"Managat?" pabulong na turan ni Roselda. "Kailangan ko nang umuwi."
Nilingon siya ng sireno. Madilim na sa paligid ng batuhan. At tuluyan nang lumubog ang haring araw. Ang langit na kanina ay naniningkad na pula ngayon ay kulay indigo na.
"Sandali lang binibini," awat ni Managat sa tumatayong dalaga. Dumukot ito sa kanyang supot ng isang perlas at iniabot ito sa dalaga. "Isang handog."
"Nakakahiya naman sa iyo."
"Pakiusap, tanggapin mo na." wika ng sireno. "At sana ay manatiling lihim ang pagtatagpong ito?"
Tumango ang dalaga, at nahihiya man ay tinanggap niya ang perlas mula sa sireno at patakbo nitong nilisan ang batuhan.
Sinundan ng tingin ni Managat ang dalaga hanggang sa hindi na niya ito matanaw. Tama nga ang kanyang inakala. Busilak ang puso nito at mali ang turo sa kanya ng kanyang amain. Lihim niyang dinalangin sa Bathala na sana ay magtagpo ulit ang kanilang landas.
Isang tao, nakakita siya ng tao sa malapitan. At nakausap pa niya ito. Lalong tumindi ang pagkamangha niya sa mga tao. At Eda, ito ang pangalan ng binibini. Ang unang tao na kanyang nakasalamuha sa ibabaw.
Mapapadalas ang pagdalaw ko sa batuhang ito, sa isip ni Managat. Matapos nito ay tumalikod na siya at lumangoy papalayo. Kailangan na din niyang umuwi. Natitiyak niyang hinahanap na siya ng kanyang amain.
Malayo pa lang ay tanaw na ni Managat ang trinsera papasok sa kanilang kaharian. Ang lagusan ay isang malawak na butas na tumatagos hanggang sa kabilang dulo at natatakpan ng malalago at malalapad na uri ng lumot. Ang paligid at kahabaan ng lagusan ay naliliwanagan ng mga korales, anemona at iba't ibang uri ng mga halamang-dagat na mistulang nagsisilbing ilaw sa kadiliman ng lagusan.
Subalit tila wala ang mga bantay sa lagusan. Nakapagtataka.
Nang marating ng sireno ang dulo ay tumambad sa kanya ang isang malawak na kapatagan na punong-puno ng samo't saring lamang-dagat. Mga isdang iba't ibang hugis, kulay, uri at laki ang lumalangoy ng pulu-pulutong o mag-isa. Sa lapag ay naroon ang iba't ibang uri ng mga bagay na gumagapang; mga alimasag na may malalaki at maliliit na mga panipit, mga hipong dambuhala at mumunti na sobrang liksi, mga suso, kuhol at punglo na makukulay na nagkalat sa paligid.
Syempre naroon ang mga kauri niyang sireno at sirena, matatanda at mga bata, na labas-masok sa mga tambak na papilipit ang hugis; karamihan sa mga ito ay gawa sa buhanging himulma gamit ang isang espesyal na laway ng susong ligaw at nababalutan ng makakapal na korales at mga halamang-dagat, at ang bawat tambak ay mayroong mga butas na nagsisilbing dungawan. Ang mga ito ay kanilang tahanan.
Sa di kalayuan, matatanaw ang malabundok na hugis ng Palasyo na mistulang kumukuti-kutitap sa mga ilaw na dulot ng mga halamang-dagat at mga bukas na dungawan sa paligid nito. Matatanaw din ang apat na matatayog na mga tore sa apat na sulok ng Palasyo. Isa itong kahanga-hangang tanawin lalo pa't nangingislap-ngislap ito sa malayo.
Noon din ay nakaramdam siya ng kakaiba at isang sikdo ang naramdaman sa buong paligid. Tila tumigil saglit ang lahat at napansin niya ang kapwa sireno at sirena na mabilis na lumangoy sa dako ng Palasyo. Maging ang mga isda at yaong mga gumagapang ay mabilis na tinungo ang pinagmulan ng sikdo.
Nang mga sandaling iyon, alam ni Managat na mayroong mali. At mabilis siyang lumangoy sa direksyon ng Palasyo.
BINABASA MO ANG
KALISKIS (Munting Handog - Book 1)
AdventureSimula na ng bakasyon. Ito ang panahon na pinakahihintay ni Roselda. Magagawi na naman siya sa dalampasigan upang mamulot ng kabibe at batotoy. Subalit nang bakasyong iyon, higit pa sa kabibe at batotoy ang kanyang natagpuan. Nakipagkaibigan siya sa...