CHAPTER 1

59 0 0
                                    

”Class, gusto kong ipakilala sa inyo ang bago ninyong kamag-aral…si Janica…magpakilala ka sa kanila, Janica…”

“I’m Janica Ocampo and I’m 10 years old…” Lumingon siya sa akin at ngumiti.

Love at first sight. First Love. Puppy love. Rolled into one.

Hindi mahalaga ang kalendaryo kapag bata ka. Malalaman mo na lang na birthday mo na pala dahil binabati ka na naman ng kapamilya mo na mas nakakaalam na ng kalendaryo. Basta ako, alam ko na dumating si Janica ‘nung malapit nang mag Christmas, noong nasa Grade 4 ako, at pumasok siya sa mismong eskwelahan at klase ko noong unang araw ng Grade 5 ko.

Ang totoo, doon din ako umuuwi sa inuuwian ni Janica. Sabi sa akin ni Itay, galing sa Amerika si Janica. May sakit daw kasi ito at dinala roon bago mag-isang taong gulang. Dahil wala nang tatao sa bahay ng amo ni Itay kung kaya’t doon na muna kami tumira. Hanggang sa bumalik nga ang pamilya nina Janica doon sa malaking bahay bago mag-Pasko.

Solong anak si Janica. Kung titingnang mabuti, maputla siya at payat, pero siya na yata ang pinaka-magandang babae na nakilala ko. Panay ang tukso sa akin noon ni Ate. Hindi ko alam kung bakit. Marahil dahil sa kakaibang pag-aasikaso ko lagi kay Janica, sa madalas naming paglalaro, o siguro, talaga lang nasasabik akong may kalaro noon na kasing edad ko. Paano kasi, third year high school na noon si Ate. Ang layo ng agwat namin para maglaro pa ng mga gusto kong laro.

Isa pa sigurong napansin ni Ate ay ang maaga kong pag-uwi lagi. Dati kasi, kung saan-saan kami nagpupunta ng mga kamag-aral ko. Dumadayo kami sa bukid para manghuli ng tutubi o kaya ay mamitas ng bayabas. Mula nang dumating si Janica, nasasabik ako laging makita siya, bukod pa sa lagi niya akong binibigyan ng oatmeal cookies na paborito nilang lutuin ng mommy n’ya.

Paper CranesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon