Kapitulo Isa: ANG SIMULA

63 2 0
                                    

Alas singko ng madaling araw

Kasalukuyang panahon

KRRRNNNNNGGGG….

Tunog ng orasan ang gumising sa akin mula sa isa na namang pamilyar na panaginip. Hindi, hindi pala isang panaginip kung hindi isang bangungot. Bangungot na paulit-ulit kong napapanaginipan simula noong ako ay bata pa. Malabo pa noon ang mga detalye ngunit ngayon ay malinaw na malinaw na at wari bang naroon talaga ako at totoong ito ay naranasan ko.

Nagsimulang luminaw ang lahat ng detalye ng aking bangungot noong ako ay matanggap bilang sekretarya sa isang malaking kumpanya ng pagawaan ng gamot, ang A.T. PHARMACEUTICALS CORPORATION, sa ilalim nang mismong may-ari at namamahala nito na si Mr. Alezander Lagdameo. Hindi ko alam kung anong mayroon sa kanya sapagkat unang kita ko pa lamang sa kanya ay para bang merong pwersa na nanghihila sa akin palapit sa kanya. Sigurado akong iyon ang unang beses na nakita ko siya ng personal ngunit bakit parang ang tagal ko na siyang kilala. Na para bang naroon lamang siya sa sulok ng aking isipan at naghihintay na mabuksan…

“ALTHEA ISABELLE GARCIA! Hindi mo ba alam kung anong oras na! Aba gumising ka na dahil kung hindi, bubuhusan na talaga kita ng malamig na malamig na tubig in five minutes!” nagulat ako sa lakas ng pagkatok sa pinto ng aking silid hindi sa lakas ng boses ng taong gumawa niyon. Sanay na ako sa kanyang tono sapagkat simula bata pa kami ay ganoon na talaga siya. Siya ang aking pinakamatalik na kaibigan, si Rhian Altamirano. Pinakamatalik na kaibigan sapagkat siya lamang naman talaga ang aking nag-iisang naging kaibigan kahit noong nasa bahay ampunan pa kami.

ISABELLE!”

“Nariyan na! Hindi mo na ako kailangang pumunta rito at buhusan ako ng malamig na malamig na tubig! Gising na gising na ako sa boses mo pa lang!” ganting sigaw ko sa kanya na mukha namang narinig niya sapagkat tumahimik na siya. Ganoon lang naman talaga ang ugali ni Rhian, sa una lang palaban ngunit kapag nasunod na siya ay mistula nang maamong tupa.

Bago pa kung saan-saan muli mapunta ang aking isipan ay minabuti ko nang maligo at mag-ayos ng aking sarili dahil sigurado ako na kapag hindi pa ako lumabas ng aking silid sa loob ng ilan pang minuto ay bubulabugin na naman ako ni Rhian.

Sa loob ng banyo ay naghilamos muna ako upang burahin kahit papaano ang alaala ng aking masamang panaginip. Sa pagtaas ng aking mukha ay napagmasdan kong muli ang aking sarili. Kulay tsokolate na mga mata na nakipagtitigan sa akin ang aking repleksyon sa salamin. Katamtamang tangos ng ilong at maninipis at natural na mapupulang mga labi.  Ang aking itim na itim na buhok na hanggang bewang ay medyo nakabuhaghag pa mula sa pagkakahiga. Sabi ng iba ay maganda raw ako, iyong tipong pang artistahin at pangmodelo dahil matangkad din naman daw ako. Ngunit hindi ko pinangarap man lang na maging artista o modelo dahil ayaw na ayaw ko ang magulong buhay.

Napakaputla ko para sa isang tropikal na bansa gaya ng Pilipinas. Alam kong purong Pilipino ako ngunit hindi ko maiwasang magtaka kung bakit ang aking kulay ay hindi kayumanggi kagaya ng isang natural na Pilipino ngunit sa halip ay napakaputi na para bang gatas ang aking balat kahit na magbabad man ako sa araw.

Minsan ay naitanong ko sa aking sarili kung ganito rin ba ang itsura ng aking ama o ng aking ina. Ngunit alam ko na hanggang katanungan na lamang iyon dahil kahit kailan man ay hindi na ito masasagot dahil matagal na silang wala. Lalo’t higit walang makakasagot na ibang tao sa tanong kong ito dahil ang taong nag-iwan sa akin sa ampunan na nagpakilala bilang kaibigan “daw” ng aking mga namatay na magulang ay naglaho na lamang na parang bula…

“ALTHEA ISABELLE GARCIA, tama na ang pag-iisip ng kung ano-anong malulungkot na bagay! Unang araw mo sa trabaho kaya dapat positibo ka buong araw! Huwag malungkot at maging masaya! Kaya mo ‘to, kaya ko ‘to!” pakikipag-usap at pagpapalakas ng loob ko sa aking sarili bago ko tuluyang buksan ang gripo at maligo.

Sa Mga Kamay ng OrasanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon