NAGHIHIWA ng mga gulay si Lydia nang lumabas sa kuwarto si Lucas at nagpaalam na makikipaglaro sa labas. Paglingon niya rito, bagong ligo na ang bata at nakabihis ng damit panlabas.
"O, sige. Basta bumalik ka rito bago mag-alas dose dahil manananghalian tayo."
"Opo, mommy!" Agad tumakbo ang bata palabas ng bahay.
"IKAW naman ngayon ang taya!" sabi ng isa sa mga kalaro ni Lucas.
Tumalikod siya at nagsimulang bumilang ng sampu. Nagsitakbuhan naman ang ibang mga bata para maghanap ng mapagtataguan.
"...walo, siyam, sampu!" Humarap si Lucas at nilibot nang tingin ang paligid. Nasilayan niya ang katahimikan ng kalsada. Nagsimula siyang maglakad-lakad habang tumitingin sa mga abandonadong gusali. Siguradong doon lang nagtatago ang mga kalaro. Bahagya niyang tinakpan ng palad ang mga mata dahil sa mainit na sikat ng araw.
May dumaang itim na van sa kalsada. Hindi niya ito pinansin at nagpatuloy lang sa paghahanap. Nang huminto ang van sa mismong harap niya, doon na siya natigilan at tiningnan ang sasakyan.
Lumabas mula roon ang tatlong lalaking nakasuot ng itim na jacket at may mga takip ang mukha. Bago pa siya makagawa ng aksyon, dinakip na siya ng mga ito at ipinasok sa loob ng sasakyan. Nagsimula siyang magwala at nagsisigaw ngunit agad ding natigilan nang tutukan siya ng baril.
Tinakpan ng katabi niyang lalaki ang kanyang bibig ng isang panyo. May halo iyong gamot na ikinahilo niya hanggang sa mawalan siya ng malay.
Huminto ang sasakyan sa isang abandonadong bahay na nagsisilbi nilang secret hideout. Binuhat ng tatlong lalaki ang bata at dinala sa isang silid.
Hindi pa man sila tapos sa pagtali rito ay nagkamalay na ang bata. Nang mapagtanto nito ang kanilang ginagawa, nagsisigaw agad ito at nagwala sa kinahihigaan. Ilang beses nila itong tinutukan ng baril ngunit tila hindi na ito natatakot. Mas lalo lang itong nagwala at halos tadyakan ang mga mukha nila.
Sa inis ng isang matabang lalaki, kinalag niya ang mga tali at sinakal ang bata. "Matigas ka, ha! Sige, hindi ka na namin itatali. Iba na lang ang gagawin namin sa 'yo!" Sumenyas ito sa dalawang kasama. Tila alam naman ng dalawa ang ibig niyang sabihin. Saglit na lumabas ang mga ito at pagbalik ay may bitbit nang kulungan na yari sa salamin.
Nang ilapag nila iyon sa sahig, nakita ng bata ang laman nito. Isang malaking ahas! Isang kulay berdeng ahas na makamandag at talagang nakamamatay. Walang gamot sa kamandag nito at siguradong matitigok sa loob ng ilang segundo ang sinumang matuklaw nito.
"Ayaw sana naming gawin ito sa 'yo, kaso lang pasaway ka at lumalaban kaya itong alaga na namin ang bahala sa iyo!" Maingat na pinakawalan ng matabang lalaki ang ahas sa loob ng kulungan, kapagkuwa'y agad silang tumakbo palabas ng silid at ikinandado ang pinto.
Humagulgol nang iyak si Lucas. Napaatras siya sa kinahihigaan at sumandal sa pader. Halos idikit na niya roon ang sarili sa labis na takot. Napapikit na lamang siya at paulit-ulit na sinambit ang kanyang mga magulang. "M-Mommy... D-Daddy..."
"Isa pa lang ang nahuhuli natin. Hindi naman tayo kikita nang malaki sa batang iyon dahil nag-iisa lang. Kailangan pa nating bumalik doon para maghanap ng mas marami," anang isang matangkad na lalaking payat at may tattoo sa leeg. Nakasuot ito ng shades at nakaupo katabi ng matabang lalaki.
"Magpahinga muna tayo. Napagod ako sa biyahe kanina. Malayo-layo rin ang pinuntahan natin." Kinuha ng matabang lalaki sa kanyang tabi ang bote ng tubig at uminom. Nasa loob sila ng maliit na kuwartong nagsisilbi nilang tulugan kapag kinakailangang magpalipas ng gabi roon.
Tumayo naman ang pandak na lalaking mahaba ang buhok. Puno ito ng balbas at tadtad ng burda ang mga braso. Umupo ito sa isang maliit na lamesa at humithit ng sigarilyo. "Lampas alas-dose na pala. Siguradong tigok na 'yong gagong bata na 'yon. Puntahan na kaya natin?"