"HINDI ka ba nababagot rito sa panahon ko?"
Mula sa pagmamasid sa malinaw na tubig sa Ilog ng San Idelfonso, nabaling ang tingin ni Jianina sa nagsalitang si Lucas.
Matipid niya itong nginitian. "Bakit naman ako mababagot? Nariyan ka naman lagi para kausapin ako. O kaya ipinapasyal mo ako. Kagaya ngayon."
Kasalukuyan silang nasa pamosong ilog ng San Idelfonso nang hapong iyon. Kilala iyon sa buong bayan ng Quezon dahil sa linis at linaw ng tubig. Mayroon ring tulay na nagsilbing pantalan, sa gilid niyoy may isang maliit na bangkang nakatali roon. Habang kuntento naman silang nakaupo ni Lucas sa ilalim ng punong Mahogany.
"Pero may mga pagkakataon pa rin na naiiwan kang mag-isa sa bahay kung hindi man sa kubo. Tiyak kong sa mga sandaling napag-iisa ka'y wala kang ibang hinihiling kundi ang makabalik na sa panahon mo, tama ba?" hinuha ni Lucas.
Bumuntong-hininga si Jianina. "Sa totoo lang, lagi kong naiiisip si Mama. Paniguradong nag-aalala na iyon."
Maging si Lucas ay napabuntong-hininga rin. "Kung batid ko lamang sana kung paano ka matutulungan upang makabalik sa inyo, disinsana'y ginawa ko na. Patawarin mo ako, Jianina."
"Huy, ano ka ba. 'Di mo naman kasalanan 'to 'no?" pang-aalo niya rito. "Sa kagagahan ko 'to kaya napadpad ako rito."
"Para sa iyo'y isang kahibangang matatawag ang nadarama mo?"
"Ha?" hindi makuha ni Jianina ang ibig nitong sabihin.
"Ang iyong damdamin. Hindi ba't iyon ang nagdala sa iyo sa panahong ito?" paglilinaw ni Lucas.
Ramdam niya ang biglang pamumula ng kanyang mukha. May idea ba si Lucas na crush nga niya ito noon pa mang unang kita niya ng larawan nito? Eh! Nakakahiya!
"Huy, hindi, ah!" mariing tanggi ni Jianina. "Talagang marunong lang akong magpahalaga ng buhay."
Tumango-tango si Lucas. "Tama."
"Ikaw ba, alam mo na ang kahalagahan ng buhay ngayon?" balik-tanong niya rito.
Nagbaling ang binata ng tingin sa tubig. "Noon pa ma'y alam ko nang talaga."
"Kung alam mo na talaga, ba't nagpakamatay ka? Ano 'yun? Trip mo lang sumunod kay Mariquit?"
"Bakit nga ba?" balik-tanong sa kanya ng binata. "Hindi mo ba inalam ang sanhi ng kamatayan ko? At palaisipan rin nga pala sa akin kung kanino mo nalamang ang tungkol sa estorya ng buhay ko.. May mga kamag-anak pa ba akong umabot sa panahon mo?"
"Si Yaya Cecilia, siya 'yung nagsabi sa akin," pagkukwento ni Jianina. "Ang sabi niya'y dalagita pa man siya ay naninilbihan na siya sa pamilya ninyo kaya alam niya halos ang naging buhay mo."
Napangiti si Lucas. "Si Cecilia? Hindi kapani-paniwala. Masaya ako't nabuhay pala siya ng napakahabang panahon."
"Ikaw rin kaya," udyok ni Jianina. "Gayahin mo si Manang Cecilia. Mabuhay ka rin ng matagal.."
Hindi tumugon si Lucas kaya nabahala siya. Bakit no comment ito sa sinabi niya? May suicidal thoughts na ba ito?
Kinalabit niya ang braso nito. "Uy. Natahimik ka na?"
"May iniisip lang." matipid nitong tugon.
"Ano naman 'yun?"
Umiling si Lucas. "Saka mo na lamang ulit itanong sa akin ang tungkol doon kapag batid mo nang talaga ang iyong dahilan sa iyong pagparito." Kapagkuwan ay tumayo na ang binata at nagpagpag ng likuran. "Dumadapit hapon na. Mabuti pang umuwi na tayo bago pa man magsiuwian ang mga trabahador sa hacienda." Yakag ni Lucas, sabay abot sa kanya ng kamay nito. "Tayo na, Jianina."
BINABASA MO ANG
A Writer's Misprint
FantasyMatinding mental block ang tumama sa Romance writer na si Jianina. Ang hirap kasi ng estoryang nakatoka sa kanya. Ang tema, historical romance! Paano niya bibigyan ng hustisya ang magiging hero niya kung ni wala siyang ideya sa hitsura at OOTD ng mg...