Underneath The Sun

150 25 52
                                    

Nang pumatak ang Marso sa kalendaryo, magsisimula na ring uminit ang mga araw na sakop nito.

Inaakay ko ang aking bisekleta patungo sa bahay nina Bella labing apat na kabahayan ang agwat mula sa amin.

Palagi akong gumigising nang maaga at naglalaan ng sapat na oras para maghintay sa tapat ng bahay nila nang sa ganoon ay sabay na kaming papasok sa eskwelahan.

Iisa lang ang paaralang pinapasukan namin. Walong taon na kaming magkakilala ni Bella at masasabi ko na isa siya sa pinaka matatalik kong kaibigan.

Nang makarating na ako sa tapat ng bahay nila, ang susunod kong gagawin ay ang hintayin siyang lumabas.

Nakita ko ang pagbukas ng gate ng bahay nila at nakangiti akong sasalubungin si Bella.

"Magandang– uh... m-magandang umaga po tita Anne..." hindi si Bella ang lumabas sa gate. "Papasok po ba si Bella?" Muli kong sambit na malapad ang ngiti at singkit ang mga mata.

Nakasuot ng corporate attire si tita Anne, ang mama ni Bella. Mukhang papasok na ito sa opisina.

"Naku hijo, mukhang matatagalan pa si Bella at may inaasikaso pa siya sa loob. Mauna ka na sa eskwelahan at baka mahuli ka pa sa klase ninyo."

"Sige po tita, hihintayin ko nalang po siya."

"Sigurado ka ba?"

"Opo." Nakangiti kong tugon.

Halos naghintay ako ng kalahating oras sa tapat ng bahay nila. Ipinarada ko muna sa tabi ang bisekleta at umupo sa bakanteng bench malapit sa kanila.

Muling bumukas ang gate nila at lumabas doon si Bella na nagmamadali habang bitbit ang mga libro pati na ang kanyang bag. Nakasuot siya ng uniporme namin sa eskwelahan at paldang lampas tuhod. Balot ang mga kamay niya ng mga bracelet at noon pa man alam kong paborito niya ang magsuot ng ganoon.

"Hinintay mo pa talaga ako? Dapat nauna ka na. Na-late ka tuloy nang dahil sa akin."

Lumapit ako sa kanya at tinulungan sa mga librong muntik nang mahulog sa kanyang mga bisig.

"Ayos lang. Ikaw lang naman itong palagi akong pinaghihintay. Pero okay lang, sanay na ako sa iyo." Pabiro kong giit.

Wala na kaming magagawa at late na talaga kami. Pasado alas otso na ng umaga.

"Ikaw ang lalaking kilala kong pinaka-korni. Tumigil ka nga!" Nakatanggap ako ng ismid mula sa kanya.

Inilagay ko ang mga librong bitbit niya sa basket na nakalagay sa unahan ng aking bisekleta. Gulo pa ang buhok niya at halatang sinuklay ng mabilisan.

Inayos ko ang buhok na nakasayad sa kanyang mukha at inilagay iyon sa likod ng kanyang tainga.

Napapangiti nalang ako sa tuwing makikita siyang ganoon. Marami nang nagbago sa kanya. Maganda na siya noon, mas gumanda pa siya ngayon.

Nagsimula na siyang umangkas at inalalayan ko siya sa pagkakaupo.

"Ready ka na?" Tanong ko at agad naman siyang tumango.

Habang nagmamaneho ako, naramdaman ko ang mga braso niyang mahigpit na pumulupot sa baywang ko para kumapit dahil dadaan na kami sa pinaka-mabakong kalsada patungo sa aming eskwelahan.

Napapangisi ako kapag ginagawa niya iyon. Hindi ko alam pero bumibilis ang tibok ng puso ko roon.

"Sa likod ka na dumaan. Hindi na tayo papapasukin ng guwardya dahil late na tayo." Nagsalita si Bella sa aking likuran at agad kong ikinambyo ang manibela sa kaliwa. Lumiko kami at dumaan sa likod ng paaralan kung saan kami pumapasok.

Summer FirefliesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon