HINDI makapaniwala si Kamatayan nang makita sa dyaryo ang balita tungkol sa lalaking pinaslang at pinagpuputol ang katawan. Malinaw sa larawan na ang taong iyon ay si Baste.
Doon lang niya napatunayan ang sinasabi ng mga tauhan niya na may pumatay kay Baste. Ngunit sino? At bakit ganoon na lang katindi ang paraan ng pagpatay nito? Dinaig pa siya at ang buong grupo niya.
"Sino kaya ang gagawa nito kay Baste?" takang tanong ni Kamatayan.
Wala siyang natatandaan na may kaaway sila na ibang grupo. Ang alam lang niya ay grupo lang nila ang naghahari sa buong Antonio del Pilar. Wala nang ibang mga grupo roon na puwedeng kumalaban o humigit sa kanila.
"Baka po may iba pang grupo rito na nagtatago, bossing. Hindi lang siguro sila nagpapakita dahil gusto nila tayong isa-isahin o kaya surpresahin," teorya ni Naldo.
Hindi kumbinsido si Kamatayan. Kabisado na niya ang buong Antonio del Pilar. May mata rin siya sa mga pulis kaya agad nakakarating sa kanya kung may bagong grupo ng mga sindikato ang nakakapasok.
Nakipagkita siya kinabukasan sa binabayarang pulis. Nag-usap sila sa lugar kung saan pinatay si Baste. Ayon dito, wala pa raw silang nababalitaan na bagong mga sindikatong nakapasok.
"Siguraduhin mong walang ibang grupo na makakapasok dito," paalala ni Kamatayan. "Kamusta na nga pala ang imbestigasyon n'yo kay Baste?"
"Hanggang ngayon hindi pa rin po namin matukoy kung sino ang pumatay sa kanya. Base kasi sa mga bakas na nakuha namin sa katawan niya, parang hindi ito galing sa tao."
Nagbago ang timpla ng mukha ni Kamatayan. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
"May nakitaan din kasing kamandag sa kanya. Ayon sa awtopsiya, iyon daw ang ikinamatay niya bago pinagwawasak ang katawan niya. Bukod kasi sa pagkakaputol ng mga kamay at pagkakapugot ng ulo, naging kulay itim din ang buong katawan niya na parang dinapuan ng matinding lason," pahayag ng pulis.
May inabot na pera si Kamatayan; nagkakahalaga iyon ng sampung libo. "Dadagdagan ko pa 'yan sa susunod. Basta't siguraduhin mong hindi makakarating sa pinuno ninyo ang mga ipinapasok naming droga rito. Maliwanag?"
"Maliwanag, sir!" Mabilis na kinuha ng hambog na pulis ang pera. Pagkatapos ay nagpaalam na ito sa kanya.
Naiwan mag-isa si Kamatayan sa kinatatayuan. Labis siyang nagtataka sa sinabi ng pulis tungkol kay Baste. Noon lang siya nahiwagaan nang ganoon sa isang bagay. Ano nga ba ang misteryong nakatago sa likod ng pagkamatay nito?
"GAWIN mo na!" sigaw ni Kamatayan kay Kyle. Kanina pa niya pinasusubok dito ang paghithit ng marijuana ngunit todo sa pag-ayaw ang bata.
"Kuya naman, alam mo namang bata pa ako. Hindi ako marunong sa ganyan! Ano ba kasi 'yan?" seryosong tanong ng bata. Wala itong ideya kung ano ang nais ipasubok sa kanya ng kuya.
"Parang sigarilyo lang din ito. Subukan mo na kasi. Masarap sa pakiramdam 'to!" Dinampot ni Kamatayan ang kamay ng bata at sapilitang pinahawak dito ang marijuana.
"Hindi kita palalabasin hangga't hindi mo ginagawa ang sinasabi ko."
Napilitan ang bata na gawin ang gusto ng kuya. Hinithit nga niya ang marijuana at halos maubo pa.
"Ang pangit ng amoy kuya! Bakit ganito?" nalukot ang mukha ng bata at nilapag sa lamesa ang marijuana.
Tumawa si Kamatayan at umupo sa tabi ng bata.
"Alam mo Kyle, tayong dalawa na lang ang magkasama ngayon. Kung ano ang ginagawa ko ay gagawin mo rin paglaki mo. Sa 'yo ko ipapamana ang lahat. Ikaw ang magiging lider ng grupo ko kapag dumating ang panahong wala na ako. Kaya kailangan mong matutunan ang mga bagay na ito para habang bata ka pa ay masanay ka na."