KABANATA 19:

439 41 5
                                    



"IKAW pa rin ang pinakamahusay na tibaro ng Gabun. Hindi nagbabago ang husay mo sa pakikidigma. Tunay ka ngang anak ng isang Apo." Pormal na nagsalita si Hasmin habang nakatingin sa malayo.

Luminga si Moymoy sa kanilang kinaroroonan. Kanina, pagkatapos ng labanan sa Dalumdum ay inaya (niyaya?) siya ni Hasmin sa kinalulugaran nila ngayon. Saglit na tiningnan ni Momoy ang paligid. Pareho silang nakatayo, sakay ng isang balsa na patuloy sa banayad na paglayag sa malalim na ilog na matatagpuan sa loob ng malaking kuwebang iyon. Madilim ang loob at paligid niyon na tanging ang mga kumpol-kumpol na alitaptap lamang na lumilipad-lipad ang nagbibigay liwanag sa kanila

"Matalas pa rin ang iyong isip, Moymoy," pagpapatuloy ni Hasmin. "Mas mabilis pa rin sa kidlat ang pagpapalit mo ng anyo. May katiyakan pa rin ang bawat galaw mo. Isa kang likas at mahusay na mandirigma. Naiiba kang madirigma dahil may diwani ka." Nanatiling pormal ang tinig na iyon ni Hasmin.

Napatango si Moymoy at huminga nang malalim. "Sa maniwala ka't sa hindi, Hasmin... ngayon ko lang uli ginamit ang diwani ko. At ang kakaibang kapangyarihan ko bilang isang tibaro gaya ng pagpapalit ng anyo, hindi ko iyon ginagawa sa Amalao. Baka naka-tsamba lang kanina."

"Hindi Moymoy. Isa kang anak ng Apo," mabilis na sagot ni Hasmin. "Kung ikukumpara ka sa lahat ng mga tibaro ng Gabun, ikaw lang ang may ganoong kakayahan. Isa kang tunay at kakaibang mandirigma."

Napangiti lang si Moymoy. Pero nakatingin pa rin siya kay Hasmin na nananatili namang nakatingin sa malayo, hinihintay ang pagdating nila sa pinakadulo ng malaking yungib na iyon.

"Moymoy...?"

"Hasmin?"

Biglang bumaling ng tingin si Hasmin kay Moymoy at tiningnan niya ito nang diretso. "Bakit hindi ka nakinig sa pakiusap ni Montar sa 'yo—na pumunta ka rito sa Gabun?"

Natigilan si Moymoy. Hindi niya inaasahang itatanong iyon ni Hasmin sa kanya. Nag-apuhap saglit si Moymoy ng kanyang sasabihin. "W-wala akong makitang dahilan para pumunta rito. Nagampanan ko na ang naging papel ko—ang pangako ko sa lahat ng tibaro ng Gabun. Napawi ko na ang sumpa."

"May kaguluhang nangyayari ngayon dito sa Gabun, Moymoy."

Napapikit si Moymoy. Napaisip. Ang totoo'y ayaw niyang marinig ang sinabing iyon ni Hasmin sa kanya. Ayaw na niyang malaman kung ano man ang kaguluhang nangyayari sa Gabun. Nang muli niyang buksan ang kanyang mga mata, nakita niya sa mukha ni Hasmin ang kalungkutan. Pakiramdam ni Moymoy ay may gusto itong sabihin sa kanya. Pakiramdam niya'y sadyang gustong magsalaysay ang (ng?) dalaga tungkol sa kaguluhan at mga suliraning nangyayari sa Gabun.

"Moymoy," muling sabi ni Hasmin. "Pinaghahanap ka ng mga Apo. Nakita mo ang ginawa nila. Alam nilang ang unang pupuntahan mo rito sa Gabun ay si Alangkaw kaya doon sila pumuwesto sa palasyo ng Dalumdum. Gusto ka nilang hulihin. Gusto ka nilang patayin."

"Hindi ko maintindihan ang bagay na 'yan, kung bakit nila ako pinaghahanap? May nagawa ba akong kasalanan?"

"Hindi pa natatapos ang pagkamkam nila sa kapangyarihan. May kapangyarihan ka, Moymoy. Palagay ko'y natatakot ang mga Apo sa 'yo. Natakot sila na baka darating ang araw ay makakalaban ka nila. Sa madaling salita, gusto nila na sila lang ang may kapangyarihan at wala nang iba,"mariing sabi ni Hasmin. "Isang dahilan kung bakit sila bumuo ng mga kawal—para mahuli ka at patayin ka."

"Nakita ko ang mga tibaro na naghihirap. Pinahihirapan sila ng mga kawal na sinasabi mo. Pati ng mga bugani. May natitira pa palang mga bugani sa mga burol?"

Moymoy Lulumboy Book 6: Ang Ugat at ang Propesiya (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon