Cancer? Wala akong mailabas na salita sa aking bibig. Hindi ako makapaniwala na may ganitong sakit si Chris. Kailan lang niya ito tinago sa amin? Hindi kaya nagkamali lang si Becca?
"Sigurado ka na sa kanya ang gamot na iyan?" tanong ni Dean. "Baka sa magulang niya iyan?"
"Sigurado ako, nakita ko siyang uminom nito kagabi," sagot ni Becca. "Hindi ko alam kong ano talaga ang gamot na ito noong una. Na curious lang ako kung kaya ginoogle ko." Umiyak siya ulit. "Hindi ko akalain... Paano na?"
Paano na? Wala akong tamang sagot na maibigay kay Becca o kahit mga salitang magpapagaan sa kanyang loob. Tahimik lang ako na minasdan siyang umiyak. Masakit sa akin na makita ang isa sa aking mga kaibigan na ganito.
"Bwesit namang buhay ito!" sambit ni Dean. Nahampas niya ang kanyang mga kamay sa manubela.
Naiintindihan ko si Dean. Dahil wala sa aming apat ang nabigyan ng normal na buhay. Ginago ako. Sinaktan si Becca. May sakit si Chris. At siya, minumulto ng kanyang nakaraan. "Bwesit na buhay," bulong ko sa aking sarili. Buhay? Biglang sumalin sa aking isip ang sinabi ni Mrs. Malumanay.
"May nagsabi sa akin," pauna kong wika habang nakatingin sa windshield. Iniba ko ng kaunti. "Na isipin mo na lang na ang bawat araw ng taong mahal mo ay huling araw na niya sa mundo. Nang sa ganon, maipadama mo sa kanya kung gaano mo siya kamahal. At kung dumating na sa puntong iyon, kahit malungkot man, wala kang pagsisisihan."
Lumingon ako kay Dean. Ngumiti siya at hinawakan ang aking kamay.
"Alam ba ng parents ni Chris ito?" tanong ni Dean.
"Alam nila," tumahan si Becca. "Malinaw na sa akin kung bakit sinabi nila na kung mas makilala ko pa ng lubusan si Chris sa bawat araw, umaasa sila na hindi magbabago ang pagmamahal ko sa kanya."
"Nang alam mo na, mag-iiba ba?" tanong ko.
Hindi namin namalayan na bumakas ang pinto. Pumasok si Chris sa loob ng kotse at umupo. Hindi nasagot ni Becca ang aking tanong. Pinahiran niya ulit ang kanyang mukha ng panyo.
"Meron ba akong na-miss?" ngiting tanong ni Chris. Inabot niya ang isang kaha ng sigarilyo sa akin.
Binuksan ko ito at binigyan ng tig-isang stick si Becca at Dean. Tinanggihan ako ni Chris. Hindi ako nagpahalata na meron akong nalaman. Pati rin si Dean. Sinindihan ko ang aking sigarilyo at binigay ang lighter kay Dean.
Tumingin ako sa windshield, humigop nang usok at bumuga. "You're the worst, Chris!"
"And a jerk," dagdag ni Dean.
"Thanks, guys!" Ngumisi si Chris at tinapik ang aming mga balikat. "I hate the both of you."
Tahimik lang sa kotse habang ako, si Becca, at si Dean, ay nanigarilyo. Nakatulong ito upang ako'y medyo makawala sa dami nang aking iniisip. Hihinto naman ito lahat kapag wala na ako.
Mga ilang minuto, nang tapos na kaming tatlo manigarilyo, nagdesisyon ang lahat na umuwi na. Tinurn-on ni Dean ang stereo. Kiss The Rain ulit ang kanta. Biglang tumawa si Becca at Chris.
"Bro! Nasapian ba ang kotse mo ng kung ano?" tanong ni Chris.
"Loko! Humingi ako kay Jhon ng mga ganitong kanta para naman maiba kahit paminsan-minsan," sagot ni Dean. "Maganda sa tenga, diba?"
Tawa lang ang sinagot ni Becca at Chris.
Binilisan ni Dean ang takbo ng kotse. Nakarating kami sa bahay mga alas dies ng gabi. Sa aking huling biyahe, ngumiti ako. Hindi ko malilimutan ang buong araw na ito. Masaya ako na kasama ko ang mga taong importante sa aking buhay.
Bumaba si Chris sa kotse at naglakad patungo sa kanyang motorsiklo. Sinuot niya ang helmet.
Hinagkan ni Becca si Dean. Lumapit siya sa akin at hinagkan din ako. "Hindi magbabago ang pagmamahal ko sa kanya. 'Yan ang aking sagot."
"Mabuti naman," bulong ko.
"At gagawin ko ang payo mo sa akin," dagdag ni Becca. Kumiwalag siya ng sumerbato si Chris.
"Tama na 'yan para namang hindi na kayo aabutan ng biyernes!" ngising wika ni Chris.
"Sige na. Abe. Dean. Kita na lang tayo sa basement ngayong biyernes," ngiting sabi ni Becca. Sumakay siya sa motorsiklo. Sinandal niya ang kanyang ulo sa likuran ni Chris at yumakap.
Tama ka Chris. Hindi na ako aabutan ng biyernes.
Inakbayan ako ni Abe at sinamahang tinanaw ang motorsiklo na lumayo. Nang lumiko ito sa kanto, pumasok ulit si Dean sa kotse at pinasok niya ito sa loob patungo sa garahe. Sinara ko ang tarangkahan. Patay na ang ilaw sa loob ng bahay. Tulog na siguro si Nanay Melit. Dumiretso kami sa kwarto at humiga.
"Good night, babe." Hinalikan ako ni Dean sa labi. "It's a great day."
Ngumiti ako at hinalikan si Dean ng mariin sa huling pagkakataon. "I love you... Baonin mo ang mga salitang ito sa panaginip."
"Talaga," ngising tugon ni Dean. Pinikit niya ang kanyang mga mata.
Minasdan ko ang kanyang mukha ng ilang saglit bago humiga at tumingin sa kisame. Mabagal na lumipas ang oras. Pero kanina, nang kasama ko sila, ang bilis. Sadyang ganun lang talaga siguro.
Inabot ko ang cellphone sa drawer at tiningnan ang screen. May mensahe na naman galing kay Tito Tomas mga alas kwatro niya sinent sa akin.
Huwag mong kalimutan bukas. Alam mo na ang mangyayari kapag hindi ka sumulpot.
Itong gago na 'to. Huli na iyong nakaraang araw na ginamit niya ako sa pagparaos. Wala ng kasunod! Napagdesisyonan ko na mas mabuting mamatay na. Nang sa ganun, kapag kumalat ang video scandal, hindi na ako mababalot sa kahihiyan.
Mga alas dose na ng gabi. Malakas ang hilik ni Dean. Bumabawi ang kanyang katawan sa pagod pero ito ang patunay na masaya siya sa mga nangyari.
Tinanggal ko ng dahan-dahan ang kanyang kamay na nakapatong sa aking tiyan. Tiningnan ko ang kanyang mukha. Salamat, Dean.
Bumangon ako, marahan na binuksan ang pintuan, at bumaba patungo sa kusina. Mga mahihinang pagtamak ko lang ang aking narinig nang ako'y palapit sa kutsilyo. Tahimik. Kung sana ganito ang aking buhay sa bahay ni Tito Tomas. Ngunit pinagkait ito sa akin.
Tiningnan ko ang kutsilyo sa malapitan. Paano si Becca at Chris? Tiyak na malulungkot ang mga iyon. Matatanggap din naman nila kalaunan ang pagkabura ko sa mundo. Tsaka nandiyan naman sila para sa isa't-isa.
Kinuha ko ang kutsilyo. Paano si Dean? Si Dean. Tumulo ang aking luha. Alam ko na mahal niya ako. Pero ayaw ko siyang masaktan lalo. Alam kong makakahanap din siya ng mas higit pa sa akin. Iyong taong hindi galing sa hirap. Iyong taong walang sayad. Iyong taong malinis.
Tinuro ko ang dulo ng kutsilyo sa aking pulso. Nanginginig ang aking mga kamay. Kailangan ko itong gawin. Kailangan... Para sa ikabubuti. Paalam. Becca. Chris. Dean.
BINABASA MO ANG
Mga Sirang Laruan |Completed|
RomanceAng buhay ni Abe Aliman ay puno ng pait. Pagkatapos mamatay ng kanyang mga mahal sa buhay, walang araw na hindi siya nakatanggap ng hampas, suntok, at mura sa kanyang tumatayong magulang. Ngunit patuloy pa rin siya sa takbo ng buhay kasama si Dean A...