Nagtuluy-tuloy ang pagkailang namin ni Steph sa isa't isa na halos di na kami nag-uusap. Hanggang sa natapos ang semester namin. No long conversations, no "tara sabay tayo umuwi", no sweet words.
Siguro, ito na yung sign na binigay sa akin ni Steph para tumigil ako sa kung ano man ang pinaplano ko na ligawan siya. Kaya naisip ko na tumigil na lang agad para hindi na ako masaktan pa lalo.
Natapos ang 4th year 2nd sem namin, salamat at pasado pa rin ako sa lahat ng subjects. Kahit 3.00 ako para sa Statics, aba pakiramdam ko parang akong nanalo pa rin ako ng consolation prize. Sa sobrang hirap ng subject na yun, nagtangka pa akong magbukas ng notes habang Final Exam, pero bagsak pa rin. Buti na lang, mataas ako nung Prelim kaya hinatak pagdating sa average.
Sa Computer Engineering, makakuha ka ng tres, swerte ka na!
At dahil sa saya namin ng mga tropa ko na nakapasa kami sa subject na yun, nagplano kaming mag-outing. Kasama si Jason at kanyang girlfriend na si Joanne, Wayne at kanyang girlfriend na si Criselle, Tina at kanyang boyfriend, Marvin, Ranidel, Anton, Josh, Patrick, Carlo, at ang mga bago sa amin na si Cris at Rox, pumunta kami sa baryo ni Cris sa Batangas. Malaki ang bahay nila, sa likod ay dagat na kapag nilakad mo ng mga kalahating kilometro.
Inisip kong kunan ng video ang lahat ng mangyayari sa outing namin, para may remembrance at may mabalikan kami pagdating ng panahon. Habang si Marvin ay dala ang DSLR camera niya at isang Tripod.
Pagdating namin, agad agad kaming pumunta sa may beachfront. Yung iba, nag-swimming agad. Nag-ihaw kami ng baboy at isda, at may niluto pa si Cris mula sa kanila. Yun ang naging hapunan namin.
Matapos namin kumain ng hapunan, hinanda na namin ang mga kahoy na gagamitin namin para sa bonfire. Sinamahan ako ni Jason sa paghahanap. Habang naglalakad, tinanong ko siya tungkol sa relasyon nila Joanne.
"Musta kayo ni Joanne?" Tanong ko.
"Ayos naman pre." Sagot ni Jason.
"Grabe ilang taon na kayo? 6 ba?" Sunod na tanong ko.
"Oo, 6." Sagot naman niya.
"Wow naman, buti pa kayo ang tagal na noh? Nag-aaway ba kayo?" Sabi ko.
"Oo naman!" Sagot niya.
"Hindi, naisip ko lang. Kung mahal niyo naman ang isa't isa, magiging maayos yung relationship niyo di ba? Kasi kung isa sa inyo eh wala nang nararamdaman, makikita niyo naman yan na magkakalabuan kayo, ganon." Paliwanag ko.
"Oo pre, may oras na rin naman na nag-away kami ng sobra. Yung dumating sa point na talagang nagwalwal ako saka sumubok makipagkilala sa ibang babae. Pero matagal na yun." Nagulat ako nung sinabi ni Jason yun. Hindi naman halata sa kanya na kaya niyang lokohin si Joanne. Alam ko rin kung gaano nila kamahal ang isa't isa, kaya inisip ko rin kung...
"Magpapakasal na kayo?" Bigla kong tanong kay Jason.
"Ano? Gago!" Sagot ni Jason, sabay tawa.
"Di nga?!" Sabi ko.
Napatigil muna si Jason ng saglit. "Wala pa kaming plano eh. Kahit nagtatrabaho na siya, siyempre gusto ko rin magtrabaho at mag-ipon muna. Sa ngayon wala pa sa isip naming magpakasal."
"Hmm, oo nga naman. Darating din naman kayo dyan pagdating ng panahon." Sagot ko.
Pagbalik namin ni Jason, inayos na namin ang mga kahoy at sinilaban. Umupo kaming lahat sa may tabi ng apoy. Habang naririnig namin ang alon ng dagat, nagsimula na kaming magkwentuhan. Nung dumating si Cris at Rox, natuwa ang lahat dahil may dala silang dalawang case ng beer. Lahat sila ay umiinom, pwera lang sa akin. Pinaka-ayoko sa lahat ay ang beer. Nakatikim na ako nung bata pa lang ako, kaya alam ko na rin kung ano ang lasa. Hindi pa rin ako nakakainom ng kahit anong alak sa buong buhay ko.
Habang sila ay umiinom, biglang pumasok ang usapan tungkol sa akin.
"Uy Rom!" Sabi ni Marvin. "Balita ko gusto mo raw si Steph?"
Napahiyaw ang lahat. "Ayiiieeee!"
"Anong sinasabi mo?" Sagot ko kay Marvin. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba sa kanila ang totoo.
"Sabihin mo na boy! Tayo-tayo lang naman nandito eh." Sigaw ni Wayne.
"Makikinig lang naman kami pre. Di ka namin aasarin." Dagdag pa ni Marvin.
Patuloy ang pangungulit nila sa akin. Kahit di na ako kumikibo, patuloy pa rin ang pamimilit nila. Hanggang sa...
"OO NA!" Sigaw ko.
Biglang tumahimik ang lahat nang saglit.
"WOOOOOOOOHHH!!!" Bigla silang napasigaw.
"Good luck pare!" Biglang lapit sa akin ni Jason at akbay. "Suportahan ka namin kay Steph."
"Bahala kayo sa buhay niyo." Bulong ko.
Nagdaan ang gabi, puro tawanan at lokohan ang umiral sa amin. Masaya na malungkot. Masaya dahil kasama ko ang mga kaibigan ko na nakasama ko sa loob ng limang taon. Malungkot kasi hindi namin alam kung ito na ang huling bakasyon na magkakasama kaming mga tropa. Hindi namin alam ang takbo ng oras. Baka matapos kami gumraduate, bigla na kaming magtrabaho at hindi na makasama sa mga lakad. O lumipad ng ibang bansa at dun magtrabaho.
Lumipas ang ilang oras, bumalik na kami sa bahay ni Cris. Dun kami natulog at nagpahinga. Habang ang lahat ay tulog, ako ay nakatambay sa labas, nakaupo habang tinitignan ang mga bituin na lumiliwanag sa langit. Malalim ang aking iniisip. Darating na ang pinakamatinding pagsubok ng College life namin; ang Thesis.
Habang nag-iisip ako, lumabas si Tina at lumapit sa akin.
"Uy, di ka pa natutulog?" Tanong ni Tina.
"Di ako makatulog eh. Kaya tumambay na lang muna ako dito." Sagot ko.
"Ano naman ginagawa mo?"
"Wala lang. Nakatingin lang sa mga stars."
Napatingin si Tina sa langit. "Woow, ang ganda ahh. Ang liwanag nila!"
Humila si Tina ng upuan at sinamahan niya ako buong madaling araw. Kinuwento ko sa kanya ang lahat ng tungkol sa kung paano ko nagustuhan si Steph at kung paano nagiging malabo yung samahan namin dahil dun.
"Uy! Kinikilig ako sa inyo ni Steph." Sabi ni Tina.
"Bakit naman?" Tanong ko.
"Bagay kasi kayo. Parehas kayong matalino, mabait, at masipag. For sure magugustuhan ka rin niya soon. Siguro focus pa siya na makatapos ngayon. Kilala mo naman si Steph siguro di ba? Di ko nakikita sa kanya na mage-entertain siya ng ibang manliligaw, lalo na ngayon at last year na natin. Magiging busy na yun sa Thesis." Paliwanag ni Tina.
Napaisip ako lalo.
"Siguro magandang gawin mo sa ngayon is tulungan siya sa lahat ng mga kailangan niya. If may isang lesson na hindi niya na-gets, turuan mo siya. If need niya ng someone na makakausap at mashe-share yung mga problems niya, sabihan mo siya. Makinig ka lang. Be her silent guardian lalo na sa last year natin." Dagdag pa niya.
"Siguro nagiging paranoid lang ako. Kilala ko naman si Steph. Kaya ko siya nagustuhan in the first place. Natatakot lang din ako na may magkagusto sa kanyang iba at makita kong nagiging masaya siya sa taong yun. Pero sino ba ako para pigilan yung happiness ng taong mahal ko, di ba?" Paliwanag ko.
"Be positive lang Rom! Mag-focus ka rin muna sa Thesis. Dyan lang yan si Steph. Ikaw din." Sabi ni Tina sa akin, sabay ngiti.
Tama si Tina. Kailangan namin tulungan ni Steph ang isa't isa para makatapos ng Computer Engineering. Lalo na't huling taon na namin. Kailangan na namin ibigay ang best namin.
BINABASA MO ANG
Torete
RomanceA coming-of-age love story between Romeo and Stephanie which will define how true love waits, and how true love hurts.