NAISTORBO ang panonood nina Lucas ng telebisyon nang mawalan ng kuryente. Magkakasama silang buong pamilya nang tanghaling iyon. Nasa gitna siya ng mga magulang habang si Marites ay malapit sa TV. Nakapaikot ang kanilang mga puwesto habang nakaharap sa telebisyon. Nauwi na lamang sa kuwentuhan ang kanilang paghihintay sa kuryente.
Sa kalagitnaan ng seryosong usapan tungkol sa mga suliranin ng bayang iyon, biglang napunta ang paksa sa grupo nina Kamatayan, hanggang sa mabanggit ni Marites ang masamang balita na nasagap niya sa mga kapitbahay.
"Naku! Nakalimutan ko palang sabihin sa inyo ito! Alam n'yo ba? Nakapatay na naman sina Kamatayan doon sa Brgy. Medusa! Dalawang binatilyo raw ang natagpuang puno ng saksak sa katawan at ibinigti pa sa sariling kuwarto nila! Grabe talaga!" mataas ang tono na pahayag ni Marites.
Seryoso ang mukha nina Lucas at ng kanyang ama. Si Lydia naman ay halatang labis na nasindak sa narinig na balita.
"Hala! Maryosep naman, mare! E, ano'ng nangyari do'n sa mga suspek? Nakulong na ba?" nanlalaki ang mga matang tugon ni Lydia. Bakas sa mukha nito ang matinding pangamba.
"'Yon nga ang matagal ko nang sinasabi sa 'yo tungkol dito sa lugar namin, mare. Bulok ang sistema ng mga pulis dito. Marami nang napapatay rito pero hindi pa rin nakukulong ang mga may sala. Tulad kanina, sinabi na naman nila na iimbestigahan daw nila ang nangyari, kahit alam na ng karamihan dito kung sino ang may gawa!" dismayadong tugon ni Marites.
"Grabe na talaga ang panahon ngayon. Sa tingin ko, baka kakampi ng mga kriminal na iyon ang mga pulis dito," pakli naman ni Nestor sa usapan.
Napatingin sa kanya ang lahat. Sumagot din si Lydia sa kanyang komento. "Paano naman magiging kakampi ng mga pulis ang mga kriminal?"
"Actually, may mga ganoon talaga, mare," si Marites ang sumagot, "may ibang mga pulis na talagang nakukuha lang sa pera. Kadalasan, mga mayayamang sindikato ang nakakagawa nang ganoon. Kahit ang batas ay kaya nilang paikutin sa mga kamay nila. Kasama na roon ang mga pulis! Kaya nga dito sa lugar namin, ang daming mga drug lord pero hindi naman nakukulong. At kung makulong man, nakakalaya pa rin!"
"Hala!" Napahawak si Lydia sa dibdib. Kumulubot ang kanyang noo. "Kaya ayoko talaga rito, eh. Hindi namin kakayanin ang manatili ng matagal dito. Natatakot ako para sa kaligtasan ni Lucas!"
Napayuko si Lucas at mabilis na kumalat ang pagkadismaya sa kanyang anyo. Palagi na lang kasing nag-iisip nang ganoon ang kanyang ina. Sa pananalita nito ay parang isang batang lalaki pa rin ang tingin sa kanya.
"Inay naman!" dismayadong sambit niya. "Malaki na 'ko! May karapatan na 'kong protektahan ang sarili ko! Huwag n'yo na sana ako iturin na parang bata!" Hindi niya napigilan ang pagtaas ng boses.
Napalingon naman si Lydia sa kanya at hinawakan nito ang mga kamay niya. "Lucas, nag-iisang anak ka lang namin. Kapag nawala ka, paano na lang kami? Kahit malaki ka na, may karapatan pa rin kaming alagaan at protektahan ka dahil mga magulang mo kami."
"Kahit na, inay! Hindi pa rin habang buhay kailangan ganyan kayo sa akin! Paano ako matututong tumayo sa sariling mga paa kung palagi n'yo akong bibihagin sa pangangalaga n'yo? Sana naman maintindihan n'yo rin ako!" mas lalong tumaas ang boses ni Lucas sa pananalita. Padabog nitong itinaboy ang kamay ng kanyang ina.
"Hoy, Lucas! Huwag mong pagsasalitaan ng ganyan ang nanay mo! Itikom mo 'yang bibig mo kung ayaw mong makatikim sa akin!" Tumalim ang mga titig ni Nestor sa kanya.
Kapag ganoon na ang tinig ng kanyang ama ay umuurong na ang dila niya. Hindi na niya kaya pang magsalita kapag ang tatay na niya ang kaharap. Tumayo na lamang siya at padabog na umakyat sa kuwarto.