"HUWAG na huwag mo nang uulitin iyong bigla mo na lamang pagkawala noong unang gabing magkasama tayo sa kubo. Hindi na kita nasilayan kinabukasan noon. Alam mo bang labis akong nag-aalala noon sa iyo?" pag-alala ni Lucas habang patuloy ang ginagawang maingat na pagsagwan.
Nasa ilog na naman sila ng San Idelfonso. Nag-aya kasi ang binata na mamangka raw sila nang araw na iyon.
"Pasensya ka na, Lucas. Ano kasi.." hindi malaman ni Jianina kung paano ang gagawing pagngiwi.
Nagising siya na ihing-ihi. Wala naman siyang mahanap na palikuran sa paligid. Kaya ang ginawa niya, sumuot sa gitna ng taniman at doon sinagot ang tawag ng kalikasan. Iyon nga lang, naaliw na siya sa pagmamasid sa bukang-liwayway kaya natagalan siyang makabalik sa kubo. At nang makabalik naman siya, wala na si Lucas. Noon niya naalalang araw nga pala iyon ng kasal nito kaya malamang, nasa simbahan na ang lalaki.
Kaya naman, pumuslit na lang siya sa bahay ni Lucas at doon ito hinintay.
"Hindi bale na," salo ng binata sa pagkabalisa ni Jianina. "Basta't ang sa akin lamang, sa susunod ay magpaalam ka na. Nang sa gayon, hindi ako mag-aalala ng labis."
Napangiti siya. "Naiintindihan ko."
"Bukas nga pala'y magtutungo tayo sa kilalang modesta sa Bayan. Hindi naman pupwedeng iyang mga nahiram kong lumang kasuotan ni Mariquit ang iyong gagamitin sa iyong pananatili rito. Kakailanganin mo na ng mga bagong kasuotan. Nang sa gayon, maipakilala na kita sa aking mga magulang.."
Hindi makasagot si Jianina. Siya, ipapakilala na ni Lucas sa mga magulang nito? Parang nakakakaba na nakaka-excite. Pero ayos na rin siguro ang plano ng binata. Kaysa naman araw-araw na lang niyang naiisip na suot-suot niya ang mga dating damit ni Mariquit noong nabubuhay pa ito. Ka-stress kayang magsuot ng damit ng namayapa na.
Aba, iyon rin ang naging outfit niya sa loob ng isang linggong mahigit na pananatili niya sa panahon iyon.
"Tingin mo, magugustuhan kaya nila ako? Ni hindi nila kilala ang pamilyang pinagmulan ko." pagsasatinig ni Jianina sa kanyang agam-agam.
"Hindi mapili ang aking mga magulang, Jianina. At kung sino man ang babaeng aking mamahalin, nakakatiyak akong tatanggapin at mamahalin rin nila," anito, saka siya nginitian ng matamis. "Idagdag pa na ikaw ay nagtataglay ng angking kariktan. Sinong hindi mahuhumaling sa iyong ganda, mahal ko?"
Napaingos si Jianina. "Bolero ka rin, eh 'no?"
"Nagsasabi lamang ako ng totoo.."
Akmang sasagot pa sana si Jianina nang bigla siyang matigilan. Binalot siya ng kakaibang kaba nang tila gumaan ang ulo niya. Kasabay niyon ay ang hindi maipaliwanag na pagkahilo. Mahigpit siyang napakapit kay Lucas. Natigil naman ito sa ginagawang pagsagwan. Nahinto sila sa gitna ng ilog.
"Bakit? Anong nangyari sa iyo, mahal ko?" nag-aalalang tanong ng binata.
"N-Nahihilo ako.."
"Kumapit ka lamang sa akin--" Natigil si Lucas sa pagsasalita. Napamata lang sa kanya.
"Bakit?" aniya, sapo ang ulo.
"N-Naglalaho ka.."
Niyuko ni Jianina ang sarili. Tama si Lucas. Unti-unti ngang humahalo sa hangin ang ibang bahagi ng kanyang katawan! Para siyang hinahatak ng kung anong enerhiya paalis sa panahong iyon.
"H-Hindi! Huwag ngayon." hindi magkamayaw si Lucas kung saan siya hahawakan.
Pilit namang inaabot ni Jianina ang binata. Pero lumulusot lamang ang mga kamay niya. Hanggang sa unti-unti nang nanlabo ang kanyang paningin. Pero bago man siya tuluyang lamunin ng dilim ay narinig pa niya ang sinabi ni Lucas.
BINABASA MO ANG
A Writer's Misprint
FantasyMatinding mental block ang tumama sa Romance writer na si Jianina. Ang hirap kasi ng estoryang nakatoka sa kanya. Ang tema, historical romance! Paano niya bibigyan ng hustisya ang magiging hero niya kung ni wala siyang ideya sa hitsura at OOTD ng mg...