Chapter 3: Feel the Air

36 4 0
                                    

"Run when you can, walk if you have to, crawl if you must; just never give up."

- Dean Karnazes


Tila dismayado si Chase habang nakasandal sa labas ng isang niluluma nang gusali. Kitang-kita sa itaas ng gusaling iyon ang mga nagtataasan pang gusali sa malayo. Makukulay ang mga ito at napapaligiran pa ng mga hologram billboard. Halos hindi na magkasya ang mga billboard na iyon dahil sa pagkakadikit-dikit. Karamihan sa mga billbard ay nakasulat pa ang mga letrang chinese at tila ineengganyo ang kanilang mga mata ng mga magagandang babae na nagsisilbing pang-akit sa kung sino man ang titingin. Ang bawat gusali sa malayo ay tinatakpan ang tila delubyong lagay ng iba pang mga gusali sa gilid-gilid. Nilulumot at halos mawasak na ang mga gusali sa paligid, maging ang mga pader ay nababakbak na.


Sa pader na iyon nakasandal si Chase, tila bangin naman ang nasa ibaba ng kanyang inuupuan. Dinadama niya ang hangin sa paligid habang umiinom ng isang soda na nasa can. Liliparin ang kanyang puting buhok ngunit hahawiin niya lamang iyon gamit ang kanyang kamay habang tila walang paki ang kanyang emosyon.


Maaaninag naman sa loob ng kwartong iyon sa bintana sa kanyang gilid ang isang lalaki na may malaking katawan, may pilat sa kanang mata at paika-ika habang naglalakad patungo sa bintana.


"Siguro nga hindi pa ito ang tamang oras para sa kanila. Malayo-layo pa ang kailangan nilang tahakin," wika ng lalaki na nagngangalang Leonard Rekin.


Patay malisya naman si Chase. Tumingin lamang siya sa kanyang kanan kung saan naroon ang bintana. Muli siyang lumagok ng coke at inilapag iyon sa kanyang kaliwa.


"Hindi mo pa sila makakasama sa mga deliveries mo, Chase. Marami pa silang kailangang matutunan."


"Kung ganoon ay bakit mo pa sila kinupkop?" tanong ni Chase. Tila naging tahimik pagkatapos noon. Napabuntong hininga na lamang si Leonard at napatingin sa labas.


"Gaya ng dahilan ko noong kinupkop kita. Wala ka nang mauuwian. Wala na kayong pamilya. Dahil alam ko rin ang pakiramdam ng walang pamilya," sagot naman ng lalaki.


Naglaro naman sa isipan ni Chase ang kanyang nakaraan. Pasaglit-saglit, nakikita niya ang isang batang lalaki na pinagsisisipa lamang ng mga dayuhang tsino habang kumakalam ang sikmura. Napapikit siya at iniiwas ang tingin mula sa ilaw ng lungsod.


"Matagal na akong runner, alam mo 'yan Chase. Nakakalakad pa ako noon, naabutan mo kung gaano ako kapursigidong turuan ka. Iisa lang ang dahilan ko. Dahil ito lang ang buhay na mayroon tayo. Ako lang ang nabuhay sa mga kasamahan ko, ako lang ang natira. At ang kapalit noon ay ang aking kalayaan para tumakbo," kwento naman ng lalaki. Napaupo siya sa lumang upuan habang hinihimas ang kanyang kanang binti.


"Sana hindi mo na lang iyon ginawa," sambit ni Chase.


"Ang alin? Ang kupkopin ka? Haha. Hindi mo alam kung ano ang sinasabi mo."


"Matagal na naman akong patay..." sambit ni Chase.


"Oo. Pero natuto kang lumpad, natuto kang mabuhay, natuto kang tumakbo," sagot ni Leonard.

Equilibrium ChaseWhere stories live. Discover now