Kabanata 22

3.2K 8 0
                                    

Kabanata 22: Ang Palabas

Punong-puno ng tao sa dulaan ngunit lampas na sa oras ay 'di pa rin nagsisimula ang palabas dahil hinihintay pa ang Kapitan Heneral. Marami nang naiinip, nagsisipadyak at sumisigaw na buksan na ang tabing.

Ang lugar na tinatawag na palko na may pulang kurtina ay uupuan ng Kapitan Heneral. Isang ginoo ang umupo sa butaka at ayaw tumindig. Si Don Primitivo kasi ang may-ari ng upuan kinauupuan nito.

Dahil dito'y tinawag ni Don Primitivo ang tagapaghatid sa upuan nang makita niya na ayaw tumindig ng ginoo. Ang pagmamatigas ni Don Primitivo ay nagdulot ng kaguluhan at kasiyahan sa mga taong naiinip.

Samantala, habang nagaganap ang kaguluhan ay biglang tumugtog ang marchareal dahil dumating na ang Kapitan Heneral. Sinasabing manonood ang Kapitan Heneral ng palabas dahil sa dalawang dahilan. Ang una ay hinahamon diumano ito ng simbahan at ang pangalawa ay dahil ito ay may pagnanasa lamang na makita ang pagtatanghal.

Nasa loob din ng dulaan si Pepay at katapat ng mga estudyante ang kinauupuang palko nito. Kinuntsaba siya ng mga estudyante at siyang gagamitin kay Don Custodio upang palambutin ang puso nito. Noong hapong iyon ay sumulat si Pepay sa kagalang-galang na tagapayo at naghihintay ng kasagutan.

Naroroon din si Don Manuel na panay ang pasaring kay Don Custodio. Si Makaraig ay makahulugang tumitingin kay Pepay na parang ibig ipahiwatig na mayroon siyang sasabihin.

Masaya ang mga estudyante, si Pepay pati na si Pecson. Si Isagani lang ang hindi dahil nakita niya sa dulaan si Paulita na kasama ni Pelaez na kanyang karibal.

Maya-maya'y umawit si Gertude, isang Pransesa. Sige sa pagsalin si Tadeo sa wikang Kastila ng mga salitang Pranses na naririnig. Gayon din ang ginawa ni Juanito Pelaez kina Paulita Gomez at Donya Victorina. Lamang ay madalas mali ang pagsalin ni Juanito. Dito rin nagsimula ang paghanga ng Donya sa kanya at hinangad na pakasalan ang binatang kuba pag namatay ang mister na si Don Tiburcio.

Umawit din si Serpolette. Mayroong pumalakpak na nakilala ni Tadeo na si Padre Irene. Pinapag-espiya pala ito ni Padre Salvi kung sadyang masama nga ang palabas ng mga Pranses. Namukhaan ng mananayaw si Padre Irene at kakilala pala siya ni Serpolette doon pa sa Europa.

Pagkaraan ay may isang bababeng dumating na may kasamang asawa. Ipinagmamalaki pa niya ang pagkahuli ng dating. Nang makitang wala pang laman sa may palko ay inaway ng ginang ang asawa.

Sinutsutan siya ng mga tao at sa inis ay tinawag niya ang mga ito na mga "ungas" at akala mo daw ay marurunong mag-pranses.

Si Ben Zayb naman ay panay ang panunuligsa sa pinapanood at sinabing ang mga nagsiganap ay hindi mga artista at 'di marunong umawit.

Sa palabas ay kakikitaan ng kahalayan at pagnanais sa kababaihan ang mga kalalakihang tulad nina Don Custodio, Tadeo, Macaraig at Pecson ngunit sila ay nalungkot sapagkat hindi itinanghal ang hinihintay nilang cancan.

Napag-usapan din ang "di pagsipot ni Simoun sa dulaan. Pinagtalunan naman ng mga estudyante ang kagandahan at kapangitan ng wikang Pranses.

Galing si Makaraig kay Pepay, malungkot ang hitsura kaya naman pagbalik niya ay nag-usisa ang mga kapwa mag-aaral. Dala niya ang balita na may pasya na daw tungkol sa paaralan ayon kay Padre Irene.

Sinang-ayunan daw ang paaralan ngunit ito'y ipaiilalim sa Unibersidad ng Sto. Tomas sa pamamahala ng mga Dominikano.

Talasalitaan:

Alingawngaw - tinig na bumabalik sa pandinig
Artilyero - kanyunero
Ayuntamiento - Pamahalaang lungsod
Butaka - upuang may patungan ng braso; pang-ibabang mga hanay ng upuan sa teatro o tanghalan
Butaw - donasyon
Cancan - isang masiglang sayaw na nagsimula pa noong ika-19 na siglo na ang pinakatampok na galaw ang pasipang pataas sa saliw ng mabilis na tugtog
Dagok - suntok o dating ng suliranin
Dometiques - domestic o pantahanan
Entrada General - teatro
Gora - sombrero
Guniguni - imahinasyon
Ipalulon - ipalunok, ipakain
Kahali-halina - kaakit-akit
Matikas - matipuno
Manunuligsa - namumuna
Mapakali - mapalagay
Mapanudyo - mapanukso
Masasal - mabilis at malakas na ubo
Masatsat - masalita, madaldal
Masigabo - mainit na pagtanggap o palakpakan
Nakapukaw - nakagising
Nakaririmarim - nakadidiri, nasusuka
Nakimatyag - nakiusyoso
Nakukutya - namamaliit
Natitigatig - natitibag
Nayamot - nainis
Palko - balkonahe, upuan sa itaas ng teatro
Panlulumo - panghihina
Pasaring - parinig
Peluka - wig, pekeng buhok
Pinagkuskos - pinagkiskis
Servantes - servants o tagapaglingkod
Tabing - kurtina
Tampalasan - walang galang, bastos
Tisiko - may sakit sa baga o tuberculosis
Tumambad - lumitaw
Udyok - tulak
Umilandang - humagis
Winawasiwas - iwinagayway

El Filibusterismo (Paghahari ng Kasakiman)COMPLETETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon