"Papasok ka?"
Bumahin ng malakas si Brittany at pinunasan ang ilong niya bago tiningnan ang nagsalita. Pagbaba niya sa huling baitang ng hagdan ay nandoon ang Kuya Byron niya. May dala itong pinggan at mukhang papunta sa kwarto nito sa itaas. Napabahin ulit siya. Napapikit naman ito at tinakpan ang dalang pagkain.
"'Naman, Tanying. Huwag ka ngang magkalat ng virus sa bahay. Hindi ako pwedeng magkasakit, gagawa pa ako ng maraming pera. Kailangan ko pang magpagawa ng bahay na titirhan namin ni Cielo sa future."
"Feelingero ka talaga, Kuya. Hindi ka naman pinapansin ni Cielo, ah."
"Pinapansin niya ako," malakas na loob na tugon nito.
"Akala mo lang—" Napabahin na naman siya. "Bwisit talagang sipon at lagnat 'to! Ayoko na! Peste talaga!" Nakita niya ang pag-iling ng Kuya Byron niya bago siya iniwan at umakyat sa taas.
"Paospital ka na," narinig niyang sabi nito bago siya lumabas ng bahay.
"Kaya ko pa naman," aniya. "Hindi ko pa naman kailangan na ma-confine," dagdag pa niya.
"Hindi naman ako sayo nag-aalala kundi sa sarili ko. Baka kasi magkasakit ako dahil sayo."
Masamang tingin lang ang ipinukol niya sa kanyang nakatalikod na nakatatandang kapatid matapos nitong sabihin iyon at tuluyan na iniwan siya. Minsan gusto niyang magtanong sa nanay nila kung ampon lang ba siya at bakit siya inaapi ng kuya niya. Pero alam naman niya na hindi rin naman sasagot ng maayos ang nanay nila. Nagtuluy-tuloy na lang siya sa paglabas at sa tapat ng bahay nila siya naghintay ng masasakyan na tricycle.
Pagkarating niya sa bangko na kanyang pinapasukan ay kaagad siyang nag-ayos para mawala naman ang pamumutla niya. Umupo na siya sa pwesto niya at bitbit pa niya ang isang rolyo ng tissue.
Panay ang bahing niya at punas ng tissue sa kanyang ilong. Alam niyang kamukha na niya si Rudolph, the red nose reindeer at masakit na rin ang ilong niya pero wala siyang magagawa. Napansin na rin siya ng mga kasamahan niya.
"Kaya mo ba talaga?" tanong ng katabi niyang si Agatha. Bumahin siya.
"Come on, guys. Bring it on!" Natawa na lang ang iba pang nakarinig sa sagot niyang iyon. Lunes noon at medyo marami-rami ring tao kaya naman naging abala siya sa kanyang ginagawa at nakalimutan niya na may sakit pala siya. Naaalala lang niya iyon kapag nagpupunas siya ng ilong at pumipitik ang sentido niya paminsan-minsan.
BREAK time na ni Brittany ngunit wala siyang balak kumain. Pagkarating sa lugar kung saan maaaring kumain ang mga empleyado ng bangko ay kaagad siyang naghanap ng bakanteng upuan at mesa. Hindi upang kumain kundi upang magpahinga. Ipinatong niya ang kanyang bag sa mesa at ginawa iyong unan. Ipinatong niya ang dalawang braso doon at inihilig ang kanyang kaliwang pisngi.
"Mag-half day ka na, Miss Salvation."
Napigil ang akmang pagpikit niya sana nang may magsalita sa likuran niya. Hindi niya sana haharapin iyon kung 'Brittany' ang itinawag sa kanya ngunit iisa lamang ang kilala niya tumatawag ng ganoon sa kanya— ang kanilang butihing branch manager. Umayos siya ng upo at hinarap ito.
"Okay lang po ako, Sir. Marami pong tao ngayon baka mahirapan sina Agatha," mahinhing sagot niya.
"Kaya na nila 'yon. Para namang hindi mo sila kilala, 'wag mong maliitin ang mga kasama mo."
"Naku, Sir, hindi naman po sa ganoon." Natakot siyang bigla sa sinabi nitong iyon sa kanya. Ngumiti naman ito at doon lang niya napagtantong nagbibiro lang ito.
"Malas daw ang mamatayan ng empleyado. Ayoko 'non."
"Patay kaagad, Sir?" Napangiti na rin siya dahil sa pagiging kwela ng manager nila.
BINABASA MO ANG
My Wingless Angel
Romance"I want you, not just as a friend or my best friend's sister. But as my forever." 'Kuya's best friend', iyan lang ang tingin noon ni Brittany kay Martin bago siya ipinagtanggol nito sa hinayupak niyang ex-boyfriend. Pagkatapos niyon ay naging madala...