Sa wakas, bakasyon na!
Ito ang laging pinakaaabangan ni Roselda o Eda kung tawagin ng kanyang mga kaibigan. Masayahin at palatawa. Laging nakangiti at mapagbiro. Magaslaw ngunit pino kung kumilos. Matulungin sa kapwa at palakaibigan. Subalit ang unang bagay na mapapansin mo sa kanya ay ang kulay ng kanyang balat. Siya ay morena, na bumagay naman sa kanyang ganda. Ang kanyang buhok na lagpas ng balikat ay kakatuwa sapakat mamula-mula na ito, tanda nang kakabilad niya sa ilalim ng araw. Madalas ay makikita mo siyang nagtatampisaw sa tabing-dagat, kung hindi man ay naliligo.
Ngayong araw, hindi maikubli ni Eda ang kasabikan. Unang araw ng bakasyon, ibig sabihin mayroon siyang buong maghapon para ipamalagi sa dalampasigan. Hindi na siya makapag-antay. Kanina pa nangangati ang kanyang mga paa, parang nararamdaman niya ang kiliti ng buhangin sa kanyang talampakan. Madaming bagay ang naglalaro sa kanyang isip, pero isa lang ang nangingibaw sa mga ito. Mamumulot siya ng mga kabibe na gagamitin niya upang igawa ng dekorasyon.
“Eda, anak,” narinig niyang tawag sa kanya.
“Mang, baket po?”
“Halika ka muna dito.”
“Saglit po.”
Maingat na tiniklop ni Roselda ang aklat na kanina pa niya binabasa, Shells & Crafts by Matilda Pipin, at ipinatong ito sa kaisa-isang lamesita sa kanyang munting kwarto. Hiniram niya ito sa public library doon sa bayan at ilang araw na rin niya itong binabasa.
Nang siya ay lumabas ng silid, nag-aabang si Mamang sa kanya. Mayroon siyang hawak na basket at natitiyak niyang mga pagkain ang laman niyon.
“Maari bang ihatid mo muna ito sa iyong Papang. Nasisiguro kong nagugutom na iyon,” anang matanda kay Roselda.
“Ako na ang bahala, Mang,” nakangiting tugon niya sabay abot ng basket saka nagpaalam upang umalis na.
--------
Tirik na tirik ang haring araw sa bughaw na kalangitan. Walang ano mang ulap ang masisilayan subalit hindi ito alintana ni Roselda habang binabagtas niya ang daan patungo sa kanyang Papang. Katunayan, gustong-gusto niyang nararamdaman ang paghalik ng sinag nito sa kanyang balat.
“Pang!” tawag niya sa matandang lalaki na nakaupo sa isang putol na kahoy, nakalatag sa kandungan nito ang lambat na ilang araw na nitong kinukumpuni. “Mananghalian ka muna.”
Napalingon ang matanda. “Eda, anak. Kanina pa kita inaantay.”
Inilapag ni Roselda ang dalang basket sa tabi nito. Initigil naman ng matanda ang ginagawa upang simulan na ang pagkain.
“Pang?” malambing na wika ni Roselda.
Nahinto sa pagsandok ng pagkain ang matanda. “Eda, alam ko na ang sasabihin mo. Sige na, lumakad ka na. Pero huwag kang magpapagabi, at huwag kang tutungo doon sa ...”
“May batuhan. Baka ma-engkanto ka.” Dugtong ni Roselda na ginaya pa ang boses ng kanyang Papang. “Alam ko po Papang.” Nangingiti niyang sabi.
“Sige na, ang bilin ko ha, huwag kalimutan.” Anang Papang nito.
Natutuwang nagpaalam si Roselda at tinungo ang dako ng dalampasigan.
Naglalakad nang nakapaa si Roselda habang dahan-dahang nilalakbay ang mapuputing buhangin sa dalampasigan. Ang kanyang mga mata ay matamang nakatitig sa bawat bahagi na kanyang naaapakan. Kapagkuwan ay yuyuko ito at dadamputin ang kabibeng kanyang matatagpuan at ilalagay ito sa sisidlang lambat na nakasabit sa kanyang baywang.
Sa gayun ay puno na ng kagalakan ang musmos na puso ni Roselda.
Takip-silim na nang mapansin niya na mabigat na ang kanyang sisidlan. Madami na rin ang kanyang napulot na kabibe at batotoy. Subalit mayroon siyang napuna. Nasa bukana siya ng batuhang pinagbabawal pasukin ng mga matatanda sa kanilang lugar. Ang kwento nila, lagusan daw ito papunta sa pook ng mga engkato. Pero hindi naniniwala si Roselda sa mga engkanto. Kathang isip lamang sila. Kasangkapan para takutin ang mga batang kagaya niya. Nilingon niya ang kanyang pinanggalingan at napangiti. Papasok siya sa batuhan.
Wala namang makakakita sa akin, katwiran niya.
Dahan-dahan siyang lumakad sa pagitan ng dalawang malalaking bato na nagsisilbing pultahan at tumigil nang malagpasan niya ang mga ito. Hinihintay niyang ma-engkanto siya gaya ng mga sabi-sabi. Subalit wala namang nangyari, kaya tuluy-tuloy siyang lumakad pasulong.
Namangha siya nang madako sa looban ng batuhan. Napakaganda ng tanawin dito. Kitang-kita mula sa kanyang kinatatayuan ang unti-unting paglubog ng araw sa kanluran, dahilan upang magmistulang pinaghalong kahel at pula ang langit sa dakong iyon.
“Nakakabighani.” Nausal ni Roselda sa sarili.
“Tama ka,” anang isang boses.
Nahintakutan si Roselda. “Sino yan, me tao ba dito?”
Isang halakhak ang kanyang narinig sa di kalayuan. “Pakiusap, binibini. Huwag kang matakot. Ibig ko lang pagmasdan ang tanawin."
“Asan ka, ba’t hindi ka magpakita sa akin?”
“Narito ako sa batuhan, halika rito, samahan mo ako sa pagmamasid,” tugon ng tinig sa kanya.
Napakurap si Roselda, isang malapad na bato ang naroon sa kanyang harapan. Marahil ay doon nagmumula ang boses. Umakyat siya rito at nagulat sa kanyang nakita.
Isang binata ang doo’y nakaupo. Subalit hindi ito isang pangkaraniwang binata. Sapagkat ang katawan nito pababa ay yaong kawangis ng mga isda. Isa itong sireno…
BINABASA MO ANG
KALISKIS (Munting Handog - Book 1)
AdventureSimula na ng bakasyon. Ito ang panahon na pinakahihintay ni Roselda. Magagawi na naman siya sa dalampasigan upang mamulot ng kabibe at batotoy. Subalit nang bakasyong iyon, higit pa sa kabibe at batotoy ang kanyang natagpuan. Nakipagkaibigan siya sa...