Chapter 01: Ang Paglayas

5.5K 243 68
                                    

Marahan ang aking mga yapak patungo sa isang pantalon na nakasabit sa bintana. Siningit ko ang aking kamay sa bulsa ng pantalon pagkatapos, nagbabasakaling meron akong madukot na pera.

Napangiti ako nang may limang daan akong nakuha ngunit nawala agad ito nang nahuli ako.

"Gago ka!" bulyaw ni Tito Tomas.

Lumapit siya sa akin at inagaw ang pera. Tinulak niya ako sa pader. "Ikaw pa itong pinapakain, ikaw pa itong pinapatira, ikaw pa itong may lakas na loob na nakawan ako?"

"Sorry po," nagmakaawa kong sabi.

Tinakpan ko aking mukha sa mga hampas niya. Nagawa ko lamang ang pagnanakaw dahil gusto ko ng umalis sa mala-impyernong bahay na 'to.

"Gusto mong lumayas?" galit na tanong ni Tito Tomas. "Edi umalis ka!"

Sinipa niya ang aking tuhod. "Bibigyan kita ng apat na minuto para dalhin mo ang mga walang kwentang bagay mo. At huwag ka ng magpapakita sa akin, gago ka!"

Nakatanggap ulit ako ng sapak.

"Opo. Opo." Dali-dali akong tumayo at tumakbo sa aking kwarto. Pataranta kong kinuha ang bag na nakasabit sa bintana at pinasok ang mga iilan kong damit. Sa wakas ay makaka-alis na rin ako.

Narinig ko ang pagkabasag ng bote ng alak galing sa sala. Binilisan ko ang pag-impake. Napalunok ako ng laway sa kadahilanang baka biro lang ang lahat ng ito.

Nang tumahimik ng ilang segundo, sinara ko ang zipper ng bag at inabot ang cellphone na nakalagay sa lamesa. Dali-dali akong naglakad palabas ng kwarto. Napaatras ako sa gulat nang sumulpot si Tito Tomas sa kurtinang pinto.

Tiningnan niya ako. Nagsalubong ang kanyang mga kilay. Diniin niya ang bote sa kanyang bibig. Lumulon siya ng alak.

"Umalis ka na. Wala kang utang na loob!" sigaw niya.

"Opo," panginginig kong sabi.

Napahinto ako sapagkat may nakalimutan akong dalhin. Ang litrato ng mama at papa ko. Humakbang ako pabalik upang kunin ito ngunit hinablot ni Tito Tomas ang aking braso.

"Sinabi ko namang umalis ka na, diba?" Tinapon niya ako palabas ng kwarto.

Nauntog ang ulo ko sa upuan. Masakit pero binaliwala ko na lamang. Tumayo ako, takot sa maari niyang gawin sa akin.

"Meron lang po akong nakalimutan, Tito Tomas. Kukunin ko lang po ang litrato ng mama at papa ko. At pangako hindi na po ako magpapakita sa iyo," pagmamakaawa ko.

"Wala akong paki-alam!" sigaw ni Tito Tomas. "Pinagbigyan na kita, diba? Huwag ka kasing tatanga-tanga." Tinuro niya ang pinto palabas ng bahay. "Umalis ka na, gago ka!"

Nanatili ako ng ilang segundo sa aking kinatayuan upang maki-usap. Pero sinipa ni Tito Tomas ang lamesa at tumilapon ito sa pader.

Napaatras ako sa gulat at takot. Kinuha niya ang isa pang bote sa lamesa at tinapon sa bandang kaliwa. Tinamaan ang litrato ni Tita Mel na nakasabit sa dingding. Nabiyak ang salamin nito.

Sa paningin niya, para lang akong isang sira o walang kwentang laruan maliban sa isang bagay na pinagsisihan ko.

Wala na akong nagawa, lumabas ako ng bahay habang ang mga masasamang sumbat niya ay tila hinahabol ako.

Huminto ako sa isang puno ng mangga at lumingon sa kanya. "Kung nakikita ni Tita Mel ang pananakit mo sa akin, ang pinaggagawa mo sa akin, siguro ay hiyang-hiya at diring-diri siya sa iyo ngayon!"

Nakita ko si Tito Tomas na tinapon ang isa pang bote sa akin. Nailagan ko ito.

Tumakbo ako nang may kinuha siya sa dingding. Hindi ko man kita pero alam kong ito ay kutsilyo. Dahil ako mismo ang nagluklok doon sa patalim.

Si Tita Mel ay kapatid ng papa ko. Siya ay asawa ni Tito Tomas. Nang namatay ang mga magulang ko sa hit and run, anim na taong gulang pa lamang ako, kinupkop niya ako.

Tabang ang pakitungo ni Tito Tomas sa akin hanggang unti-unti itong lumala nang namatay si Tita Mel isang taon matapos namatay ang mama at papa ko.

Gabi at umulan iyon at pauwi na kami sa bahay nang may biglang sumulpot na lalaki sa eskineta. May takip siya sa mukha. Hinablot niya ang bag ni Tita Mel ngunit hindi niya ito tuluyang nakuha sapagkat nahawakan ni Tita Mel ang strap.

Sumigaw si Tita Mel ng tulong. At ako rin. Pero walang nakarinig na tao. Wala ring dumaan na sasakyan upang mahingan ng saklolo. Wala siyang balak na isuko ang bag sa lalaki dahil may laman itong pera galing sa singsing, kwentas, at hikaw na kanyang sinanla. Gagamitin niya sana ang pera pambayad sa mga utang.

Pinagpapalo ni Tita Mel ng payong ang lalaki. Ako naman ay tumulong sa paghila. Ngunit tinulak ako ng lalaki. Natapon ako sa isang poste. Nauntog ang ulo ko rito pero tumayo ako ulit at kinagat ang paa ng lalaki.

Sumigaw ang lalaki at sinipa niya ang aking mukha. Masakit.

Habang nakahiga ako na parang nawawalan na ng malay, nakita ko na walang pag-alinlangang sinaksak ng lalaki si Tita Mel sa tiyan.

Nabitawan ni Tita Mel ang bag. At hinablot ng lalaki ito bago kumiripas ng takbo sa isang kotse na nakaparada na, hindi kalayuan. May isa siyang kasabwat. At ang taong ito ay nakamaskara rin. Siya ang nagmaneho. Walang plate number ang sinakyan ng dalawa. Humarurot ito bago lumiko pakanan.

Gumapang ako patungo kay Tita Mel, sabay iyak at sigaw ng tulong. Pero parang ang ulan lang yata ang nakarinig sa aking boses.

Hinawakan ko ang kamay ni Tita Mel. At naramdaman ko ang paghina ng kanyang pulso. Ang dugo galing sa sugat sa kanyang tiyan ay dumaloy kasabay ng tubig-ulan. Bumuhos ang aking luha nang unti-unting nanlamig ang katawan ni tita. Huminto siya sa paghinga.

Mga ilang buwan pagkatapos ng libing ni Tita Mel, naging parang palya ang tungo ni Tito Tomas sa akin. Sinisi niya ako sa pagkamatay ng kanyang asawa. Siya rin ay naging lasinggero lalo. Walang araw na hindi ko nakita ang lamesa sa sala na walang alak. Mas lalong walang araw na hindi ako napalo, nasuntok, o napagsabihan ng masasamang salita. Animal. Gago. Hayop.

Hindi ko rin malilimutan ang kanyang sabi na malas daw ako. Salot daw ako. Sa isip ko, maaaring totoo ang mga sinabi ni Tito Tomas. Dahil kung hindi ko hinabol ang bola na tumilapon sa kalsada, buhay pa sana ang mama at papa ko. Kung hindi ko sinamahan si Tita Mel, maaring nag-iba ang pangyayari.

Labing siyam na gulang na ako. At hindi nawala sa aking isipan na sana ako na lang ang nasagasaan. Sana ako na lang ang nasaksak. Sana ako na lang ang namatay. Dahil kung ito ang nangyari, hindi na sana ako naghirap.

Habang ako ay naglakad palayo sa bahay ni Tito Tomas, may isang mukha ang lumitaw sa aking isipan. "Dean," marahan kong sambit. Huminto ako at tumingin sa kumukulog na ulap.

Sana hindi mo rin ako iiwan kagaya ni mama, ni papa, at ni Tita Mel.


°°°
Don't forget to vote lovelies as a support. And if ever you start to like the story, I hope you can share it to your friends. Thank you. 😘

Mga Sirang Laruan |Completed|Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon