2: Hiyas at Mga Perlas

13.1K 437 32
                                    

"Isa kang..." nautal na sabi ni Roselda.

"Sireno." Dugtong ng binata.

Natigilan si Roselda habang nakatingin sa binatang nakaupo sa batuhan. Siya ba ay namamalik-mata? Baka na-engkanto na siya. Lalo siya nahintakutan sa naisip. Totoo nga ang sabi ng mga matatanda sa kanilang nayon. Mayroong engkanto sa lugar na ito.

Muli niyang pinagmasdan ang anyo ng binata. Hindi naman ito mukhang nakakatakot. Ang totoo'y maamo ang mukha nitong nakatitig sa kanya. Ang buhok nito'y kulay kaki at nangatuwid sa ilang mga bahagi. Wala siyang nakikitang taenga sa magkabilang gilid ng ulo nito, sa halip mga hiwa ng hasang ang naroroon. Ang balat nito ay kayumanggi subalit sa dulo ng balikat at malaking bahagi ng likod nito ay mayroong mga batik-batik na mistulang nagliliwanag sa dumudilim na paligid. Subalit ang nakapukaw ng kanyang pansin ay ang buntot nitong nakababad sa mahinahong tubig. Sa liwanag ng papalubog na araw, waring ito'y nangingislap. Pawang kahel ang kulay nito at ang magkabilang tagiliran ay naguguhitan ng dilaw at puti. Ngunit hindi lang iyon. Kakatuwa ang mga kamay nito. Tulad nang sa mga bebe ay nadudugtungan ng manipis na balat ang pagitan ng mga daliri nito.

"Paumanhin, ngunit nagagambala yata kita." Narinig niyang sabi ng sireno kabasay ang paglusong nito sa tubig.

"Sandali, huwag ka munang umalis!" Hiyaw ni Roselda. "Pakiusap, dito ka muna."

Sa isip ng dalaga, namutawi ang daan-daang katanungan. Isang totoong sireno ang kanyang natagpuan. Sa mga aklat lang niya nababasa ang ganitong uri ng nilalang. At madalas, kathang-isip lamang kung sila ay ituring. Pero heto at nakakausap niya ito. Na-engkanto man o hindi, ang isang ito ay tunay na laman at dugo.

Nahinto ang sireno sa paglangoy at napatingin sa kanya. Isang ngiti ang nakaguhit sa maninipis nitong mga labi.

"Ang pangalan ko ay Eda, ikaw?" Anang dalaga na naupo sa batuhan kung saan kanina ay naroon ang sireno.

"Managat," tugon ng sireno. "Managat ang tawag sa akin."

"Ikinagagalak kitang makilala," tugon ni Roselda. "Bakit ka naririto, hindi ba't nasa pusod ng dagat ang tahanan mo?"

"Ako'y namamasyal lamang." Sagot ni Managat. "Sa tuwing ako'y nagkakaroon ng pagkakataong makatakas sa mga bantay, dito ako nagkukubli."

"Bantay?" natanong ni Roselda.

"Ipinagbabawal sa amin ang puma-ibabaw. Ayon sa aming batas, kailanman ay hindi maaaring malaman ng mga mortal na kami'y nabubuhay." Paliwanag ni Managat.

"Pero nakita kita," mariing sabi ni Roselda, may pag-aalala na kalakip sa kanyang tinig. "Ibig sabihin nabali mo ang batas."

Ngumiti si Managat sa kanya. Kakatuwang pagmasdan ang mga mata nito. Ito'y kulay abuhin.

"Pinili kong huwag sundin ang batas," turan ng sireno na lumapit ng bahagya sa dalaga. "Isang bagay na alam kong makapagbibigay ng lubos na kagalakan sa aking puso."

"Isa kang batugan," natatawang sabi ni Roselda.

Nagtatakang nakatingin si Managat sa kanya. Mistulang nahiwagaan ito sa kanyang pagtawa. "Ikaw, bakit ang isang binibining katulad mo ay naririto?"

Napangiti si Roselda. Napakagalang namang na isdang ito, sa isip niya. "Ako'y namumulot ng mga kabibe at batotoy na gagawin kong palamuti sa bahay."

Muling nagtaka ang sireno. "Paumanhin ngunit hindi kita nauunawaan."

Ipinakita ni Roselda ang sisidlang yari sa lambat na napupuno ng mga kabibe at batotoy. Noon lang nagliwanag ang isip ng sireno.

"Ah, nangangalap ka," tugon ni Managat. "Ako man ay nangangalap din ng mga perlas." Dumukot siya sa isang maliit na supot na nakasabit sa kanyang tagiliran at noon lang din napansin ni Roselda. "Heto.."

Nanlaki ang mga mata ng dalaga. Ngayon lang siya nakakita ng perlas sa malapitan. Mula sa nakabukang palad ng sireno ay naroon ang iba't ibang laki at hugis ng mga ito. Sa kanilang nayon, ang sinumang makakatagpo ng kahit kapirasong perlas ay isa nang malaking pakinabang, pero heto siya't nakatitig sa isang kumpol ng makikintab na mga perlas.

"Hindi ba't ang ririkit nila?" turan ng sireno.

Tumango si Roselda at napansin ang batong nakasabit sa leeg ng sireno. Bilugan ang hugis nito at waring isang namuong patak ng luha. "Perlas din ba iyan?" sabay turo ng daliri sa leeg nito.

Napahawak sa suot na kwentas si Managat. "Hindi. Ito ay isang hiyas. Bigay sa akin ng aking yumaong ina. Suot-suot ko ito lagi bilang kanyang alaala." May lungkot sa himig ng sireno.

"Sorry," sambit ng dalaga. "Hindi ko sinasadyang ipaalala sa iyo."

Ngunit natahimik na ang sireno. Nakatanaw ito sa malayo. Sa dako kung saan unti-unting nang naglalaho ang huling liwanag ng haring araw. Hindi na rin nagsalita ang dalaga bilang pakikiramay. At namayani ang katahimikan sa bahaging iyon ng batuhan.

KALISKIS (Munting Handog - Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon