Ako si Jordan. Isang simpleng bata na may simpleng buhay. Mahilig akong magbasa ng libro, yung mga may paksang tungkol sa mga hand crafts, paper crafts, at arts. Pero mahilig din naman akong makipag-laro sa mga kabarkada ko.
Bata pa lang ako, alam ko nang may aking talino ako sa mga gawaing sining, mga likhang kamay. Ilang beses na din akong nananalo sa school kapag may Arts Contests and Exhibits. Sabi nga ng isa kong teacher, magiging isa daw akong magaling na artist, pintor o architect dahil magaling daw ang kamay ko sa mga ganyang gawain.
Isa sa mga kabarkada ko ay si Roger. Mas matanda sya sa akin ng dalawang taon. Pero kahit mas matanda sya sa akin ay halos magkasing tangkad lang kami. Pareho kaming aktibo sa mga larong kalye. Pero kabaliktaran ko sya, wala syang angking talino pagdating sa Arts. Kaya kadalasan kapag may Arts project sila sa school, sa akin sya nagpapatulong.
Mas maganda ang hubog ng katawan ni Roger kaysa sa akin dahil siguro mas nauna siyang nagbibinata sa akin. Medyo maputi sya at makinis, singkit ang mga mata, pero mapungay. Dahil siguro Chinese ang Mama nya kaya ganun ang hitsura nya.
Ako naman, Pinoy na Pinoy - hindi maputi, hindi rin maitim. Ang mata ko'y bilugan. Pero matangos naman ang ilong ko. Likas sa pamilya namin ang matatangkad kaya siguro magkasing-tangkad lang kami ni Roger. Hindi rin ako mataba, at lalong hindi naman din "patpatin". Sakto lang.
Bata pa lang kami ni Roger, magkaibigan na kami. Maging ang mga magulang namin ay magkakaibigan din dahil iisang baranggay lang naman kami nakatira.
Maraming beses na kapag birthday ko o birthday nya, palagi kaming magkasama at magkadikit sa party. Kung nasaan sya, nandun ako. At kung nasaan ako, nandun din sya. Madalas ngang tinutukso na kaming "kambal-tuko" dahil palagi kaming magkasama. Kulang na lang, maging iisa ang aming pinagmulang magulang.
Isang summer vacation, may maikling panahon na hindi kami nakapaglaro ni Roger. Lagi lang syang nasa bahay noon at nakatanaw sa aming mga magbabarkada na naglalaro sa kalye. Ilang beses ko syang kinawayan at tinawag. Pero kumaway lang din sya sa akin at ngumiti. Yung ngiti na sa pakiwari ko ay may kakaibang tamis at iba kaysa sa mga ngting ibinabato nya sa iba naming kabarkada.
Ewan ko ba bakit sa tagpong yun ay kakaiba ang naramdaman ko sa ngiti nya. As usual, binalewala ko lang muna yun dahil nasa gitna pa ako ng pakikipag-patintero.
"Pupunta ako dyan mamaya ha!!!", sigaw ko kay Roger na namimintana.
"Sige, hihintayin kita!!! Magdala ka na rin ng turon para meryenda natin!!!"
"Sige ba!!! Ilan ang gusto mo?", pasigaw kong sagot.
"Hoy!!! Kung mag-uusap lang kayo, mag-time out ka muna!!! Nakakalusot na yung mga kalaban o!!!, Sigaw sa akin ni Arnel na kalaro at kabarkada din namin.
Natapos ang ilang palitan ng pagiging taya at "balagoong" nang sumitsit si Nanay at tinawag ako.
"Jordan anak!!! Halika nga muna at ilatag mo na ang lamesa. Ilalabas ko na itong mga turon at bananaque eh. Tama na muna yang laro, kanina pa kayo nagbibilad sa araw!!!"
"Opo 'Nay... andyan na!!! O ayaw ko na muna, tawag na ako ni Nanay! Sino ang papalit sa 'kin?", sabay takbo naman ako papauwi.
Kinuha ko ang lamesa at nilatag na ang mantel para sa mga paninda ni Nanay.
"Nay, pahingi po kami ni Roger ng turon ha? Pupuntahan ko kasi sya dahil mukhang may dinaramdam eh. Hindi na naman sya lumabas ng bahay at nakipaglaro sa amin eh... tatlong araw na", lambing ko kay Nanay.
"O sya sige, kahit wala pang buena-mano, kumuha ka na dyan. Pero maligo ka kaya muna bago ka pumunta kila Marlyn, amoy araw ka!"
Si Aling Marlyn, yan ang nanay ni Roger na super bait at laging nakangiti. Ayaw na nga nyang magpatawag ng Aling Marlyn sa akin eh. Ang gusto nyang itawag ko sa kanya ay Mama na din dahil parang anak na din daw nya ako.
Dali-dali akong naligo pagkatapos kong isupot ang limang pirasong turon. Kasi tama nga si Nanay, amoy araw na ako at nagtagaktakan ang pawis. Itinabi ko muna ang supot ng turon na ibinilin ko naman kay Nanay.
Turon. Yan ang isang meryenda na hindi namin ipagpapalit ni Roger sa kahit ano pang meryenda. Magaling magluto ng turon ang Nanay ko, kaya siguro naging paborito namin ni Roger ang turon. Kahit sila Aling Marlyn ay regular na suki ni Nanay.
"Nay, pupunta po muna ako kila Roger ha.. Sitsit ka lang kung kailangan mo ako.. Dun lang po ako sa kanila maghapon.. uuwi din po mamaya."
"Sige, pero ayoko ng masyado kang malikot sa bahay nila ha, baka makabasag ka.", tugon ni Nanay.
"Teka, ilang piraso ba yang dadalahin mo?"
"Lima po."
"Dagdagan mo na para may mameryenda na din sina Marlyn mamaya."
"... thanks, Nay."
Kumaripas na ako ng takbo papunta sa bahay nila Roger. Lakad-takbo. Nagtataka talaga ako kung bakit tatlong araw na di lumabas sa kalye si Roger. Mukha namang walang sakit kasi patunghay-tunghay at pangiti-ngiti pa sa akin kanina. At ilang beses pa'y nahuhuli ko syang humahagalpak ng tawa kapag may pumalpak sa patintero kanina.
May isang kaisipang sumagi sa isip ko, "Hmmm siguro may nagawa itong kasalanan kaya pinagbawalan sya ni Mama Marlyn na lumabas sa kalye at maglaro. O baka naman napilayan at di makalakad o makatakbo ng maayos. O baka naman may nakagalit sya sa barkada at umiiwas muna. Ano ba talaga?"
Napabuntong-hininga ako sa kakaisip. May sandali din na nangamba ako para kay Roger.
"Ano ba itong utak ko?! Kung anu-anong iniisip. Ok lang si Roger. Walang masamang nangyari sa kanya.", sambit ko sa sarili.
Ilang saglit pa'y kumakatok na ako sa gate ng bahay nila Roger. Simple lang naman ang bahay nila, hindi gaanong kalakihan, hindi rin naman maliit. Pero malinis at maayos.
Pinagbuksan ako ni Ate Cristy, ang matapat na katiwala nila Roger.
"Hello Ate! Si Roger po?"
"Nasa loob, halika pasok ka."
YOU ARE READING
Best Bud
Historia CortaA Story of A Special Kind of Friendship That Grew Into A Special Kind of Love