanatagan.

            Makalipas ang ilan pang oras ay pagod na pagod na ako at higit pang lalong bumibilis ang tibok ng aking puso kasabay ng unti-unting pagkakapos ng aking hininga. Nararamdam kong malapit nang bumigay ang aking mga tuhod ngunit patuloy pa rin sa pagtuligsa sa amin ang mga taong nais kumitil ng aming mga buhay. Hindi ko ito maaaring payagan ngunit hindi ko na talaga kaya ang pagod na bumabalot sa akin kasabay ng pagkirot ng sugat na nakuha ko mula sa pagtakas kanina. Nagdidilim na ang aking paningin dala na rin marahil ng maraming dugo na nawala sa akin sa pagtakas at pagtakbo.

            Dumudulas na ang pagkakahawak ko sa kanyang kamay at alam kong hindi ko na kaya pang tumakbo at tumakas. Lalong higit naman na hindi ko siya maaaring idamay sa ano mang mangyayari sa akin sa oras na maabutan ako kaya’t labag man sa aking kalooban ay isang napakabigat na desisyon ang aking ginawa, ang kusa kong pagbitaw sa kaniyang  kamay…

            Marahil hindi pa talaga ito ang oras pa sa amin…

            Marahil hindi pa napapanahon ang aming bawal na pagmamahalan…

            Marahil hindi pa sa ngayon…

            Ngunit alam ko, darating ang tamang oras, panahon at pagkakataon para sa aming dalawa...

Ipinapangako ko, hindi, isinusumpa ko na sa muling pagsibol ng ating pagmamahalan ay wala nang hahadlang pa sa ating dalawa…

 Pero sa ngayon, paalam, paalam muna aking pinakamamahal na Alessandro…

Isang malakas at mahabang sigaw mula sa kanya ang aking narinig bago ako tuluyang nawalan ng ulirat… 

Sa Mga Kamay ng OrasanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon