Dear Mahal,
Hindi naman ako ganun kaliit, 5 feet 4 inches naman ang height ko. Pero anong naisip mo at binilan mo ako ng sapatos sa kids’ section? Na alam mong hindi naman kakasya sa akin dahil Malaki ang paa ko. Halos magka-size nga tayo.
“Mahal, happy first monthsary! Ayan, binilhan kita ng BALLerina shoes. O, di ba? May BALL sa word, ang kyot! Meant to be talaga tayo, Mahal! Sana magustuhan mo. Aylabyu!”
Natanggap ko ang sapatos na bigay mo sa loob ng locker ko. Hindi ko alam kung paano mong nailagay ‘yun sa loob nito, pero nakakainis dahil nagulo ang ayos ng locker ko dahil basta mo na lang isinaksak ang kahon sa loob.
Oo, ganoon ka ka-busy na halos wala kang time ibigay ng personal sa akin ang regalo mo sa unang monthsary natin. Nagkikita naman tayo tuwing sasamahan mo akong magsimba kapag Sunday, na madalas ay natutulog ka kesa nakikinig sa sermon ng pari.
Nang buksan ko ang sapatos, sa tingin palang, alam kong hindi na ito kakasya sa akin. Bukod sa parang pang-10 years old lang ang size, ay kumikinang na gold pa ang kulay na napili mo. Biglang dumaan sa likod ko si Stan, isa sa mga teammates mo at sinabi.
“Ang ganda ng sale noh? Hahahaha!”
Sinubukan ko namang isuot ang sapatos, baka sakaling kumasya. Pero kahit ano talaga ang gawin ko, kahit anong suot pa, hindi talaga kasya. Not unless putulan ko 2 inches ang paa ko, o habaan ng 2 inches ang sapatos na binigay mo.
Nung hapon na ay nakipagkita ka sa akin sa isang bench sa soccer field. May dala-dala kang fishball at buko shake na isang litro. Pinaupo mo ako sa tabi mo at para kang bata na excited akong tinanong kung nagustuhan ko ang sapatos.
“Mahal, nagustuhan mo ba? Ano? Bagay ba? Sukat mo nga!”
Napapangiti mo ako kapag ganun ka. ‘Yung para kang bata. Masyado kang excited sa lahat ng bagay—maliit man o malaki, mababaw man o malalim. Masyado kang maligalig.
Kaya tayo nagbreak ay hindi dahil sa hindi kasya sa akin ang binili mong sapatos. Nagbreak tayo dahil natakot ako na dahil isip-bata ka, isang araw bumitaw ka na lang nang walang dahilan. Dahil ang bata, hindi naman ‘yan nag-iisip. Padalos-dalos. Free-spirited. Basta may nakitang isang bagay na maganda, kahit hindi naman tama ang gamit, o tama ang sukat, pipiliting makuha. Bakit? Iisa ang dahilan—maganda sa mata.
Nag-break tayo dahil natatakot akong maiwan mo. Masyadong mabilis ang galaw ng mundo mo. Hindi kagaya ko na papel at ballpen lang ang madalas na hawak. Ano ang laban ko sa mundo mo? Isa lang akong babaeng aksidenteng natapunan sa mukha ng jersey mo, isang buwan na ngayon. At kung anuman ang dahilan kung bakit mo ‘yun pinanindigan, hindi ko alam.
Hindi ko alam kung paano ka nakakapagpatuloy sa isang relasyon na NAPASUBO ka lang. Hindi ako sigurado kung pareho ba tayo ng nararamdaman. Ako, mahal kita. Hindi ko ‘yun pwedeng ipagkaila. Na kahit mapuno ko pa ang ilang pirasong papel ng lahat ng kapalpakan at kakulangan mo, mahal pa rin kita.
At natatakot ako. Kaya tayo nag-break.
Nagmamahal,
Princess
BINABASA MO ANG
BAKIT TAYO NAGBREAK?
Teen FictionAng relasyon natin ay parang lower abs. Ang hirap i-work out.