ANG bintanang capiz sa ikalawang palapag ang unang nakakuha ng pansin ni Jianina pagkaibis niya sa sinasakyang taxi. Nakabukas kasi iyon. Masuyong nililipad ng hangin ang kulay rosas na kurtina. Hindi niya napigil ang pagngiti. Mukhang tama si Miss Julie, mai-enjoy niya ang bakasyong iyon. Malalayo siya sa magulong mundo sa Maynila. Makakapag-relax siya, for sure.
Umihip ang isang malamig na hangin. May biglang dumapo sa bandang noo ni Jianina. Nang tingnan niya, isang dahon iyon mula sa Acacia. Nalaglag marahil nang humangin. Tuloy, napatingala siya sa puno. Mayabong iyon. Malilim. Bagaman mapaghahatalang ilang taon na iyong nakatayo roon. Mababakas na ang ilang bagyong sumubok sa katatagan niyon.
Sa loob ng bakod nakatanim ang puno pero dahil sa laki niyon, umabot na maging sa kalsada ang halos kalahati ng lilim at mga sanga niyon. Naglakad si Jianina sa may gilid niyon, nanungaw sa hanggang dibdib lang na bakod.
"Tao po!" tawag niya sa loob. "Hello?"
Wala siyang narinig na tugon. Kung kaya nagkusa na siyang pumasok. Bisita naman siya ni Miss Julie, hindi naman siguro panti-trespass ang gagawin niya. Tinulak niya ang gate. Bumukas iyon. Tuluyan na siyang pumasok sa loob at iginala ang paningin sa paligid.
Sa gawing kanan ng bahay, naroon ang may kalakihang fish pond. Lumapit roon si Jianina para lang madismaya. Wala nang lamang isda ang fish pond. Halatang matagal na rin iyong hindi na ginagamit. Tuyo na ang lumot sa paligid. Wala nang lamang tubig.
Maging ang bermuda grass na nakalatag sa malawak na bakuran, tila napabayaan na rin. Ni hindi na pantay ang tabas ng mga damo. May mangilan-ngilan na rin ang natutuyo na at nagsimula nang maging kulay brown. Sabagay, ang alam niya, matagal nang sa Maynila naninirahan sina Miss Julie at ang pamilya nito. Habang ang mag-asawang katiwala naman ng bahay ay parehong matatanda na.
"Magandang hapon, ineng," bati ng tinig mula sa likuran ni Jianina.
Gulat siyang napalingon. "K-Kayo po pala, manang. Ginulat 'nyo naman po ako."
"Ikaw ba iyong sinasabi ni Ma'am Julie na kaibigan niyang mula Maynila?"
Kaagad niyang inilahad ang kamay sa matanda. "Ako po si Jianina. Nice to meet you po."
"Ako naman si Cecilia. Kami ng asawa kong si Kadyo ang mga katiwala nitong bahay," pakilala rin nito. "Pasensya ka na't hindi kita makakamayan, ineng. Marumi kasi ang palad ko't galing ako sa pagsisiga sa likod-bahay."
"Naku, okay lang po, manang."
"Paano? Tayo na sa loob at nang maipaghanda kita ng meryenda." Yakag sa kanya ng matanda.
Nagpatiuna na itong pumasok sa loob ng kabahayan. Tahimik na nakasunod lang siya rito. Kaagad na lumikha ng tunog ang takong ng kanyang sapatos pagkatuntong niya sa salas ng bahay. Gawa kasi sa kahoy ang sahig. Mapula. Makintab.
Iginiya siya ni Manang Cecilia sa kalapit na sofa set. May mahabang upuan roon at dalawang single seater. Sa gawing harapan ng mga upuan, naroon ang mahaba at lumang lalagyan ng TV na ginawa na ring divider patungo sa komedor. Sa ibabaw niyon, naka-display ang iba't ibang rebulto ng mga santo. Sa itaas naman, may mga hanging cabinet na kita na rin niya kung ano ang mga laman--mga lumang newspaper at papel--dahil sa sira-sira nang mga pintuan.
Lumapit roon si Jianina. Binuksan niya ang tila kahon na lalagyan ng TV. Tumambad sa kanya ang malaki at lumang telebisyon. Nasa gilid niyon ang pihitin. Inaagiw na.
"Mag-meryenda ka muna, ineng," tawag sa kanya ni Manang Cecilia.
Bumalik si Jianina sa upuan. "Salamat ho, manang."
BINABASA MO ANG
A Writer's Misprint
FantasyMatinding mental block ang tumama sa Romance writer na si Jianina. Ang hirap kasi ng estoryang nakatoka sa kanya. Ang tema, historical romance! Paano niya bibigyan ng hustisya ang magiging hero niya kung ni wala siyang ideya sa hitsura at OOTD ng mg...