Chapter 5

2.6K 77 4
                                    

PAGKATAPOS ayusin ni Lucas ang antenna ng TV, umakyat siya sa kuwarto para magpahinga. Nagpatuloy naman sa panonood ng teleserye sa hapon ang kanyang ina kasama si Aling Marites.

Pag-akyat niya, nakadungaw sa bintana ang kanyang ama at humihithit ng sigarilyo. Nilapitan niya ito at tinabihan sa pagdungaw.

"Lucas, nandiyan ka pala," bati ng kanyang ama.

"Itay, pasensiya na kayo kung napalayas tayo do'n sa dating bahay natin. Kung hindi lang ako natanggal sa trabaho, may pambayad pa sana tayo," diretsahang sabi niya. Blangko ang anyong nakatanaw siya sa malayo.

"Huwag mo nang isipin 'yon. Hindi ko rin naman kasi gusto ang ugali ng Susan na iyon. Matagal na kaming nagtitimpi ng mama mo sa babaeng 'yon. Mabuti nga at nakaalis na tayo sa teritoryo niya." Muling ipinasok ni Nestor ang sigarilyo sa bibig at kapagkuwa'y nagbuga ng maraming usok.

"Hayaan n'yo po at bukas na bukas ay maghahanap ulit ako ng mapapasukang trabaho. Mag-iipon po ako para makahanap tayo ng ibang mauupahan. Ayaw ko rin na magtagal pa tayo sa lugar na 'to dahil masyadong magulo. Baka ma-stress lang po si inay dito 'pag nagtagal." Sa pagkakataong iyon ay lumingon na si Lucas sa kanyang ama.

Gumanti naman ng titig si Nestor sa binata at nagpakawala ng matipid na ngiti. Nagsabi ito na susuportahan nito ang lahat ng kanyang mga plano.

Naisipang bumisita ni Lucas sa bahay nina Juliet. Pagkatapos ng ilang mga katok ay nagbukas din ang pinto na yari sa yero. Bumungad sa harap niya ang babae na nakapaldang puti at may head band sa buhok.

"Oh, Lucas! You're here!" nakangiting bati sa kanya ng babae.

"Juliet, puwede mo ba akong samahan sa malapit na internet shop dito?" diretsahang tanong ni Lucas.

"Sure! Wait magbibihis lang ako."

Sinundan niya nang tingin ang babae nang pumasok ito sa silid. Nanatili lang siyang nakatayo sa harap ng bahay at naghihintay. Inabot ng kalahating oras bago lumabas ang babae sa kuwarto. Paglabas nito, nasilayan niya ang suot na band shirt ng babae na may tatak na, "My Chemical Romance". Naka-jeans ito na may punit sa magkabilang hita at nakasuot ng puting rubber shoes. Bahagyang natatakpan ng bangs ang mga mata nito na may salamin.

Bahagyang namangha at natawa si Lucas sa porma ng babae. Kahit nakabihis panlalaki ito ay litaw na litaw pa rin ang kagandahan. Sa katunayan, parang mas nagagandahan siya kapag ganoon ang bihis ng isang babae.

"Astig!" komento niya habang pinagmamasdan ang babae mula ulo hanggang paa.

"I know right!" ngiting tugon ng babae sa kanya. "Let's go!" At sabay silang naglakad paalis.

Makalipas ng mahigit kalahating oras na paggamit ni Lucas ng computer ay pina-print agad niya ang ginawang resume at nagpagawa ng sampung kopya. Nang matapos ito, nilisan na agad niya ang internet shop at hindi na tinapos ang natitirang mga oras dahil sa ingay at gulo ng mga katabing naglalaro. Mayroon pang mga naninigarilyo sa loob na lalong nagbigay ng mabigat na pakiramdam sa kanya.

"Saan na ang punta mo n'yan?" tanong ni Juliet kay Lucas pagkalabas nila ng computer shop. Sumilong muna sila sa harap ng shop dahil sa tindi ng sikat ng araw.

"Baka bukas na lang siguro ako lalakad para marami akong mahanap at mapuntahan," sagot ni Lucas habang isa-isang tiningnan ang mga papel.

"Okay then! Samahan mo na lang ako sa grocery, at para makapagpalamig na rin tayo sa loob." Naunang naglakad ang babae. Sumunod naman si Lucas sa likuran nito.

Pasadong alas-sais na ng hapon nakauwi ang dalawa. Hinatid ni Lucas ang babae hanggang sa harap ng bahay nito at ipinasok sa loob ang mga pinamiling pagkain at gamit sa bahay.

TUKLAWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon