CHAPTER 2

47 0 0
                                    

Unang araw ng klase. Uwian. Magkasama kami ni Janica sa waiting shed sa tapat ng eskwelahan habang hinihintay namin si Itay. Bumuhos ang ulan. Nagulat ako nang tumakbo si Janica na tuwang tuwa. Sinigawan ko siya na bumalik at huwag magpakabasa. Hindi siya nakinig. Sumugod na rin ako. Basang-basa kaming pareho nang masalubong namin ang sasakyan nila na minamaneho ni Itay. Ganoon na lang ang galit sa akin ni Itay. Ako raw ang pasimuno kung kaya’t nagpakabasa si Janica. Oo nga’t madalas ko iyong gawin dati kapag naiinip ako sa pagsundo niya, ngunit sa pagkakataong ito, wala akong kasalanan.

Galit na galit sa amin ang mga magulang ni Janica. Nakatingin sa akin si Sir David habang panay ang mura nito nang malutong sa aming mag-ama dahil sa nangyari. Hindi nangatwiran o umimik si Itay sa talagang nangyari. Sa tagal ng paninilbihan ni Itay sa pamilya nina Janica, noon lamang siya napagsalitaan ng masakit. Nagpaalam si Itay na tatapusin na niya ang paninilbihan kina Sir David. Sa unang pagkakataon, nakaramdam ako ng inis kay Janica dahil sa nangyari. Isang buwan ang hiningi ni Itay para kami makahanap ng titirhan. Ngayon ko naisip na pride marahil ni Itay ang nagbunsod sa kanya para bitiwan ang matagal na paglilingkod kina Janica.

Hindi na ako nagtaka nang sumunod na araw kung bakit wala si Janica sa klase. Maging ang mga sumunod na araw. Hanggang sa tinawag ako ng Mommy ni Janica noong huling araw sa unang linggo ng klase. Gusto raw akong makita ni Janica. Bantulot akong sumunod. Ayoko sana, kaso, wala akong magawa.

Paper CranesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon