Ehersisyo

5 1 5
                                    

Entry 022 - 07/18/19
EHERSISYO

Buong araw nakatutok sa harap ng telebisyon.
Hindi mabaling ang atensyon mula sa screen ng cellphone.
Hindi ka pa ba magsasawa sa iyong pagtunganga?
Maghapon, magdamag ka nang tulala at nakahiga!

Aba, bumangon ka diyan mula sa higaan mo, iho!
Bakit hindi mo subukang magbanat-banat ng buto?
Sanayin ang katawan na palaging mag-ehersisyo
Upang gumanda at lumakas ang pangangatawan mo.

Huwag nang sumunod sa mga yapak ni Juan Tamad.
Bumangon ka at lumabas--ikaw ay maglakad-lakad.
Iunat ang 'yong likod, binti, braso, kamay, at palad
Bitawan na ang mga gadget--huwag pakupad-kupad.

Tumakbo, tumalon, at igalaw ang iyong katawan
Katamaran ay iwaksi mula sa iyong isipan.
Sumayaw-sayaw at gamitin mga kasu-kasuan
Nang mabatak naman ang natutulog mong kalamnan.

Kalusugan ay kayamanan, ayon sa kasabihan--
Kayamanang kahit kailan ay hindi mapapalitan.
Kaya huwag nang tumunganga, huwag ka nang mag-alangan
Unahin ang kalusugan nang wala kang pagsisihan.

Huwag nang hayaang umiral ang iyong katamaran
Yayain na ang pamilya, kakilala't kaibigan
Simulan na ang araw-araw na pag-eehersisyo
Upang lalong sumaya't maging maganda ang buhay mo.

A Loner's Random ThoughtsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon