MULING nanumbalik ang init ng ulo ni Lucas pagkauwi sa bahay. Magkakasunod na sermon ang agad na inabot niya sa mga magulang. Pinagalitan siya ng mga ito dahil lampas alas otso na ng gabi nang siya'y makauwi.
"Gusto mo bang matulad doon sa dalawang lalaking pinatay ng mga sindikato?" Nakatapat sa kanya ang hintuturong daliri ng kanyang ina. Nasa kuwarto na sila nang mga sandaling iyon. Nakahiga na siya habang ang ama at ina niya ay nakasandal pa rin sa kanyang tabi at abala sa pagbubunganga.
"Tandaan mo, Lucas, hindi tayo tagarito! Hindi natin kilala ang mga tao rito! Si Ate Marites mo lang ang kamag-anak natin dito! Walang ibang puwedeng tumulong sa atin dito kapag ikaw naman ang napagdiskitahan ng mga masasamang loob! Nakakahiya kay Ate Marites mo! Baka madamay pa siya kapag nagkaroon ka ng kaaway rito!" anang ina niya. Bakas sa mukha nito ang magkahalong galit at pag-aalala.
"Ikaw na lalaki ka, habang lumalaki ka lalo kang nagiging siga!" ang ama naman niya ang nagpakawala ng sermon. "Alam mo na ngang may sakit ang nanay mo tapos pag-aalalahanin mo pa nang ganyan? Wala ka na ngang trabaho, puro sakit pa ng ulo ang binibigay mo!" nanggigigil ang boses nito na parang gustong lumamon ng tao.
Dahil sa pagbanggit ng ama niya tungkol sa trabaho, bahagyang lumakas ang pagkabog ng kanyang dibdib sa galit. Naramdaman niya ang pagbigat ng kanyang mga kamao na parang gustong magwala. Hindi niya matanggap ang pagkaka-reject sa kanya sa mga inaplayang trabaho noong isang araw kaya labis siyang na-depress doon. Iyon ang nagtulak sa kanya para huminto sa paghahanap ng iba pang trabaho dahil sa takot na ma-reject muli.
Hindi niya napigilang sagutin ang kanyang ama bagama't natatakot siyang makipagsagutan dito. "Kung ayaw n'yong nagkakasakit dahil sa pag-aalala sa akin, sana itigil n'yo na ang pag-iisip n'yo nang ganyan! Malaki na 'ko! Kaya ko na ang sarili ko! Hindi ako takot lumaban sa mga masasamang tao! Ang problema kasi sa inyo, kayo lang din ang nag-iisip ng mga ikasasakit ng ulo n'yo!" pagkasabi niya roon, agad siyang nagsisi kung bakit pa niya iyon hinayaang lumabas sa kanyang bibig.
Lalong tumaas ang boses ni Nestor. "Aba! Tarantado ka talaga, 'no?" halos sumigaw na ito. "Saan mo ba nakukuha ang lakas ng loob mong sagutin kami ng ganyan? Gusto mo bang ibalik kita sa basura kung saan kita napulot?" Naramdaman niyang bumangon ito para suntukin siya, pero inawat lang ito ng kanyang ina.
"Tama na 'yan! Nakakahiya kay Marites pati sa mga kapitbahay!" tumaas na rin ang boses ng kanyang ina. "Lucas, tumigil ka na! Huwag kang sumagot sa mga magulang mo! Tandaan mo, kung hindi dahil sa amin, hindi mo mararanasang magkaroon ng magulang!"
Sa sinabing iyon ni Lydia ay umurong na ang dila ni Lucas. Ang dami niyang nais sabihin pero hindi na niya magawa. Gusto niyang sumagot at isigaw ang kanyang nararamdaman pero hindi niya alam kung sa anong paraan. Halos maiyak na siya sa sobrang galit pero pinipigilan lang niya.
Tumalikod siya nang pagkakahiga at nagtakip ng unan sa kanyang mukha. Noon lang niya napagtanto ang naging epekto ng mga salitang lumabas sa kanyang bibig. Pakiramdam niya'y nasira ang buong araw niya dahil sa pakikipag-away sa mga magulang. Magdamag siyang gising habang pinahihirapan ng mabigat na kalooban.
Kinabukasan ay tinawag ni Lucas si Juliet sa bahay nito. Holiday ang araw na iyon kaya alam niyang walang pasok ang babae.
Pagbukas ng yerong pinto, tumambad sa harap niya si Juliet na mukhang bagong gising pa lang. Bagamat may muta pa ito sa mga mata, nagawa pa nitong ngumiti at bumati sa kanya. "Lucas! Why are you here?"
Muli niyang nasilayan ang matamis na ngiti ng babae. Dahil doon, hindi niya napigilang mapangiti na rin. Bigla na lang gumaan ang kanyang kalooban. Parang nawawala ang kanyang problema kapag nasisilayan niya ang mga ngiti nito.
"Juliet, puwede mo ba ako samahan ngayon?" diretsahang tanong niya rito.
"Naku naman! Kagigising ko lang kasi, e! Puwede bang mamayang konti na lang? Hindi pa man kasi ako nakakapag-almusal."