CHAPTER 8

29 0 0
                                    

Sa totoo lang, kinakabahan ako na pumunta sa bahay nina Nica maski pa kasama ko si Jane at iba pa naming kaeskwela. Basta yung weird na first time kaming nagkakilala ang naiisip ko. Sa tapat ng trangkahan nila kami tumigil. Pigil hininga ako. Ngayon, lalo akong humanga kay Nica. Mahirap lang sila. Siguro, mas mahirap pa sa amin. Kitang-kita sa tindig at itsura ng bahay nila. Humanga ako dahil si Nica ang pinakamatalino sa amin. Humanga ako kasi kahit na naging iwas ako sa kanya, may mga pagkakataong siya pa ang lumalapit sa akin. Saka ko naisip ulit si Janica. Kung gaano kalayo yung buhay naming dalawa pero ginawan niya ng paraan na magkalapit kami sa napakaikling panahon na magkasama kami noon. Saka yung sabi niya na “Kung mahal mo ako…” dahil alam kong mahal din niya ako.

Naputol ang pag-iisip ko nang lumabas ang nanay ni Nica at patuluyin kami. Ayaw daw kasi’ng umattend ng JS prom ni Nica dahil hindi raw bumagay ang nahiram na damit. Pumasok si Jane sa kwarto ni Nica para kausapin ang kaibigan. Naiwan kami ng Nanay ni Nica sa sala.

“Ikaw yung supladong madalas i-kwento ni Nica noh?”

“H-Hindi naman po…” pautal kong pagsisinungaling.

“Kuhhh…mga bata kayo… hindi naman ninyo kailangang magpaligsahang dalawa sa eskwela.”

“Naku…hindi po talaga…” Yun ang totoo, wala sa interes kong makipag-paligsahan.

“Madalas umuwing malungkot yan kasi hindi mo nga raw pinapansin…kako baka sadya lang na hindi ka palabati, eh hindi naman daw…inakala ko pa ngang bakla ka eh…haha!”

Namula ako sa hiya.

“Eh bakit ho ba ayaw umattend ni Nica?” pagbabago ko ng usapan.

“Ang mali ko kasi, yung nahiram kong gown eh bahagyang mababa yung tabas para itago yung pilat ng opera niya sa dibdib.”

“B-Bakit ho…m-may opera si Nica sa puso?” Nanginginig ako sa pagkakatayo ko.

“Ay, oo…sa awa ng Diyos, apat na taon na yata…may sakit kasi sa puso yang batang yan at talagang alam namin na anumang oras eh…” Nakita kong bahagyang may namuong luha sa mata ng nanay ni Nica. Bahagya itong sumandig sa akin.

“Alam mo bang kasagsagan ng lindol…sa takot ng batang yan eh inatake sa puso at halos mamatay…mabuti na lang…” Tuluyan na itong napaiyak.

“Si Janica…” Mahina kong nausal.

“B-Bakit mo alam?” Pagtatakang tanong ng nanay ni Nica na bahagyang nagulat sa pangalang binanggit ko.

“A-Ang sabi ko ho, ako na ho ang bahala kay Nica…ngayong gabi.”

Habang buhay. Hanggang sa kabilang buhay. Yun ang eksaktong nasa isip ko.

Saka ko nakitang lumabas si Nica mula sa kwarto nito. Nakatutop ang kamay sa bandang itaas ng dibdib. Bahagyang nagulat nung makita ako at ang nagpapahid ng luhang magulang.

Namumuo ang luha sa mata ko habang dali-dali kong dinukot ang papel at nanginginig ang kamay kong dahan-dahang tinupi ang pang one-thousand na paper crane...

Tuluyang pumatak ang luha sa mata ko kasabay nang pagkakatapos ng huling tupi.

“Huwag mong sabihing hihingi ka sa akin ng sorry…” Bahagyang may pagtataka, bahagyang may sungaw na ngiting tanong ni Nica sa akin habang pilit sinisipat ang mata kong may luha.

Hindi ako kumibo. Hinawakan ko ang palad niya at iniabot ang huling paper crane.

Noon pa lang unang araw na magkita kami, alam kong alam na niya….

Ang tanging laruan at libangang magpapaalala sa amin kung gaano ka-makapangyarihan  ang pag-ibig

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~WAKAS~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Paper CranesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon