KABANATA 39: May Isang Liwanag

460 33 0
                                    


LUMIPAS ang ilang araw, nanatiling nakatira si Moymoy sa Balara.

Nasa bahay lamang siya. Hindi siya lumabas at namasyal sa mga mall o nakipagkita man lang sa mga kaklase. Minsan ay nagtatawagan sila ni Ella. Nagkukumustahan. Pero tumatanggi siyang lumabas kapag inaaya siya nito at ni Diego.

"Pass muna ako," sabi ni Moymoy. "Pahinga lang ako sa bahay."

Iyon ang lagi niyang sinasabi sa kanila. Kung hindi nagbabasa ng mga libro si Moymoy, palagi siyang nagmumuni-muni, at nagninilay-nilay sa mga nangyari—mula sa naging karanasan niya sa pag-aaral, sa mga babaeng nakilala, sa pagpunta niya sa Gabun, at maging sa Salikot, sa masasayang araw kasama sina Alangkaw, Hasmin, at nina Ella at Diego at ang lahat ng naging kabigan at kaklase niya, at ang pakikisagupa niya sa kapatid ni Dianne na si Toto. May masasaya at may malulungkot na nangyari. Naisip rin naman ni Moymoy na hindi naman lahat ay puro masaya, mayroon ding malulungkot.

Napangiti siya. Ganito talaga ang buhay.

ISANG hatinggabi matapos magliwanag ang kanyang dibdib ay hindi na siya nakatulog. Tumayo si Moymoy sa hinihigaan, umupo sa pasamano. Pinagmasdan niya ang mayabong na puno ng mangga. Napakunt-noo. Hindi niya pinapausukan ang mangga, hindi pa panahon ng pamumulaklak nito, pero nagulat siya nang makita ang maraming bulaklak na namumukadkad sa puno. Napaisip at inilihis ang isipan—alam niyang mula sa simula nang mabuhay siya ay puno na ng misteryo ang nangyari at patuloy na nangyayari sa buhay niya.

"Bakasyon pa sa klase," napangiti si Moymoy. "Saan kaya magandang mamasyal?"

Sa labas ng bintana, tiningnang muli ni Moymoy ang munting liwanag na naglalakbay roon. Tila nanggaling ito sa sa isang kumpol ng mga bulaklak ng puno ng mangga. Nagsimulang maglakbay-lakbay ang liwanag. Napansin ni Moymoy na hindi ito nagmumula sa alitaptap dahil nag-iiba-iba ang kulay ng liwanag. Minsan ay kulay-puti, dilaw, pula, bughaw, at kung ano-ano pang mga mga kulay na di (hindi?) niya matukoy.

Patuloy na nakatingin si Moymoy sa paglakbay ng liwanag. Nakita niyang papalapit ito sa binatana. Pero dahan-dahan ay nanatili ito sa pagiging kulay-puti. Napansin din ni Moymoy na papalaki nang papalaki ang liwanag habang papalapit ito sa bintana. Patuloy na sinundan ni Moymoy ng tingin ang liwanag na bukod sa patuloy na paglaki nito ay lalo pang lumiwanag.

Napakunot-noo si Moymoy. Tuluyan ngang lumalapit ang liwanag na iyon sa kanya. Hanggang sa magtungo ito sa harap ng kanyang mukha.

"Sino ka?" tanong ni Moymoy sa liwanag.

Lumilipad-lipad na nagtungo ang liwanag sa loob na kuwarto. Nang tuluyan na itong nakapasok ay lalo pang lumiwanag iyon—sinakop ang buong silid. Pagkatapos ay unti-unti ring lumiit iyon—may nabuong isang pigura.

"Diyos na Ilawi?" nasambit ni Moymoy nang makitang ang pagbuo ng liwanag.

"Lumapit ka sa akin." Dama sa tinig at sa mukha ni Ilawi ang pakiusap niyang iyon kay Moymoy. "May ipagtatapat ako sa iyo."

Naglakad si Moymoy, palapit kay Ilawi.

"Isasama kita sa pinangangasiwaan ko bilang isang Apo ng Gabun, na tagapangasiwa ng liwanag. Isasama kita sa isang liwanag. Naroon lang ako," sabi ni Ilawi. "May ipagtatapat ako sa iyo na dapat mong malaman."

Marahan ang pigura ni Ilawi ay unti-unting naglaho. Muli, naging isang liwanag na lamang iyon.

Marahang humakbang si Moymoy sa liwanag. Unti-unting nagbago ang paligid. Naging liwanag—tila nakabalot (na/sa) liwanag na hindi niya malaman kung nasaan ang hangganan niyon. Pero sa harap niya'y nakikita si Ilawi.

Moymoy Lulumboy Book 6: Ang Ugat at ang Propesiya (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon