"Boy lover."
"Boy Basted."
"Malas sa pag-ibig."
Ito yung isa sa mga bagay na best i-describe sa akin. Bakit? Ikukwento sa inyo.
Bago ang lahat, ako nga pala si Romeo Sambila. Rom for short. Halos lahat ng kilala ako, Rom ang tawag sa akin. Medyo nakakailang kasi kung Romeo, hindi ko alam kung bakit.
Elementary ako, nagkagusto ako sa isang babae. Mula Grade 2 hanggang Grade 6, siya ang hinangaan ko. Natandaan ko pa nung oras na nagpakain siya sa loob ng classroom nung birthday niya. Magtatapat na sana ako ng nararamdaman. Pero nung paglapit ko, bigla akong natisod at natapon sa kanya yung juice na hawak-hawak ko. Ayun, hanggang sa huli, hanggang tingin na lang ako.
High School, naging crush ko ang valedictorian namin. Sa kanya ko unang naramdaman ang pagmamahal. Siyempre, medyo matured na utak natin pagdating ng teenage years natin, at nagiging seryoso na rin tayo pagdating sa panliligaw.
Maganda ang samahan namin ni Stella, ang naging first love ko. Dahil "S" din ang unang letter ng kanyang apelyido, palagi kaming magkatabi sa oras na alphabetical order ang seat plan. Yun na rin ang dahilan kung bakit kami naging close. Na-impluwensiya rin ako sa kung ano man ang nakahiligan niya. Isa na dun ay ang Japanese culture. J-rock, Hatsume Miku, Death Note... Lahat yun pinakinggan ko't pinanood dahil sa kanya. 2nd year high school kami, sumali kami sa Battle of the Bands ng campus namin. Ang pinagkaiba lang ay nasa ibang banda siya, kasama ng mga Seniors nung oras na yun. Ang maganda, siya ang vocalist sa kanila, ako naman ay isang bahista sa amin. Malas ko nga lang, at hindi pinalad ang banda namin na makapasok sa Final round, habang ang banda ni Stella naman ay ang naging crowd favorite. Malas ko lang, hindi ko napanood ang final performance nila. Pero ang maganda dun, pinanood ni Stella sa akin ang video ng naging final performance nila, na inupload sa Youtube pero naka-private lang sa account niya. Ganon kami ka-close nung mga panahon na yun.
Dumating ang 3rd year High School, nagkaroon ako ng bagong "crush" at napalayo ako kay Stella. Buong 3rd year ko ay naging focus ako sa taong yun. Pero pagdating ng 4th year, hindi na niya ako pinansin. Nawala siya ng parang bula. Hindi ko na rin siya sinuyo dahil alam kong makukulitan lang lalo siya sa akin at alam ko na naman na hindi niya ako magugustuhan.
Sa sobrang bigat ng naramdaman ko, naging magulo ang utak ko. Sobrang gulo na nasabihan ko ang best friend ko na "pwede bang tayo na lang?" Jhamela pala ang pangalan niya. Since 3rd year, close na kami sa isa' t isa, na humantong pa sa "babes" ang tawagan namin. Agad naman niya ako binasted dahil alam din naman niya ang pinagdadaanan ko, at masyadong magulo lang ang isip ko ng mga oras na yun. Pero nung nagtagal, hindi na rin kami masyadong nagkausap, at naging mailang na kami sa isa't isa. Ayos lang naman sa akin, alam ko naman na ako ang may kasalanan. Sadyang malungkot lang dahil parang nawalan ka ng isang mabuting kaibigan sa buhay mo.
At dun muli nagsimula ang samahan namin ni Stella. Nagkaroon ulit kami ng pagkakataon na maging seatmate muli nang i-arrange kami alphabetically. Since 2nd year, hindi kami naging seatmate, up until now. Hindi ko rin akalaing babalik ang pagmamahal ko sa kanya. Nagsimula ko ulit siyang suyuin, pero sa panahon na yun ay pinaramdam ko talaga sa kanya kung ano ang ibig sabihin ng pagmamahal. Sobrang naging close kami. Nagkaroon pa kami ng isang "friend monthsary."
May isang oras na niloko ko siya na mayroong Piattos na puti. Ang sabi ko sa kanya ay bibilhan ko siya nun kapag nakahanap ako. Valentines day, binigyan ko siya ng isang bouquet ng white rose, at isang Piattos Sour Cream flavor (dahil yun ang paborito niya, at hindi talaga ako makahanap ng puti). Naging masaya naman siya, at makita ko lang na ganon ay masaya na rin ako.
Huling beses na na-experience ko ang JS Prom. Binilhan ko siya ng "Rose-shaped" Cake sa Tous Les Jours, na lagi niyang pinagmamalaki sa akin. At dahil 50 pesos lang ang baon ko kada araw, ilang araw din akong hindi kumain para lang makapag-ipon. Pinatago ko muna ang cake sa ref ng canteen namin, at nung natapos ang program proper (at magsisimula nang magsayawan), binigay ko ang cake sa kanya. Laking gulat ni Stella, pero hindi ko nakita ang ngiti sa kanyang mukha. Napunta na sa first dance.... Hindi ako ang naging first dance niya, kundi ang kanyang best friend. Nalungkot ako, at walang nagawa kundi pumunta sa CR at naghilamos. Ni hindi ko alam ang gagawin ko sa oras na yun. Lumabas ako, tulala, hindi makapag isip. Umupo na lang ako sa isang tabi, nang hanggang sa pumunta si Stella sa akin, at inaya akong sumayaw. Nagulat ako, na kinilig. Hindi na rin ako nagpakipot at pumayag ako. Hinawakan niya ako sa kamay at hinila papunta sa sayawan. Nasa baywang niya ang kaliwang kamay ko, habang nasa balikat niya ang kanang kamay ko. Ganon din si Stella. Sumayaw kami habang pinapatugtog ang Love Story na acoustic. Hinayaan na lang namin ang sarili namin na gawin kung ano man ang magawa habang tumutugtog ang banda. Isa ito sa mga most romantic moments ng buhay ko.
BINABASA MO ANG
Torete
RomanceA coming-of-age love story between Romeo and Stephanie which will define how true love waits, and how true love hurts.