KABANATA 38. May Dumating

405 28 2
                                    


SA LABAS ng bahay sa Balara, nakaupo silang apat sa bangko. Nag-uusap sila habang pinagmamasdan ang mangilan-ngilang alitaptap na nagliliparan sa mayabong na dahon ng punong mangga.

"Ano kaya ang mangyayari sa hinaharap?" tanong ni Ella.

"Walang makapagsasabi niyan," sagot ni Moymoy.

"Sa Gabun, kay Ingkong Dakal ay puwedeng magtanong," sagot naman ni Hasmin.

"Oo, maaari ngang magtanong sa kanya. Pero may mga propesiya siyang sinasabi na hindi pa naman tiyak kung mangyayari," sagot naman ni Alangkaw.

Mula sa dilim, hindi nila ikinagulat nang mula sa malamlam na liwanag na nagmumula sa buwan ay tumama ang isang pamilyar na mukha—si Montar.

"Walang makakakita sa hinaharap. Kahit ang pagpawi ni Moymoy sa sumpa noon ay isa munang propesiya bago ito naganap. Pero malakas ang paniniwala ng mga tibaro na siya lamang ang papawi ng sumpa dahil sa kanyang taglay na kapangyarihan." Malumanay ang pagkakasabing iyon ni Montar pero pormal at seryoso ang kanyang tinig.

Tumayo sina Moymoy, Alangkaw, Hasmin, at Ella para salubungin si Montar.

"Kumusta na ang Gabun, Montar?" tanong ni Alangkaw sa kanya.

"Gusto n'yo ba talagang malaman?" bumuntong-hininga si Montar. Tuluyan na siyang lumapit sa kanila. "Tuloy pa rin ang laban. Lumalakas ang puwersa ng mga Apo. Pero papalakas din ang puwersa ng kilusan ni Ibalong Mulino. Umiigting ang labanan para sa kalayaan ng mga tibaro."

"Kailan ba natin matatamo ang laganap na katahimikan?" sabi ni Hasmin na halos sa sarili lang niya iyon tinanong.

"Kapag nakontento na ang lahat," sagot ni Moymoy. "Kapag naging masaya na ang lahat kung ano ang mayroon sila. Kapag wala nang hinahangad pa. Kapag piniling maging masaya ka kung ano ang mayroon ka."

May saglit na katahimikan.

Tumango si Montar. "Kaakibat ang pagiging malaya. Kalayaan na maging maligaya. Kapag may pumipigil sa iyong kalayaan, hindi ka tuluyang magiging maligaya."

"Pero, hindi ba't lahat ng bagay ay dapat na nasa tamang ayos? Halimbawa, kapag ang ibon, sinikipan mo ang pagkakahawak, baka masaktan o di kaya naman, mamatay. Pero kapag hindi mo naman hinawakang mabuti, makakawala sa 'yo. Kailangan ay hindi inaabuso ang kalayaan," sabi ni Moymoy.

Tumango si Alangkaw. "Naranasan ko na ang hirap ng walang kalayaan. Hindi ko magalaw ang katawan ko. Hindi ako makapagsalita. Parang pati kaluluwa ko'y nakagapos." Bumuntong-hininga si Alangkaw. "Kaya alam ko kung gaano kasarap ang maging malaya." Bumaling siya kay Moymoy at pagkatapos ay niyakap niya ito nang mahigpit. "Maraming salamat sa pagsagip mo sa akin."

Gumanti si Moymoy sa yakap ni Alangkaw. "Ikaw ang pangunahing dahilan kung bakit ako nagpunta sa Gabun."

Kumalas si Alangkaw sa pagkakayakap at humarap kay Moymoy. "Salamat na muli (uli). Hindi ko iyon makakalimutan."

May naglaro sa isipan ni Moymoy. Napapikit, bumalik na isang alaala, Nang buksan niya ang kanyang mga mata ay iniwas ang tingin kay Alangkaw. "Pero minsan... dumating ang isang pagkakataon nang mas pinili kong pawiin ang sumpa dahil nangako ako sa mga tibaro ng Gabun. Nagalit ka sa 'kin noon, Alangkaw."

"Wala kang kasalanan," sagot ni Alangkaw. "Kagustuhan iyon ni Inay."

"Mahalaga ang pamilya," sabi ni Montar. "Pero hindi n'yo ba napapansin, sa panahon ng digmaan, mas pinipili ang pakikipaglaban sa mga umaapi?"

May saglit na katahimikan.

Nagsalitang muli si Montar. "Nagpunta ako rito, hindi para sabihan kayo na magpunta sa Gabun, Moymoy. Nagpunta ako rito para kumustahin ko kayo."

Nagnginitian silang lahat ni Montar—sina Moymoy, Alangkaw, Hasmin, at Ella.

"May balak pa ba kayong pumunta ng Gabun?" Tinanong iyon ni Ella. Tiningnan niyang isa-isa sina Moymoy, Alangkaw, at Hasmin.

Nang gabing iyon, mag-isang nakahiga si Moymoy. Mula sa pasamano ng bintana, nakita niya si Spaghetti na nasa tabi ng puno ng mangga. Napaupo si Moymoy sa pasamano at hinintay ang paglapit sa kanya ni Spaghetti.

"Ang tagal mong nawala. Galing ka ba sa Gabun?" tanong ni Moymoy.

Nagmiyaw si Spaghetti, lumundag at lumapit sa kanya. Hinaplos niya si Spaghetti. "Huwag ka nang aalis. Hindi ako sanay nang wala ka," pakiusap niya kay Spaghetti.

Muli pang nagliwanag ang dibdib ni Moymoy. Nakita niyang ang liwanag na kulay-puti ay unti-unting naging kulay pula. Napaisip ni Moymoy. Tuloy-tuloy ang rebolusyon sa Gabun...

Nang mawala na ang liwanag sa kanyang dibdib ay humiga na si Moymoy. Naramdaman niyang gumapang at dinilaan ni Spaghetti ang kanyang mukha. Napapikit na muli si Moymoy. Sa sandaling iyon ay nakaramdam siya ng pagod. Tuluyan pumikit si Moymoy at natulog.

Moymoy Lulumboy Book 6: Ang Ugat at ang Propesiya (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon