MALUHA-LUHA si Janna habang nakatunghay sa natutulog na anak. Sa lahat yata ng mga nanay na naroroon ngayon sa Holy Mother And Child Church, siya ang pinaka-excited. Daig pa niya ang siya ang primary involved.
Ni hindi siya nakatulog ng mahimbing kagabi dahil sa araw na iyon, gayong kung tutuusin--bibinyagan lang naman si Jianina. Hindi ikakasal.
"Ma'am," kalabit ng baklang organizer kay Janna. "Malapit na hong matapos ang misa. Mag-ready na po tayo. Magsisimula na ang binyag any moment."
Nakangiting tinanguan niya ang nagsalita. "Sige, salamat. Maghahanda na kami. Tawagin ko lang ang mga kasama ko."
Tumayo si Janna. Sa gawing West Wing exit siya nagtungo. Nasa labas kasi naghihintay ang mga kasama niya--maging ang kanyang asawa. Puno na kasi sa loob ng simbahan ng mga nagsisimba.
"Magsisimula na raw ang binyag," anunsiyo niya kaagad pagkakita sa umpukan ng mga ninong at ninang ni Jianina. "Sa loob na tayo maghintay."
"Mauna na kayo sa loob," ani Jose, ang kanyang asawa. "Sasalubungin ko lang sa labas 'yung isang kasama ko sa pabrika. Kinuha ko ring ninong ni Jianina."
"Siya, sige. Basta bilisan mo lang, ha. Tandaan mo, kailangan ka sa loob," aniya rito saka nagpatiuna nang pumasok pabalik sa loob ng simbahan.
Nagsisitayuan na ang ibang mga nagsisimba nang makapasok sila. Tapos na ang misa. Magsisimula na ang binyag.
Ilang sandali na lang, magiging ganap na ring katoliko ang mahal niyang si Jianina. Parang ibig na naman tuloy niyang maluha. Parang milestone na rin iyon ng kanyang anak.
"Okay ka lang, 'te?" untag sa kanya ni Lala. Kapatid niya ito, na kinuha niya ring ninang.
"Ang bilis ng panahon. Parang kailan lang, kakaanak ko lang kay Jianina. Pero ngayon, papabinyagan na siya. Bukas makalawa, ikakasal na siya.."
Bahagyang natawa si Lala. "OA mo 'te. Kasal agad? Magko-communion pa 'yan."
"Bebe, huwag kang gagaya rito sa tita-ninang mo, ha. 'Wag kang magmadali mag-asawa. Hindi 'yun contest, okay?" pagkausap niya sa sanggol na para bang naiintindihan siya nito, habang masuyong nakayuko rito.
"Ay, grabe siya." komento ni Lala, sabay hila sa kanya papunta sa bandang gilid ng altar.
Pagdating nila roon, nagkukumpol na rin doon ang ibang magpapabinyag.
"Hala, ang daming ka-batch ni Jianina," ani Lala. Pumwesto ito sa likuran niya. "Nandito rin kaya ang magiging ka-meant-to-be niya?"
Tumaas ang kaliwang kilay ni Janna. Kapagkuwan ay iginala ang paningin sa paligid. Lampas sampu rin yata ang mga sanggol na bibinyagan. Aligaga lahat ng nanay. Hindi magkamayaw naman ang mga ninong at ninang kung saan tatayo. Gayong may baklang organizer naman sa harap na panay ang bilin kung ano ang dapat gawin. At nagsimula na itong magtawag sa pangalan ng mga sanggol. Pero dahil sa dami nila roon, kinain na ng ingay ang boses ng host, ni hindi nakatulong ang gamit nitong mikropono.
"Apacible, Jianina!" malakas na tawag ng baklang organizer.
"Present! Present!" sigaw ni Lala, hinila siya patungo sa unahang pew. Alphabetical order yata ang magiging sistema sa upuan. At dahil nagsisimula sa 'A' ang apelyido nila kaya mauuna sila sa pwestuhan.
Napangiti si Janna. Mabuti na lang. Nang sa gayon, mauuna si Jianina na mabibinyagan. At titiyakin niyang mauuna itong makalabas ng simbahan mamaya pagkatapos ng binyag. Swerte raw kasi iyon.
Itatakbo niya pa ito kung kinakailangan.
Nang may mahagip ang kanyang mga mata. Naroon, sa kabilang pew, nakatayo ang isang lalaki. Hindi masabi ni Janna kung kadarating lang nito o kanina pa ito naroroon. Ang nakakuha ng kanyang pansin ay ang paraan ng pagkakatingin nito sa kanya. Nanunuot. Nangingilala.
BINABASA MO ANG
A Writer's Misprint
FantasyMatinding mental block ang tumama sa Romance writer na si Jianina. Ang hirap kasi ng estoryang nakatoka sa kanya. Ang tema, historical romance! Paano niya bibigyan ng hustisya ang magiging hero niya kung ni wala siyang ideya sa hitsura at OOTD ng mg...