Chapter 1: Blind Side

77 9 2
                                    

"Obstacles don't have to stop you. If you run into a wall, don't turn around and give up. Figure out how to climb it, go through it, or work around it."

- Michael Jordan


Isang babaeng nasa edad na 15 ang nakatitig lamang sa mga matataas na gusali sa di kalayuan at sa likod nito ay ang papalubog na araw. Kasalukuyan siyang nakatayo sa tuktok ng mataas na crane at tila ba bangin na ang nasa ibaba dahil sa taas nito. Suot niya ang isang itim na joggers at tila running shoes. Suot niya rin ang t-shirt na kulay puti at lila kung saan naka-guhit pa ang ilang mga cartoon characters. Sa kanyang leeg ay nakapalibot ang isang telang pula na tila ginagawa niyang maskara. Sa kanyang siko at tuhod naman ay nakatali ang mga safety gears at sa kanyang mga kamay ay nakasuot ang isang pares ng gloves. Sa kanyang kanang kamay ay hawak niya naman ang isang puting ball cap. Itinaas niya ang kanyang kaliwang braso kung saan nakasuot ang isang itim na aparato na tila bracelet. Maya-maya pa ay lumabas na ang hologram screen sa bandang pulso nito. Naroon ang destinasyon ng kanyang pupuntahan, ang minuto kung saan kailangan siya'y naroon at ang litrato ng taong pagdadalhan niya. May pilat sa kanang mata pababa sa kanyang pisngi ang lalaking iyon na mayroon ding kalakihan. Matapang ang kanyang mukha at tila nalalagas na rin ang kanyang buhok. Nakalagay rin ang pangalan nito sa ilalim. 'Leonard Rekin'.

Matapos tingnan ang mga impormasyong iyon ay agad niyang pinindot ang start ng timer, ibinaba ang kanyang kaliwang braso at isinuot sa kanyang kaliwang tenga ang isang maliit na communicator. Isinuot niya na rin ang ball cap sa kanyang ulo, may kung anong kinuha sa bulsa at tinitigan iyon. Tila isang lumang disk ang kanyang hawak. Saglit siyang ngumiti at muling ipinasok sa kanyang bulsa ang maliit na bagay. Itinaas niya ang maskara sa kanyang bibig at walang pag-aalinlangang tumakbo pababa ng crane. Dama niya ang malamig na hangin na dumadampi sa kanyang mukha habang tumatakbo ng mabilis. Nang malapit na siya sa control room ng crane ay agad siyang tumalon patungo sa bubong nito. Saka siya muling tumalon sa roof top ng ginagawang katabing building. Di niya alintana ang pagitan ng bubong na iyon sa ginagawang building. Hindi siya nalula sa taas nito. Sunod niyang tinakbo nang mabilis ang dulo ng gusali upang maabot ang isa pang mas mababang gusali. Upang bawasan ang impact nito ay gumulong muna sya sa pagkabagsak upang muling makatayo at makatakbo. Nakita niya naman ang isa pang mas mababang gusali na may bukas na bintana. Tumalon siya, kinuha ang disk mula sa kanyang bulsa at itinaas iyon habang papasok siya sa bintana. Isang may kalakihang lalaki naman na tila teenager din ang nagwa-wall run sa itaas ng bintanang iyon. Kinuha niya ang disk at inilagay naman sa loob ng kanyang jacket.

"Nice drop Kelly!" wika niya sa communicator.

"Salamat!" sagot naman ng babae na patuloy na tumakbo sa loob ng gusali.

Kapansin-pansin ang kanang paa ng lalaking iyon. Habang sumisirko at tumatakbo sa bawat pader at parte ng bakal na kanyang madaanan. Tila artipisyal na paa na lamang ito. Makikita ang loob na parte nitong bakal na nababalutan na lamang ng tila malinaw na fiber glass. Suot niya ang isang maong na short at asul na jacket. Mayroon din siyang suot na mga gear at gloves. Nagtatatalon-talon sya at tila nagpapatintero sa dalawang gusali hanggang sa makaabot sya sa dulo nito. Pinadyak niya ang kanyang kanang paa na gawa sa bakal na tila naging spring upang makatalon siya ng mataas. Lumipad siya ng ilang segundo mula sa ere. Nakita niya sa ibaba ang napakaraming hover car at mga taong naglalakad. Tila napansin niya naman sa kanyang harapan ang tatlong maliliit na drone na patungo sa kanyang kinaroroonan.

"Lagot..." ang tangi niyang naibulong.

"May problema ba Max?" tanong naman ng isa pang boses ng bata sa communicator.

Inabot muna niya ang dulo ng gusali na kanyang binagsakan bago nagsalita at muling tumakbo.

"Alerto kayo. May mga paparating na bubuyog," sagot niya gamit ang kanyang malaking boses.

Equilibrium ChaseWhere stories live. Discover now