Titig na titig si Maggie sa cursor ng laptop niya. Wala sa sarili niyang binibilang ang pag-blink niyon na para bang kapag narating niya ang tamang bilang, mayroon siyang reward na makukuha. Tatlumpong minuto na mula nang magpadala siya ng message sa inbox ni Phil sa Facebook. Kaso, gaya ng mga messages niya nang nakalipas na dalawang linggo, hindi pa rin 'yon nakikita ni Phil.
Hindi nakikita or talagang ayaw tignan?
Nagbuga siya ng hininga. Pero hindi naman talaga ito online sa Facebook nitong nakaraang mga araw. Baka talagang hindi pa nito nakikita ang messages niya. Gabi na, imposible namang nasa training pa rin ito. At saka, pa'no 'yong sa Viber, sa Instagram, sa Twitter, sa Facetime? Imposibleng sa lahat ng social media platforms hindi nag-online si Phil sa loob ng kalahating buwan!
Muling bumangon ang kaba at pagsisi sa kanyang dibdib.
Tama na ba na isipin niya na sadya siyang iniiwasan ni Phil dahil sa nasabi niya?
Phil, I love you!
Napabuntong-hininga siya. Hinablot ang unan sa kanyang tabi, niyakap, bago doon tahimik na pinangaralan ang sarili. Mali naman kasi siya e. Hindi niya dapat sinabi ang sinabi niya.
They were friends. Kapag friends, friends lang. Hanggang doon lang. Hindi pwedeng sumobra, hindi puwedeng lumampas. Klarong-klaro ang boundary na 'yon kay Phil pero... sa kanya hindi.
Dalawamput-dalawang taon silang magkasama ni Phil. Kapatid na nga ang turingan nila sa isa't-isa. May mga sikretong silang dalawa lang ang nakakaalam. Kabisado na nga nila maging ang tawa, hilik at paghinga ng bawat isa. Heck! Hindi nga sila nahihiyang mag-utotan sa harap ng isa't-isa e! Tapos bigla siyang aamin na mahal niya ito? Engot din talaga siya! Isanlaksang engot! Sinong hindi maalangan sa ginawa niya?
Tapos ngayon iiyak-iiyak siya.
Of course she should cry! Dahil hindi lang siya binasted ni Phil. Sigurado siya, sa inaasal ni Phil ngayon, sinelyuhan ng pag-amin niya ang katapusan ng pagkakaibigan nila ng kababata.
Humiga siya sa kama at lalong ibinuro ang kanyang mukha sa unan. Binaha ulit ng pagsisisi ang dibdib niya. Pakiramdam niya paulit-ulit na sinasaksak ang puso niya. Bakit ba kasi kaunting mga letra lang ang pinagkaiba ng pag-ibig at pagkakaibigan? Bakit hindi na lang dinamihan? Singhaba sana ang pagitan ng traffic sa Edsa para sana hindi nalito ang puso niya.
Agad na natigil ang panenermon niya sa sarili nang biglang tumunog ang laptop niya. Awtomatiko siyang napaupo sa kanyang kama. To her dismay, hindi galing kay Phil ang message kundi kay Arthur.
Nangungumusta na naman ito. Actually, araw-araw itong nangungumusta. Parang mas lalo pa nitong tinodo ang pagpaparamdam nito kaysa noong nasa university pa sila. Kaya lang, hindi naman niya ito magawang ipagtabuyan. Nakukunsensiya kasi siya. Balak na lang sana niyang deadmahin ang message nito kaso tumunog ulit ang laptop niya.
I'm actually outside your house, anang message.
Tumayo siya kama at nagkandahaba ang leeg na sumilip sa bintana. Totoo nga, naroon si Arthur, matiyagang nakatayo sa labas ng gate nila.
Nasapo niya ang ulo. Ilang gabi na niyang iniiyakan ang nangyayari sa kanila ni Phil pero ni hindi nanakit ang ulo niya. Ngayon lang na umaparisyon si Arthur sa bahay nila.
At dahil ayaw niyang ipagtabuyan na lang ang lalaki, bumaba na rin siya. Sandali pa siyang nagulat sa ayos nito nang pagbuksan niya ito ng gate. Suot ulit nito ang glasses nito pero mukhang nag-overhaul na ito ng wardrobe. White poloshirt under dark blue ripped jeans plus white sneakers to seal his hunky look. Parang masipag mangolekta ng clippings mula sa fashion magazine ang bagong stylist ni Arthur. Gusto niyang i-congratulate for a job very well done!

BINABASA MO ANG
The Last Dance
RomanceAng sabi nila, sa anumang social occasion, pinaka-memorable ang last dance. At plano ni Maggie na siya ang maging last dance ng bestfriend at matagal na niyang secret love na si Phil sa kanilang college graduation ball. Ang kaso, gaya sa mga teleser...