NAGMAMADALING ibinaba ni Liz ang tangan na kahon sa tapat ng elevator bago sinagot ang nagri-ring na cellphone na nasa loob ng bulsa ng pantalon niya sa likod.
"Hello?" hinihingal niyang sagot, pagkuwa'y nilingon ang kaibigang si David na noo'y papasok na ng building habang hila ang isang maleta sa kanang kamay at hawak naman ang flower vase sa kaliwang kamay.
"Hello? Am I speaking with Ms. Elizabeth Reyes?" pormal na tanong ng nasa kabilang linya.
"Yes, this is she. Who's this?" tugon niya saka inginuso kay David na pindutin ang button ng elevator.
"Oh, hi, Ms. Reyes. I'm Jazmine Arevalo, HR Director of Bubblegum & Talents Company. I came across your CV and I would like to invite you for an interview," masiglang saad ng babae. Bagama't pormal ang tono nito ay ramdam niya ang gaan ng loob sa pakikipag-usap dito.
"Oh, of course!" nakangiting sagot niya.
Pinigilan niya si David sa pagpasok sa kabubukas pa lamang na elevator saka niya ito sinenyasan na hintayin siyang matapos sa pakikipag-usap sa telepono. Minuwestrahan niya ang kaibigan na pumunta muna sa gilid habang mataman niyang pinapakinggan ang iba pang detalye ng appointment niya para sa job interview.
Pagkababa niya ng telepono, malapad na ngiti ang ipinukol niya kay David na matamang nakatingin sa kanya.
"That's the third one, right?" paniniguro nito.
Muli nitong pinindot ang button ng elevator at nang magbukas iyon ay ginamit ang paa para ipasok ang nasa lapag na kahon na ibinaba niya kanina.
"Yeah," sagot niya saka sumunod dito sa pagpasok sa elevator. "With my age, ang hirap na talagang maghanap ng trabaho rito sa Pilipinas," aniya saka bumuntong-hininga at pinindot ang 7th floor.
Mabuti na lang talaga at nagpasa siya ng resume niya online bago siya umuwi ng Pilipinas. At least, maghihintay na lang siya ng mga tawag mula sa mga kumpanyang pinagpasahan niya.
Itinirik ni David ang mga mata bago siya tinaasan ng kilay habang paakyat ang elevator.
"Bakit ka kasi nag-resign na babae ka? Ang ganda-ganda ng work mo sa Dubai, eh!" sermon nito.
Nagtatampo kasi ito sa kanya dahil itinaon niyang nasa recruitment drive sa India ang lalaki nang magpasa siya ng resignation with immediate effect at umalis ng UAE makaraan ang dalawang araw. Ni hindi siya nag-serve ng notice period na ipinakiusap niya sa boss niya. Hindi rin nito ipina-cancel ang residency niya sa UAE para just in case gusto niyang bumalik sa loob ng anim na buwan ay maaari siyang bumalik without going through new visa processing and medical again.
Katakut-takot na sermon ang ibinigay ni David sa kanya nang malaman nito ang ginawa niyang pagbibitiw ngunit wala na rin itong nagawa dahil alam naman nito ang sitwasyon niya.
Nauna lang siya rito ng isang linggo ng pagdating sa Pilipinas dahil nagkaroon pa ito ng recruitment drive sa Nepal at Bhutan bago dumiretso sa Pilipinas para naman sa recruitment drive nito na gaganapin sa Makati at Davao.
"You knew the reason why, David. Kailangan kong asikasuhin ang mga naiwan ng magulang ko bago tuluyang makamkam ng mga gahaman kong kamag-anak. I don't even know when the case will be over kung sakaling mag-file ako ng kaso. Isa pa, mas okay na rin iyon kaysa bumalik pa ako roon at makita na naman ang manyak na si Henry!" nakabusangot niyang wika patungkol sa Sales Director ng dating hotel na pinagtatrabahuhan niya.
"You should have gone for a long vacation instead," pairap nitong tugon saka ngumuso.
She gave him a sweet grin then said, "As if."