Nagising si Juan nang maramdaman niyang may tumamang matigas na bagay sa kanyang mukha. Dinilat niya ang kanyang mga mata at nakitang nagsisihulugan na ang bunga ng bayabas na kanyang hinihintay mahulog. Isa, dalawa, tatlo... hanggang sa lahat na ng bunga ay nahulog.
Tuwang-tuwa naman si Juan dahil kay tagal niya itong hinintay mahulog. Pumuti na nga ang kanyang mga buhok sa ulo kahihintay, at sawakas, heto na nga ang mga bayabas na kanyang inaasam-asam.
Maya-maya pa ay may nahulog ding buko sa di kalayuan. Mas lalong lumapad ang kanyang ngiti.
"Tingnan mo nga naman kung sineswerte ka nga naman talaga, pati n'yog ay nahulog," sinabi niya sa sarili nang may pailing-iling pa ng ulo habang nangingiti-ngiti.
Sumisipol-sipol pa siya habang pinulot ang mga bayabas na nahulog at nilalagay ito sa kanyang damit. Masayang-masaya si Juan... ngunit ang kasiyahan na iyon ay naglaho nang magsimulang yumanig ang lupa nang pagkalakas-lakas.
Napasimangot si Juan dahil nahulog ang lahat ng kanyang pinulot na mga bayabas. Pupulutin niya sana itong muli ngunit bumiyak na ang lupa at muntik na siyang mahulog. Nakakapit lamang ito.
Mas lalong lumakas ang pagyanig kaya't napabitaw na ito sa pagkapit at nahulog sa dulo ng walang hanggan. Habang nahuhulog ay naisip ni Juan na baka'y end of the world na, sayang naman at hindi niya pa natikman ang bayabas na kanyang inaasam-asam.