Tahimik na sumunod si Managat sa kanyang ama, nilagpasan nila ang mahabang pasilyo na nagsisilbing bulwagan ng Palasyo, paakyat sa paikot na hagdanan patungo sa silid ng Punong Maayo.
Huminto ang manggagamot na Maalam sa harap ng paarkong bukasan na tanging maninipis at malalapad na uri ng lumot ang panakluban. Sa paligid nito ay mayroong tumutubong mga spongha na namumukadkad ng maliliit at mapuputing bulaklak na tila sumasayaw sa agos ng mahinahong tubig.
Kapansin-pansin ang katamlayan ng manggagamot nang hawiin nito ang panakluban upang sila ay pumasok. Doon, sa gitna ng silid ay natanaw ni Managat ang kahabag-habag na anyo ng Punong Maayo. Nakahimlay ang katawan nitong hindi gumagalaw sa isang napakalaking punglo. Ang mahaba at olandes nitong buhok ay nakabuhaghag ang ayos. Ang maputi nitong balat ay mistulang nawalan ng buhay. At ang mala-rosas nitong buntot na naguguhitan ng puti at pilak sa tagiliran ay nawalan ng sigla.
Mabigat ang puso na lumapit si Managat sa tabi ng nahihimlay na Punong Maayo. Hindi siya makapaniwala na ang kanilang masayahin at masiglang pinuno ay may malubhang karamdaman.
Lumuhod siya sa gilid ng punglo at hinagilap ang kamay ng Punong Maayo. Malamig ito sa pakiramdam. Tila ba tinakasan na ito ng buhay. Subalit nakikita niyang umaangat at bumababa ang dibdib nito, isang hudyat na ito’y humihinga pa.
“Ama, pakiusap, sabihin mo naman ang nangyari.”
“Patawad, anak. Subalit ikinalulungkot kong sabihin na wala na tayong magagawa.” Umiling-iling ang Manggagamot.
“Paano mo nasasabi iyan?” may lungkot na turan ni Managat. “Ikaw ang pinakadalubhasang manggagamot dito sa Lalawod. Natitiyak kong mayroon kang magagawa!”
“Hindi mo nauunawaan, anak.” Lumapit si Maalam at napahawak sa balikat ng anak. “Walang lunas ang karamdamang dumapo sa mahal na Punong Maayo. Ito ang dahilan kung bakit mahigpit kong ipinagdarasal sa Bathala na nawa’y walang sinuman ang muling dadapuan ng karamdamang ito. ”
“Hindi ako naniniwala, ama. Ang lahat ay may lunas. Hindi ba’t iyan ang sabi ninyo?” Hinagkan ni Managat ang kamay ng Punong Maayo. “Pakiusap, gumawa ka ng paraan ama.”
Gayun na lang ang kalungkutang nararamdaman ni Managat sa nangyari sapagka’t sobrang napalapit ang Punog Maayo sa kanya. Ito ay isang butihing kaibigan, guro, at ina. Noong siya ay maliit pa lamang, ito ang kanyang kalaro at tagapagturo ng maraming bagay. Ito din ang nagtapat sa kanya na siya ay isang hamak na ulila. Na si Maalam, ang dakilang manggagamot ay kinupkop siya bilang isang tunay na anak. Na siya ay natagpuan sa malayong katimugan ng Lalawod noong itlog pa lamang. Lubhang nasasaktan ang kanyang damdamin.
Naramdaman ni Managat ang marahang pagpisil ng manggagamot na si Maalam sa kanyang balikat. “Anak, ikinalulungkot ko. Subalit makinig kang maiigi sa aking sasabihin. Ibabahagi ko sa iyo ang isang alamat na isinalaysay pa sa akin ng dakilang manggagamot na aking guro na siya namang isinalaysay sa kanya ng kanyang dakilang guro at ng guro na nauna pa kanya.”
Noong unang panahon, si Maguayan, ang Anito ng Karagatan ay nagmamasid sa daigdig matapos na ito ay lubugin ng Dakilang Baha. Siya ay nakatayo sa ibabaw ng tubig at pinagmamasdan ang paligid nang kanyang mapansin ang isang dambuhalang isda. Sa likod nito ay buhat-buhat ang katawan ng isang mortal. Dinala niya ito sa dalampasigan.
Dahil sa kabutihang nasaksihan ng Anito, ang dambuhalang isda ay binigyan ng gantimpala. Ito ay binigyan niya ng anyong mortal samantalang ang kalahati ng katawan nito ay nanatiling anyong isda. Siya ang naging kauna-unahang sirena. Tinawag siyang Daragat ng dakilang Anito. At magbuhat noon, lagi nang kasa-kasama ni Maguayan si Daragat.
Lumipas ang panahon at nanirahan si Daragat sa kaharian ni Maguayan sa ilalim ng karagatan. Namuhay sila ng payapa. Subalit ang puso ni Daragat ay laging umaasa na muli niyang masisilayan ang mortal na kanyang sinagip mula sa Dakilang Baha.
Isang gabi, napagpasyahan ni Daragat na mamasyal sa ibabaw upang pagmasdan ang kabilugan ng buwan. Doon, sa ibabaw ng nag-iisang batong nakausli, naupo ang sirena at magiliw na pinagmasdan ang pag-angat ng buwan sa madilim na kalangitan habang kumakanta ng isang malamyos na awitin. Siya ay sobrang nabibighani sa taglay na kariktan nito at kung minsan ay nagtataka kung saan nagmumula ang liwanag nito.
Lingid sa kanyang kaalaman, isang mortal ang sa kanya ay nagmamasid sa kalayuan.
Makalipas nang gabing iyon, hindi na muling natagpuan pa si Daragat. Walang nakababatid kung ano ang nangyari sa kanya.
Lubos na ikinalungkot ni Maguayan ang nangyari. Walang araw at gabi na hindi siya nasasabik na muling masilayan ang marilag nitong mukha at kahali-halinang tinig sapagkat ito ay napamahal na sa kanya.
Lumipas pa ang panahon at ang dakilang Anito ng Karagatan ay dinapuan ng kakaibang karamdaman na kung tawagin ng mga anito ay Dalit-Kamingawan. Unti-unti, ang katawan niya ay naglaho. At dahil siya ay isang imortal, tanging ang kanyang diwa ang natira.
Isang araw, nabalitaang si Daragat ay nagbalik. Subalit nang dalawin niya ang pinakamamahal niyang Maguayan, nabatid niyang ito ay isa nang Hilagyo. Wagas na nalumbay ang sirena sa nalaman. Lubos itong nagsisi sa kanyang mga nagawa. At bago pa man sunduin ang Hilagyo ni Maguayan papuntang Sulad, sila ay nagkausap. Humingi ng kapatawaran si Daragat sa kanyang anito, na malugod namang tinanggap ni Maguayan. Subalit isang atas ang pinakiusap sa kanya ng Anito ng Karagatan. Bilang kanyang kahalili, si Daragat ang magsisilbing tagapamahala sa kanyang mga maiiwan. Binasbasan siya ng Dakilang Anito at pagkatapos niyon ay nagpaalam na upang tunguhin ang kanyang huling hantungan.
Nangako si Daragat na habang siya ay nabubuhay, mananatiling masagana at payapa ang buong karagatan.
“At iyon nga ang nangyari,” pagtatapos ng Manggagamot. “Ito din ang dahilan kung bakit sa tuwing kabilugan ng buwan ang Punong Maayo ay kailangang pumaibabaw upang hadugan ng awitin ng pagpupugay ang Dakilang Anito ng Karagatan bilang paggugunita sa kanyang alaala.”
Muli niyang pinisil ang balikat ni Managat at tuluyan nang lumabas ng silid.
Naiwan ang binatang sireno na lalong hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ng Punong Maayo. Ganoon ba talaga ka-makapangyarihan ang karamdamang ito? Ano ba talaga ang talinhagang tinatanglay ng Dalit-Kamingawan at wala itong lunas? Kailangang tuklasin ko ang lunas para dito, naisip ni Managat. Hindi niya maaring pahintulutang mangyari sa Punong Maayo ang nangyari sa Anito ng Karagatan.
BINABASA MO ANG
KALISKIS (Munting Handog - Book 1)
AdventureSimula na ng bakasyon. Ito ang panahon na pinakahihintay ni Roselda. Magagawi na naman siya sa dalampasigan upang mamulot ng kabibe at batotoy. Subalit nang bakasyong iyon, higit pa sa kabibe at batotoy ang kanyang natagpuan. Nakipagkaibigan siya sa...