Ikalimang Kabanata

88 6 0
                                    


"Don Lucas? Don Lucas, gumising na ho kayo." Malakas na tawag ng kung sino na sinabayan pa ng sunod-sunod na pagkalampag ng pinto. "Don Lucas!"

Unti-unting nagmulat ng mga mata si Lucas. Kaagad pa niyang naisangga ang braso mula sa sikat ng araw na tumatama sa kanyang mukha. Nakakalusot kasi sa loob ang liwanag mula sa siwang ng kawayang dinding ng kanyang kubo.

Kanyang kubo?

Napabalikwas siya ng bangon.

Hindi kaagad siya nakahuma sa napagtanto. Nasa loob siya ng kubo at wala sa kanyang bahay!

Mariin niyang inalala ang mga pangyayari kagabi...

"Binibini! Huminto ka muna sandali! Mag-usap tayo!" tawag ni Lucas kay Jianina. Pero tila wala man lang itong naririnig. Sige pa rin ito sa paglalakad. Ang kanyang tubo sa gitna ng taniman ang tinutumbok nito.

"Hindi. Ayos lang ako. Bumalik ka na sa bahay mo!" nakasigaw ring tugon nito nang hindi lumilingon.

"Binibini! Delikado sa iyong mag-isang maglakad! Baka may masamang-loob kang makasalubong sa daan. Pagsasamantalahan ka tiyak, lalo pa't ganyan ang iyong bihis!" Pananakot niya rito. Kung sana lang, makinig ito sa kanya.

"Eh, ano naman sa 'yo?" anito, kagyat siyang nilingon at pinameywangan. Pero muli ring ipinagpatuloy ang paglalakad.

Walang nagawa si Lucas kundi ang umagapay na lamang rito sa paglalakad. Sana lang ay walang makapansin sa kanila, kundi tiyak na siya ang magiging laman ng usapan bukas sa buong hacienda, kundi man sa buong bayan.

Nang sapitin na nila ang kubo ay siya na ang nagprisintang magbukas ng pinto para kay Jianina. Pero ni hindi man lang iyon pinansin ng dalaga at tuloy-tuloy lang ito sa pagpasok sa loob.

"Okay na ako rito. Pwede mo na akong iwan," anito kapagkuwan. Umakyat na ito sa dalawang baitang na kawayang hagdan at sumalampak sa papag. Nahiga ito at namaluktot. Nakatalikod sa kanya.

Kaagad siyang dinunggol ng hindi maipaliwanag na damdamin. Kung awa iyon o ano, hindi na niya inisip pa. Sa halip ay hinayaan na muna niya ito. Tumuloy siya sa kanugnog na paminggalan at sumalok ng isang basong tubig sa banga. Nang matapos uminom ay muli niyang binalikan si Jianina at sumilip.

Nakita niyang nakauna na ito sa sariling braso bagaman tahimik pa rin sa pagkakahiga.

Nakapagdesisyon siyang sundan ito upang kausapin. Tahimik na pumanhik si Lucas.

"Binibini.." mahinang untag niya rito.

Hindi ito natinag.

Napabuntong-hininga si Lucas. "Sige, kung ang nais mo talaga ay ang mabantayan ako, pagbibigyan kita."

Hindi pa rin ito umimik.

Nagpatuloy si Lucas. "Kibuin mo na ako. Hindi ba't ang sabi ko'y pumapayag na ako?"

Nang hindi pa rin ito kumibo ay sinilip niya ang mukha nito. Saka lang niya nalaman na nakatulog na ito. Malamang ay dahil sa pagkahapo. Malayo-layo rin kasi ang kubo mula sa bahay niya.

Kaawa-awang dilag.

Muling pumanaog si Lucas upang maghanap ng maaaring ibalabal sa katawan ni Jianina. Kahit naman panandalian siyang nagpatangay sa panunukso nito ay isa pa rin siyang maginoo, mula ulo hanggang paa. Kung kaya nararapat lamang na takpan niya ang nakakabighaning alindog nito upang hindi na siya muli pang madarang sa tukso.

Pero tunay nga sigurong mapaglaro ang tadhana. Kung kailan pa mandin may panauhin siya roon sa kubo, saka pa niya naalalang pinalabhan nga pala niya kay Aling Sayong ang kanyang mga kumo't unan, maging ang kurtina roon kaninang umaga. Ano ngayon ang ipangkukumot niya kay Jianina? Hindi rin naman siya pwedeng umuwi pa ng mansyon upang doon na kumuha ng mga kakailanganin niya, baka mapaano pa si Jianina kung sakaling iwan niya itong mag-isa roon sa kubo, lalo pa't mahimbing ang tulog nito.

A Writer's MisprintTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon