Chapter 1

498 18 1
                                    

Ilang minuto na ba ang lumilipas? Lima? Anim? Sampu?

"Hoy Divine! Kalahating oras ka na diyan sa tapat ng salamin. Hihintayin mo bang mabasag bago ka kumilos? Baka nakakalimutan mong may pasok ka pa."

Napasimangot ako sa boses na iyon ni mama, sabay harap sa kaniya."Ma naman eeeehh!" Halatang galing siya sa kusina dahil may hawak pa siyang sandok.

"Tigilan mo nga akong bata ka. Dalian mo na riyan."

"Sige, titig pa. Ang pangit mo pa rin kahit buong araw ka sa harap ng salamin." Parang umusok ang tainga ko sa narinig mula sa loko kong kapatid.

"Anong sabi mo!" Kaagad akong naghanap ng kung anong gamit na malapit sa akin. Isang suklay ang nadampot ko at nanggigil na tumingin kay Darwin.

"Uh. A-Ate, joke lang. M-Maliligo na pala ako."

"Walang joke-joke sa'kin!"

Binato ko sa kaniya ang suklay ngunit mabilis siyang nakatakbo papasok sa CR.

"Divine! Darwin! Ano ba, tumigil nga kayong dalawa!" rinig kong sigaw ni mama na nagbalik na sa kusina.

Isang normal na umaga lang sa amin ang ganito na mukhang abnormal siguro para sa iba. Mabuti at hindi pa kami pinapa-barangay ng mga kapitbahay namin dahil sa ingay.

Bumalik ako sa tapat ng salamin. "Mama naman po kasi eh! Bakit ang pangit ng buhok ko?" reklamo ko. Kahit sinuklay ko na ito ng ilang beses ay natural itong wavy at hindi mawari kung saang direksyon gusto pumunta, kalat-kalat at may nakatayo pa.

"Huwag ako ang sisihin mo kung 'di mo inalagaan' yan. Kailan ka pa natutong mag-ayos? Dapat noon pa man ginawa mo na iyan hindi ngayon na nasa senior high ka na."

Napatingin akong muli sa salamin. Sinubukan kong gayahin ang iba't ibang pose ng mga Koreanang napapanood ko sa TV. "Haist!" Bakit kaya ang cute nila samantalang ako parang natatae na ewan. "Tsk. Makapasok na nga lang!"

"Ma, alis na ako!" sigaw ko bago lumabas ng bahay.

"Hoy Divina! Hindi ka pa kumakain!" habol na sigaw ni mama.

"Sa school na lang Ma!"

Madalas ganito ako, hindi nag-aalmusal. Sapat naman ang baon ko upang makabili ng sandwich na tinitinda sa school. Kung ang iba, maganang kumain, ako naman ay kabaliktaran, mabuti na nga lang at tama lang ang pangangatawan ko. Hindi pa naman ako inaasar ng kapatid ko na "malnourish". Palibhasa mas payat siya. Natawa ako sa naisip.

Ngunit agad ko ring pinigilan ang sarili na mapahalakhak dahil nasa labasan na ako. Napayuko ako sa gilid ng kalsada. Marami nang nag-aabang ng masasakyan. May tumigil na jeep ilang metro ang layo sa kinatatayuan ko. Nakasimangot akong tumakbo palapit dito. Nakakaasar naman! Hindi man lang tumigil sa tapat ko.

Nag-unahan ang mga estudyanteng kagaya ko sa pagsakay. Dahil sa tulakan at gitgitan, nahuli tuloy ako sa pagpasok sa loob.

"Isa pa sa kaliwa! Maluwag pa!" malaking kasinungalingang sigaw ng driver. Umurong naman ang mga pasahero pero hindi sapat ang space upang magkasya ang munti kong katawan. Napalunok na lamang ako. Hay, malas ko naman ngayon!

Umupo ako na parang walang problema kahit ang totoo, halos malaglag na ako. Hindi man lang nangalahati ng pwet ko ang nakaupo. Dahil sa takot na mapahiya ay ipinagsawalang-kibo ko ang lahat at tahimik na naghintay at nanalangin na sana makarating na ako kaagad ng school habang hindi pa ako nahuhulog ng tuluyan.

Nang huminto ang sasakyan sa tapat ng gate ng aking butihing paaralan ay nagmadaling bumaba ang mga kasama kong estudyante. Halos hindi ako makalakad ng maayos dahil sa pamamanhid ng aking binti. Ito ang isa sa mga kalbaryo ng tulad kong commuter tuwing papasok o uuwi. Haist, kailan kaya aasenso ang Pinas?

Inayos ko muna ang aking uniporme, mula sa ribbon ng blusa hanggang sa skirt na lampas-maitim na tuhod, buti medyo maputi ang akin.

Tinignan ko ang malaking orasan sa guard house na tabi ng gate. Ala-sais pa lang ng umaga pero ang dami nang estudyanteng pumapasok. Six-thirty ang umpisa ng klase ko kaya marami pa akong oras upang tumambay.

Nakayuko akong naglakad papasok ng gate. Kung gaano ako kaingay sa bahay ay siya namang ikinatahimik ko sa labas. Ilang araw na ba simula nang mag-umpisa ang pasukan? Pangatlong linggo na pala ngayon. Dumeretso ako sa favorite spot ko, sa open field.

Pumwesto ako sa gilid kung saan walang tao. Imbes na maupo sa upuang bato ay sa damuhan ako sumalampak. Dito ako maghihintay hanggang sa mag-umpisa na ang aking klase. Siyempre, habang naghihintay, inilabas ko ang mumurahin kong Android phone para manood ng anime. Mabuti na lang at binigyan ako ni mama ng pang-load kahapon.

"Hello." May narinig akong boses ng lalaki sa may upuan na nasa gilid ko pero hindi ko siya pinansin. Malay ko ba kung ako ang kausap o hindi? Tahimik akong naghintay na mag-loading ang video ng episode ng Fairy Tail nang magsalita siyang muli.

"Psst! Hey! Sabi ko hello!" He has this manly voice but... May tono na parang pilit na pinapalambot. Kunot-noo akong napatingin sa kaniya.

Tinuro ko ang aking sarili. "Ako ba kausap mo?" tanong ko rito. Ngumiti siya na nagpatigil ng aking mundo. Ngayon ko lang napansin, ang kinis ng maputing balat niya. Labas ang dimple niyang kabilaan, napakapungay ng mga mata at ang makapal nitong kilay ay napakaperpekto ng pakakakurba. He's sitting like a professional model, na kahit ang simpleng puting polo at shirt sa loob na suot niya ay bumagay dito.

Nasa gitna ako ng aking pantasya kung saan parang nakakita ako ng anghel na bumaba sa langit nang bigla siyang mag-cross ng legs. Nalaglag ang balikat ko sa ginawa niya. Hindi de-kwatro kung hindi parang malanding babaeng pinapakita ang legs nito kahit naka black slack naman siya. Tsk! Mas malandi at malambot pa sa akin!

Fall With Me, Jowa Please! (#RomcomObli2020) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon