Chapter 4: Broken Wings

56 5 2
                                    

"To run away from trouble is a form of cowardice and, while it is true that the suicide braves death, he does it not for some noble object but to escape some ill."


- Aristotle


Nakatitig lamang ang batang si Chase sa mga taong nagkukumpulan sa ibaba. Nakakapit lamang siya sa isang bakal na tila kinakalawang na. Sa itaas ng gusali ay alanganin siyang nakatayo at nakasandal. Napalunok siya nang kaunti dahil ramdam niya na naman ang pagkauhaw at matinding gutom. Nakita niya ang ilang mga batang kagaya niya na tila tumatakbo palayo. Madudungis, nagugutom. Hindi nga naman iba ang mga batang iyon sa kanya. Kahit hindi siya nakikihalubilo ay alam niya ang pakiramdam ng mga batang iyon. Nagugutom, nauuhaw, walang matirahan. Sa mapusok na siyudad na ito ay hindi pwedeng magbagal, mabilis ang takbo nila. Hindi siya nagkamali. May mga humahabol nga sa mga batang iyon.


Agad siyang tumakbo patagilid at tila tumakbo sa pader upang abutin ang isang alulod na gawa sa bakal. Niyakap niya ang bakal na iyon at dumausdos siya pababa. Naglakad lamang siya nang mabilis, pinaalpas niya muna ang mga bata at nagtago sa kumpol ng mga tao. Matapos makalampas ay agad niyang hinarang ang kanyang paa upang patirin ang isang pulis na humahabol. Sa bilis ng kanyang pagtakbo at pagkakadapa ay gumulong-gulong naman ang pulis.


"Hoy! Tang ina kang bata ka!" sigaw ng isa pa. Ngumisi siya nang kaunti at saka nagpahabol sa iba pa.


"Habulin niyo!" sigaw ng isa pang pulis.


Isang sandwich na kakagatin pa lamang ng nakabili nito mula sa isang maliit na stand ang agad na hinablot ni Chase. Tumalon muna siya sa isang kararating lamang na hover car bago kumagat sa pagkain.


"Hoy! Akin 'yan!" sigaw ng lalaki.


Wala naman siyang nagawa. Humarang na sa kanya ang kotse matapos itong tungtungan ni Chase bago muling tumakbo. Umikot naman ang mga pulis at dali-daling tumakbo sa pinatunguhan ng bata.


"Dito bilis!" sigaw niya sa iba pang batang tumatakas sa loob ng eskinita.


Nagtungo naman doon ang halos lima pang maliliit na batang palaboy. Matapos makalagpas ay nagpakita naman si Chase sa mga pulis. Ngumisi pa siya nang kaunti at saka tumakbo taliwas sa dinaanan ng mga batang tumatakas.


"Doon!" sigaw ng isang pulis. Agad nilang pinitik ang kanilang mga electric rod at nagkislapan naman ang mga dulo nito.


Nagpatuloy ang halos apat na pulis na humahabol kay Chase. Nakakita siya ng bakal na nakausli paitaas. Isa iyong fire exit na ginagamit ng mga gusali. Agad niya iyong inakyat at saka lumundag sa balkonahe ng isang bahay.


"Hoy anong ginagawa mo dyan?!" sigaw ng isang babae na magsasampay na sana sa kanyang balkonahe.


Agad namang tumakbo si Chase at ipinadyak ang kanyang paa upang mas makaakyat pa. Nakaakyat nga siya sa isa pang mababang gusali, sa rooftop nito.


"Buwisit! Umakyat siya! Hanapin niyo!"


Equilibrium ChaseWhere stories live. Discover now