KABANATA 15: Sa Dating Eskuwelahan Nagtagpo

387 38 1
                                    


Naglakad si Moymoy papunta sa loob ng eskuwelahan. Hinding-hindi niya iyon makakalimutan. Ito ang eskuwelahan kung saan niya unang nakasalamuha ang kapwa niya mga tibaro. Dito siya nagsanay kung papaano maging mahusay na aswang.

Mula sa harap ng eskuwelahan, humakbang siya sa tatlong baitang na hagdanan patungo sa veranda. Naglakad siya at nagtungo si Moymoy sa pasilyo na kinaroroonan ng nakahileraang silid-aralan. Kahit sarado ang mga silid-aralan ay kabisado pa rin ni Moymoy kung ano ang mga hitsura ng mga iyon. Malaki ang kaibahan ng eskuwelahan sa Gabun kung ikukumpara sa Amalao. Mas malawak at matataas ang mga kisame. Maraming mga nakaukit na dekorasyon, mga sari-saring bulaklak na nakapaligid at nakapaikot sa gilid ng kisame. Sa gitna naman ng kisame ay may magagandang larawan ng mga bulaklak at ng magagandang tanawin. Nakabitin doon ang isang aranya. Ang malalaking pintuan ay may sari-sari ring dekorasyon ng mga bulaklak na yari rin sa kahoy. Bagaman mababakas ang kalumaan ng eskuwelahan, bakas na bakas pa rin ang karangyaang mayroon ang eskuwelahan.

Sa loob ng silid-aralan ay may kanya-kanyang desk ang bawat estudyante. Noong bata pa lamang siya—nang kararating pa lang ni Moymoy sa Gabun, pinagtakan (pinagtakhan?) niya kung bakit ganoon kalaki at kataas ang kisame mga silid-aralan. Pero hindi naglaon nabatid niyang ang dahilan ay para malayang makapagpalit ng anyo at magawang makalipad ang mga esudyante sa loob ng silid-aralan kapag pinahihintulutan silang gawin iyon ng kanilang mga ibalong (guro).

Nagpatuloy sa paglalakad si Moymoy. Naisipan niyang magpunta sa bulwagan. Papaano ba niya iyon makalilimutan? Dito siya sinanay ng namayapang si Ibalong Saryo kung papaano maging mahusay na aswang—kung papaano maging mabilis kaysa sa kidlat pagdating sa pagpapalit ng anyo at gayon na rin sa paglipad. Dito siya sinanay ni Ibalong Saryo na maging mahusay sa tibaro at mandirigma ng Gabun. Noong una'y hindi niya alam na siya ang pinakamahusay. Pero si Ibalong Saryo mismo ang nagsabing, naiiba siyang aswang. Na naiiba ang kanyang kakayahan. Iminulat sa kanya na mayroon siyang katangian at kapangyarihan na wala ang isang ordinaryong tibaro o ng isang aswang dahil bukod sa ang nanay niya ay isang likas na Apo, siya ay nabigyan pa nito ng diwani na wala ang kahit na sinong kabataang tibaro sa Gabun.

Gayon pa man, hindi nakatakas sa kanyang isipan ang nararanasan sa Amalao. Biglang sumagi sa kanya ang natatamasa niya roon—hindi lang katahimikan kundi ang kasiyahan—sa kanyang doormates at mga kaklaseng naging kaibigan na niya. Ipagpapalit ba niya ang maliligayang sandaling tinatamasa niya sa Alamao sa mundong ito—sa Gabun? Pinilit niyang maging mahusay at maging mabuting estudyante sa junior high. Nag-aaral siya palagi ng leksiyon. Nakinig at sinunod niya ang kanyang mga guro para makakuha ng matataas na grado sa lahat ng kanyang subjects. Lahat ng pagsusulit, mapa-written exam man o oral exam ay siya ang laging pinupuri dahil sa kanyang husay at galing. At ang ikinasiya pa niya, kinumpirma ng kanyang advicer na siya ang top notcher sa kanilang batch. Na sa susunod na linggo, sa kanilang recognition day, pararangalan siya at sasabitan ng medalya. Idagdag pa rito na siya ang nanalong representative ng kanilang batch at sa larangan naman ng sports, bilang manlalalaro ng basketball ay nahirang siyang most valuable player sa taunang sports event. Kaya noong araw na iyon na halos sabay-sabay niyang nalaman ang lahat ng achievements niya napilit siya ng mga kamag-aral niyang mag-blow-out sa Padi's. Umuwi siya ng lasing at iniwan siya nina Ella at Diego sa kanyang saleslady (landlady?). Sa Amalao, naramdaman ni Moymoy ang importansiya niya bilang isang nilalang kabilang ang mga tao. Dahil dito, kapag tinatanong niya ang sarili niya kung saan na nga ba siya nabibilang—kung sa Amalao o sa Gabun, hindi na niya matiyak ang isasagot sa kanyang sarili.

"Moymoy?"

Natigilan si Moymoy sa kanyang paglalakad. Nilingon niya ang paligid kung saan nanggaling ang boses na tumawag sa kanya pero hindi niya iyon nakita. Bahagya siyang nagulat nang muling ibalik ang paningin sa kanyang harap, nakita niya ang pinanggagalingan ng boses na iyon. Mula ito sa isang ada.

"Moymoy."

Kahit napatingin si Moymoy sa ada, hindi niya nagawang pansinin ang kabuuan nito. Hindi niya napansin ang maamo nitong mukha. Higit na binigay pansin (binigyan-pansin?) ni Moymoy ang susunod na sasabihin ng ada dahil inisip niyang mas mahalagang malaman niya kung ano man ang ibabalita nito sa kanya tungkol sa kanyang itatanong.

"Ada, kumusta? Kumusta ang Gabun?"

Napayuko ang ada. Naging malungkot ang kanyang mukha. Patuloy itong lumilipad-lipad sa harap ng mukha ni Moymoy na parang isang tutubi.

May katahimikang naghari. Kinabahan bigla si Moymoy. Muli pang inilingon ang kanyang paningin. Napagtanto niyang mag-isa lamang siya sa malaking bulwagang iyon. Napakalawak niyon, naisip niya. Hindi nagbabago ang lugar. Kung kasabikan ang nararamdaman niya noong bata pa lang siya noong nagsasanay pa lang siya sa lugar na ito, ngayon ay hindi—kinilabutan siya. May pagtatanong na naglaro sa kanyang isipan.

"Bakit ka nagpunta rito, Moymoy?" Malungkot ang tinig ng ada. Naroon pa rin ang malungkot niyang mukha.

"Gusto kong makita si Alangkaw, ang kapatid ko."

"Tinutugis ang lahat ng naghahanap sa iyo rito, Moymoy. Babanggitin lang (ng) kahit na sinong tibaro ang iyong pangalan ay kanilang pinarurusahan," sagot ng ada sa kanya.

"Ada?" Nagtaka si Moymoy sa kanyang narinig. Napakunot-noo siya. Hindi makapaniwala sa kanyang narinig. "Ano'ng sinasabi mo—hinuhuli? Pinarurusahan ang sino mang magbanggit lang ng pangalan ko?"

"Totoo ang sinasabi niya, Moymoy."

Bumaling si Moymoy sa kanyang likod kung saan nanggagaling ang tinig. Nagulat siya sa kanyang nakita. "Ibalong? Ibalong Saryo?"

Marahang lumapit kay Moymoy si Ibalong Saryo.

Napapanganga si Moymoy sa kanyang nakikita—hindi makapaniwala dahil alam niyang sumakabilang-buhay na ang kasalukuyang nakikita niya sa mga oras na iyon.

Napangiti si Ibalong Saryo. Tumingin siya sa paligid. "Narito pa rin ang enerhiya ko. Narito sa eskuwelahang ito ang naging mundo ko noong nabubuhay pa ako. Kahit na isa akong kaluluwa, maaari mo pa rin akong makita, makausap. Iyon ay kung gugusuhin ko."

"Ibalong Saryo, ano ba ang nangyayari dito sa Gabun? Bakit daw ako hinahanap?" Pinilit niyang linawin ang tanong na iyon ni Moymoy. Gustong malaman kung ano ang tunay na nangyayari mula sa mga nalaman niya sa Salikot hanggang sa ada. At ngayong nandito si Ibalong Saryo, naisip niyang malalaman na niya ang lahat ng kasagutan.

"Oo, totoo nga," sagot ni Ibalong Saryo sa kanya.

"Bakit?" Lalo pang naging madiin ang pagtatanong na iyon ni Moymoy.

"Iniisip ng mga Apo na namumuno sa Sibol na isang tibaro ang magkakaroon ng kapangyarihan na mag-alis sa kanilang mga tungkulin."

"Ang iniisip ba nila, ako 'yon? Gano'n ba?"

Tumango si Ibalong Saryo. "Ikaw ang tiyak nilang iisipin na may kakayahang makakagawa niyon dahil bukod sa anak ka ni Liliw na dating Apo at ng mahusay na mandirigma gaya ni Ronado, ikaw ay may diwani. Walang ibang tibaro ang may diwani, kahit na si Alangkaw pa."

"Ibalong Saryo," mabilis na sagot ni Moymoy," tapos na ang naging mahalaga kong papel dito sa Gabun. Napawi ko na ang sumpa. May iba ng (nang?) mga Apo na namumuno. Wala na akong interes pa na mamuhay dito lalo na kung ganito kagulo. Wala akong balak guluhin ang sino man dito sa Gabun, lalo na ang mga Apo. Kaya hindi nila ako dapat pag-isipan na guluhin ang kanilang pamumuno. Sa katunayaan, nagpunta lang ako rito para hanapin si Alangkaw. Nasaan siya?"

Napayuko si Ibalong Saryo at pagkatapos ay inangat ang kanyang mukha. Mapait niyang nginitian si Moymoy.

Napanganga si Moymoy. Gusto man niyang ipagdiinan, magtanong na muli sa kinaroroonan ng kapatid ay tuluan nang naglaho si Ibalong Saryo sa kanyang harapan.

Moymoy Lulumboy Book 6: Ang Ugat at ang Propesiya (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon