KABANATA 29: Nawalang mga Alaala

363 27 0
                                    


MATAMANG nakatingin si Moymoy sa Bahay Labwad. Naroon pa rin ang ringal nito. Ang mga gargoyl sa paligid na nakabantay sa gusali ay dama pa rin sa mga ito ang bagsik at tapang—nakahandang labanan ang sino mang pumasok na walang autoridad upang itaboy para ito (ay) protektahan.

Bilang anyong maliit na ibon na may iba't ibang kulay, luminga-linga si Moymoy habang nakadapo sa sanga ng isang punongkahoy. Lumipad ito patungo sa gusali ng Bahay Labwad. Sa harap ng pinto, inilabas niya ang tunay na anyo. Luminga siyang muli—tiningnan kung may nakamasid at pagkatapos ay marahang binuksan ang malaking pinto ng Bahay Labwad at tuluyan nang pumasok.

Gaya pa rin ng dati, malaki at malawak ang loob ng Bahay Labwad. Nakahilera sa mga dingding nito ang maraming mga aklat (na) abot hanggang kisame. Sa bandang dulo, sa gitna ng malaking bulwagang iyon ay naroon si Ingkong Dakal, nakaupo sa kanyang silya.

Marahang humakbang si Moymoy papunta kay Ingkong Dakal. Nang makalapit siya rito'y nagtaka siya. Napansin niyang namumutla si Ingkong Dakal. Puting-puti ang kanyang balat at nakanganga. Parang walang buhay.

"Ingkong Dakal?"

"Sino ka?"

Kaagad na napansin ni Moymoy ang boses at pananalita ni Ingkong Dakal. Naging napakalalim at napakabagal ng kanyang pagsasalita.

"Ingkong Dakal, ako si Moymoy. May itatanong ako sa inyo. Gusto kong malaman kung saan ko matatagpuan si Alangkaw."

Hindi sumagot si Ingkong Dakal. Nanatilli ang kanyang histura—nakanganga at tila walang buhay.

"Hindi ka masasagot ni Ingkong Dakal."

Narinig ni Moymoy ang pamilyar na boses na iyon mula sa kanyang likuran. Nang bumaling ito sa pinanggagalingan ng boses ay bahagya siyang nagulat. "Montar!"

"Moymoy, salamat at narito ka na." Tuluyan nang lumapit si Montar kay Moymoy. "Kailangan ka ng mga tibaro."

Hindi nakasagot si Moymoy.

"Alam kong masaya ka na sa Amalao." Mapait na ngumiti si Montar. "Alam kong may sarili ka ring buhay. Nasasaksihan ko iyon sa piling ng mga buntawi. Kaya naisip kong respetuhin ang sarili mong desisyon—ang kaligayahan mo doon. Alam kong may sarili ka ring buhay na dapat na harapin, Moymoy. Kaya, hindi na ako nagpakita pang muli sa 'yo. Ayaw kitang gambalain."

"Salamat, Montar, at naintindihan mo 'ko." Muli pa siyang bumaling kay Ingkong Dakal. "May nangyari bang masama kay Ingkong Dakal?"

"Kagagawan ni Buhawan."

Pagkabanggit na pagkabanggit ng pangalan ni Buhawan ay parang umikot ang kinalalagyan ni Moymoy. Sa harap ni Moymoy—habang nagsasalaysay si Montar— parang pelikulang nakikita niya ang ginawa ni Buhawan kay Ingkong Dakal:

"Nang malaman ni Buhawan ang lahat ng gusto niyang malaman kay Ingkong Dakal ay kinaladkad niya ito palabas ng Bahay Labwad. Inalam ni Buhawan kung totoo nga ang propesiya na isang tibaro ang magbubuwag sa kanilang pamumuno. Inisip ni Buhawan na ngayong isa na siyang Apo, hindi siya ang tinutukoy ng propesiya kundi isang tibaro."

Nagpatuloy sa pagkukuwento si Montar. Sa harap ni Moymoy ay pinapanood pa rin nito ang mga pangyayari ayon sa pagsasalaysay ni Montar.

"Nang makaladkad ni Buhawan palabas ng Bahay Labwad si Ingkong Dakal ay nagpalit ng anyo si Buhawan. Yaong isang dambuhalang kulay-puting agila. Dagit-dagit niya si Ingkong Dakal at nagpunta sa Batis ng Alaala. Pagpunta niya roon, nang ibaik ang tunay na anyo ay muli pang kinaladkad ang kalunos-lunos na si Ingkong Dakal. Itinulak niya ito sa batis."

Patuloy ang panonood ni Moymoy sa nangyayari: Nakita ni Moymoy na nanlaki ang mga mata ni Ingkong Dakal sa ilalim ng tubig ng batis. Hindi siya makahinga. Nakita ni Moymoy na ang dating kumikinang na korona ni Ingkong Dakal ay dahan-dahang namutla. Ang tubig ng batis ay unti-unting lumabo. Sa tubig ay nakikita ni Moymoy ang mukha ni Elizza—nagigimbal na para bang nasasaktan sa ginawa ni Buhawan kay Ingkong Dakal.

"Pagkaraan ng ilang sandali ay iniahon ni Buhawan si Ingkong Dakal. Ngunit, may pagbabagong nangyari sa kanya. Marami sa kanyang alaala at nalalaman bilang tagapamahala ng Bahay Labwad na tinaguriang bahay ng karunungan ang nawala at naglaho sa kanya."

Nagulat si Moymoy sa kanyang narinig. Muli pang tiningnan si Ingkong Dakal. "Kung gayon, dahil sa inalis ang alaala ni Ingkong Dakal, hindi ko na rin malalaman kung nasaan si Alangkaw. At ang ibig sabihin din, si Buhawan mismo ang may kagagawan sa pagkawala ni Alangkaw." Napaisip bigla si Moymoy: saan at papaano niya hahanapin si Alangkaw? "Mabuti't hinayaan pa ni Buhawan na mabuhay si Ingkong Dakal at ibinalik pa siya rito sa Bahay Labwad?" tanong naman ni Moymoy kay Montar.

"Dahil pihadong magtatanong ang mga tibaro kapag hindi niya ibinalik niya rito si Ingkong Dakal. Si Ingkong Dakal at ang Bahay Labwad ang sumisimbulo ng karunungan ng mga Apo. Marami ang magdududa kay Buhawan bilang isang pinuno kung tuluyang mawawala si Ingkong Dakal dito sa Bahay Labwad na kanyang pinangangasiwaaan. Kaya hindi iyon magagawa ni Buhawan."

Muli pang tiningnan ni Moymoy ang mga pangyayari na kanyang nakikita sa kanyang harapan. Nakita niya ang Batis ng Alaala na hindi na ito kagaya ng dati na may napakalinaw na tubig:

"Tama ka, Moymoy, ginawa iyon ni Buhawan para burahin ang alaala ni Ingkong Dakal. Nalalaman kasi ni Buhawan na si Ingkong Dakal ang tatanungin mo sa kinaroroonan ni Alangkaw sa oras na magpunta ka rito. Sa madaling salita, dahil inalis ni Buhawan ang alaala ni Ingkong Dakal, hindi masasagot ni Ingkong Dakal ang kinaroroonan ng kapatid mo."

"Naging walang silbi ang pangangasiwa ni Ingkong Dakal bilang tagapangalaga ng Bahay Labwad, ang gusali ng karunungan," dagdag pa ni Montar.

"Montar," mabilis na sabi nito (Moymoy?/Ingkong Dakal?). "Pumunta tayo sa Batis ng Alaala. Ngayon din!"

Moymoy Lulumboy Book 6: Ang Ugat at ang Propesiya (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon