Dumating ang kanyang Ama galing sa trabaho. Nakita ni Lila na sinalubong ito ng kanyang Ina sa may pinto at hinalikan niya ito sa pisngi. Nakaramdam si Lila ng lungkot nang makitang masaya ang kanyang mga magulang. Hindi niya maipaliwanag.
Nasa hapagkainan na si Lila, hinihintay na makaupo na rin ang mga magulang upang makakain na sila.
Nagsimula silang kumain, una ay tahimik pa at maya-maya, ay nagsalita na rin ang Ama ni Lila.
"O, kumusta na anak? Kumusta ang skwela?" malambing nitong pagtatanong, na may kasamang ngiti sa mga labi. Lalo namang tumindi ang pagkalungkot ni Lila no'ng nakita niyang hinawakan ng kanyang Ina ang kanang kamay ng kanyang Ama habang nginingitian ito at nginunguya ang kinakain.
"Okay naman po ako, mabuti naman po ang pag-aaral ko," saad ni Lila na hindi pinapahalata ang pagkalungkot, nagpakita rin ito ng ngiti sa kanyang mga magulang.
"Mabuti naman kung gano'n anak, kumusta naman si Robert? Ang Papa mo?" sinabi nito ng kaswal.
"Wala po akong balita," saad ni Lila na may nagbabadyang mga luha sa kanyang mga mata at halatang pinipigilan niya lamang itong bumuhos.
"Excuse me po, punta lang po ako sa banyo." Tumayo si Lila at nagpunta sa banyo. Doon ay ibinuhos niya lahat ng luhang gustong lumabas mula sa kanyang mga mata. Na-mi-miss na niya ang kanyang tunay na Papa.