(Tagalog) Papuri o Pasakit?

30 3 3
                                    


Matalino, maganda, mabait;
Iyan ang lagi sa aking iginigiit.
Mga hindi namamalayan ang sakit,
Na nakakubli sa mga ngiti kong mapait.


Iniidolo, tinitingala, hinahangaan;
Hanggang saan nga ba ang hangganan?
Mga papuring sumasakal sa 'king lalamunan,
Hanggang kailan ko pa ba makakayanan?


Pagtawag, pagbati, pagpuri;
Mga salitang dapat sana sa 'ki'y kumikiliti.
Ngunit utak at puso ko'y iba ang intindi:
"Hindi ka puwedeng mabigo, hindi puwedeng magkamali."


"Ikaw na lang", "Kaya mo 'yan", "Ikaw pa ba!?"
Mga katagang nagbibigay sa 'kin ng kaba.
Ekspektasiyong itinatak mula pa pagkabata,
Kailan kaya ako makawawala?


Nakapapagod, malaki, mabigat;
Pasaning responsibilidad sa magkabilang balikat.
Kailangang manatiling angat sa lahat,
Kung hindi, panunuya ang sa aki'y kakagat.


Pagod na ako! Ayoko na! Tama na!
Gusto ko nang ipagsigawan sa buong madla.
Hindi ko kailangan ng mabubulaklak na salita,
Kung ang mga papuri ninyo'y dagdag ekspektasyon lang ang dala.


Ginagawang pamantayan, pinupuri, ikinukumpara;
Pakiusap huwag n'yo nang dagdagan nararamdaman kong kaba.
Huwag gawing dahilan ang aking talino't itsura,
Para sabihing kaya ko ang inyong pinagagawa.


Tao ako, normal, at napapagod na,
Mga papuri ninyo'y hindi na gumagana.
Mga salita ninyo'y 'di na nakatutuwa,
Bagkus, para sa akin, PASAKIT lang ang dala.


Kaya tama na, pakiusap, tama na;
Huwag n'yo na 'kong purihin nang sobra-sobra,
Ako'y totoong nalulunod na, hindi na makahinga,
Sa mga papuri ninyong pasakit lang talaga.


TAMA NA, TAMA NA.
PAKIUSAP, TAMA NA.

Songs of a Pretty Mystery (A collection of poems)Where stories live. Discover now